Capitulo Treinta y Tres

22 3 0
                                    

"Ihanda mo na ang iyong mga gamit Rosalia, dahil magtutungo ka sa iyong Tiya Roma.Doon ka muna hanggang sa magsimula ang iyong klase."

Nabitawan ko ang kubyertos sa kaniyang sinabi.

"Ngunit Papa, hindi ako makapapayag sa iyong nais!Bakit ko kailangang lumisan?"

"Huwag mo akong pagtaasan ng boses kung ayaw mong madagdagan pa lalo ang galit na nararamdaman ko para sa'yo."

"Dahil kahibangan ang iyong sinasabi!Hindi ko gagawin iyon!Dito lamang ako!"

Hinampas niya ng malakas ang ibabaw ng mesa.

"Rosalia Teresita!Talagang hindi na kita mapakiusapan!"

Hindi ako nagpatinag dahil alam kong ginagawa niya lamang iyon para mailayo ako kay Javier.

"Ano ba ang rason at bakit ayaw na ayaw mo kay Javier Salvi, Papa?Bakit hindi mo ako hayaan man lang na sumaya?Kamamatay lamang ni Dolores ngunit mas lalo mong pinapabigat ang aking kalooban!"

"Agravante man o hindi ay ayaw ko!Wala akong pinipili kaya huwag mo akong tanungin na para bang may galit ako sa pamilya nina Javier."aniya.

"At kung hindi ko kayo susundin ay ano ang inyong gagawin?"

"Wala akong ibang gagawin ngunit hindi pa ba nakakarating sa'yo ang balita?Kalat na sa buong San Agravante na ikaw ang may kasalanan kung bakit namatay si Dolores!"

Nanlaki ng bahagya ang aking mga mata.Wala akong naririnig tungkol sa bagay na iyon.

"At ano ang balitang nagtungo ka raw sa presinto at binayaran mo ng ginto ang mga sundalo upang ipabugbog si Battista?Totoo ba iyon, Rosalia?!"

Kumuyom ang aking mga palad dahil sa halo-halong emosyon.Tumayo ako at hinarap si Papa.

"Totoo man o hindi ay wala na kayo doon."

"Isang kalapastanganan ang iyong ginawa!Patuloy mong dinudungisan ang ating apelyido!"

Nilingon ko si Dulce at hindi inintindi ang sinabi ng aking ama.Bakas ang takot at pangamba sa kaniyang mukha.Pareho silang tahimik ni Greta na tila nakikiramdam lamang sa nangyayari sa kanilang paligid.

"Masaya bang maging Hermedilla, Dulce?Damhin mo ngayon kung ano ang pamilyang pinanghimasukan mo."wika ko bago sila tinalikuran doon.

Dinig ko pa ang pagtawag sa akin ni Papa ngunit hindi na ako nag-abala pang sagutin siya.Tama na muna para sa araw na ito ang aming diskusyon.Gusto ko munang mamahinga kahit sandali.Akma akong papasok na sa aking silid nang may lumapit sa aking gwardya.

"Sulat para sa inyo, Senyorita Rosalia Teresita."aniya bago yumuko at magpaalam.

Bumilis ang tibok ng aking puso at nagmadaling isinara ang pintuan ng aking kwarto.Ang sobre ay may isang napakabangong halimuyak, ganoon rin ang papel sa loob non.

Rosalia Teresita,

Nabasa ko ang iyong liham, ngunit mas nais kong malaman kung ayos ka lamang ba ngayon?Gustuhin ko mang dumalaw sa libing ni Dolores ay hindi ko nagawa sapagkat inutusan ako ni Mama na magtungo sa Buenvista upang dalawin ang aming mga kamag-anak doon.Ipagpatawad mo kung wala ako sa iyong tabi upang ikaw ay damayan.Batid kong nangungulila ka rin sa akin kagaya ng aking nararamdaman.Nais kitang makitang muli, mayakap at mahagkan ang iyong mapupulang labi.Magkita tayo sa Parola mamayang gabi.Hihintayin kita buong araw, at kung sakali mang hindi ka dumating ay mauunawaan ko.Pakatandaan mo palagi ang pag-ibig ko para sa'yo, mahal ko.

Lubos na nagmamahal,
Javier Salvi Agaravante


Tumulo ang mga luha mula sa aking mga mata.Halos ilang linggo akong naghintay sa kaniyang sagot sa ipinadala kong liham at ngayong nalaman ko na ang kaniyang rason ay napanatag na ang aking kalooban.Sinabi niyang magkikita kami mamayang gabi sa Parola, kung saan mismo ginahasa at namatay si Dolores.Makakakaya ko nga bang magtungong muli doon gayong iyon ang isang lugar na pinangyarihan ng bangungot ng aking itinuturing na kapatid?

Hinintay kong lumubog ang araw hanggang sa magdilim na.Nagtaka ako dahil wala akong natatanaw na ilaw mula sa Parola.Nitong mga nakaraan ay hindi ko magawang matingnan iyon dahil naaalala ko si Dolores.Marahil ay isinara iyon dahil sa nangyari sa kaniya.Nangangamba man na baka umalis na si Javier doon ay pinilit kong iwinaksi ang aking mga naiisip.Sumabay ako sa hapunan kayna Papa upang hindi sila makalahata sa aking gagawing pagtakas mamaya.

Dulot ng nangyari kay Dolores ay nagtalaga si Papa ng magbabantay sa labas ng aking kwarto.Ganoon rin sa likurang bahagi ng hacienda kung saan ako pumupuslit upang tumakas.Marahil ay si Greta na naman ang nagsabi ng sikreto kong daan kay Papa.Ang babaeng iyon, wala siyang ginawang tama!Palagi na lamang siyang nakikialam!

"Magpapahinga na ako.Nais ko munang mapag-isa sapagkat hanggang ngayon ay nagdadalamhati pa rin ako."

Bahagya kong hininaan ang aking boses at kunwaring nagpunas ng luha.Dinig ko ang malalim na pagbuntong hininga ni Papa at Dulce.Nang tumalikod ay lihim na umangat ang aking labi.Ngayon ay hindi niya na uutusan pa ang ilang katulong na magtungo sa aking silid upang tingnan ako.

Siniguro kong ikinandado ko ang pintuan bago lumabas mula sa bintana ng aking silid.Natatanaw ko mula sa ibaba ang dalawang gwardya na mahimbing na ang tulog.Mukhang umaayon ang tadhana upang magkita kaming muli ni Javier Salvi.

Hintayin mo ako, mahal ko.

Dahan-dahan akong bumaba matapos maitali sa gilid ng barandilya ang pinagdikit-dikit kong mga kurtina.Siniguro kong hindi iyon mapapansin hanggang sa makabalik ako mamayang madaling araw.Sinamantala ko ang pagkakataon at dali-daling lumabas mula sa maliit na entrada.Papalayo na sana ako nang may maalala kaya naman muli akong bumalik.Pinakatitigan ko ang baril na nakalapag sa mesa.Wala sa sariling kinuha ko iyon.Wala akong dalang kabayo at kung sakali mang may magtangka sa aking gumawa ng masama ay hindi ko sila hahayaan.

Mabilis ang aking naging kilos at halos takbuhin na ang daan patungo sa Parola.Hindi gaanong kadilim sa paligid ngunit halos manlamig ang aking pakiramdam sa malakas na simoy ng hangin.Ilang sandali pa ay natanaw ko na ang Parola.Hindi kagaya dati ng pagkasabik ang aking nararamdaman.Huminto ako sa pagtakbo at tinanaw iyon.

Simula noong mamatay si Dolores ay ngayon lamang ako nagtungong muli dito at hindi na kasiyahan ang dala ngunit pawang kalungkutan.Tinangay ng malakas na hangin ang tumulong mga butil ng luha sa aking mga mata.

"Rosalia Teresita..."

Nilingon ko ang nagsalita at ganoon na lamang ang paglakas ng tibok ng aking puso nang makita si Javier.Ang kakaibang emosyon ay namayani sa aking puso.Tinakbo ko ang aming distansya at kaagad na niyakap siya.Ramdam ko ang pagpulupot ng kaniyang mga braso sa aking bewang kasabay ng pagbulong niya ng mga salitang nakapagpatunaw ng lubos sa aking puso.

"Mahal na mahal kita, Rosalia Teresita."

Anathema of Rosalia TeresitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon