Chapter 27

187 11 3
                                    


"Rae, anak, napakasaya kong makitang lumaki ka ng mabuti."

Ilang beses akong lumingon sa kung saan para hanapin ang pinanggalingan ng boses ng nanay ko. Nawawala na yata ako. Kanina lang masaya naming pinapanood ang pag-ikot ng roller coaster habang kumakain ng sorbetes. Sayang at hindi namin kasama si Erin. Pangarap pa naman naming makapunta sa amusement park noon.

"Anak..."

Muli akong napabaling sa harap ko nang muling marinig ang tinig ni nanay. Nasaan na ba siya? Kailangan na naming pumila para makasakay sa Ferris-wheel!

"Nay!" Tawag ko sa kaniya sa malakas na boses.

Unti-unting kumunot ang noo ko nang mapansin kong ang kaninang masigla at mataong amusement park ay naging tahimik. Hindi na rin umaandar ang iba't-ibang mga rides. Pati ang mga taong masayang nagsisigawan kanina ay nawala. Umakyat ang takot sa dibdib ko nang mapagtantong ako na lang mag-isa sa napakalaking lugar.

Nasaan na sila? Anong gagawin ko?

"Rae, anak..."

Desperadang sinundan ko ang boses ng Nanay ko. Kailangan ko siyang makita kaagad! Natatakot na ako!

"Nay?" Muling pagtawag ko sa kaniya.

"Napakasaya ko anak," rinig kong sabi niya.

Dinala ako ng mga paa ko sa harap ng isang pinto na may nakasukat na "Hall of Mirrors." Dito ako dinala ng boses ni nanay pero napahinto ako sa hindi malamang kadahilanan. Parang bigla akong kinabahan.

Nasa loob kaya si Nanay?

"Aalis muna si Nanay, Rae, alagaan mong mabuti ang sarili mo, anak. Alam kong makakaya mo... Matalino at matapang kang bata."

Sa hindi malamang dahilan, biglang tumulo ang mga luha mula sa aking mga mata na para bang hindi 'to ang unang beses na narinig kong sinabi 'yon ni Nanay. Saan ba siya pupunta? Bakit niya ako iiwan?

Mabilis akong humakbang at binuksan ang pinto sa harap ko sa pag-aakalang makikita ko ang Nanay ko sa loob. Ngunit pagkapasok ko ay sumalubong sa akin ang repleksyon ng isang lumuluhang bata mula sa napakaraming salamin. May bakas ng pangamba sa mukha niya at bawat repleksyon ay diretsong nakatingin sa 'kin. At nang sinubukan kong hawakan ang isa sa mga salamin ay sumabay din sa pag-galaw ang mga repleksyon at nang mailapat ko ang kamay ko sa salamin, nagpang-abot ang palad ko at ang palad ng bata.

Nanlaki ang mga mata ko nang mapagtantong sariling repleksyon ko pala ang nakikita ko.

"Rae..."

Agad na napabaling ako sa pinagmulan ng boses na tumawag sa pangalan ko. Hindi na boses ni nanay ang naririnig ko ngayon kundi ng isang di pamilyar na boses ng isang lalaki.

"I've been searching for you for a long time, Rae, my daughter."

Kaagad akong natigilan nang isa-isang nawala ang mga repleksyon ko at napalitan lahat ng 'yon ng pigura ng isang lalaki. Hindi ko makita ang mukha niya dahil tanging anino lang ang nakikita ko sa mga salamin.

"It's me, Rae, your father..."

Wala sa sariling humakbang ako patungo sa salamin nang biglang may humawak sa balikat ko dahilan upang mapatigil ako sa pag-hakbang.

"Raerae..."

Agad akong lumingon nang marinig ang boses ni Erin. Isang sabik na ngiti ang gumuhit sa 'king mga labi nang makita siyang nakangiti sa 'kin.

Melancholic Tears Of Tear (PGS #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon