Kabanata 1

9.1K 239 27
                                    

Yenah

Gagawa raw kami ng kwentas na bulaklak sa araw na iyon sabi ng lola ko. Darating ang mga mayayamang tao sa lugar namin at kasama na roon ang mayor at ibang politiko ng bayan. Binibili ng aming kapitan ang mga ginawang bulaklak na kwentas para naman daw may pagkakakitaan kahit kaunti ang ibang mga taga-rito.

Anim na taong gulang pa ako. Matagal-tagal pa bago ako magsampu. Gusto ko na rin kasi sana na matulongan si Lola sa ibang trabaho kaya lang sabi niya bata pa ako. Hindi ko pa raw kaya ang mga gawain ng mga matatanda.

"Yenah, 'wag ka lumayo, ha. Baka pag tinawag kita para sa pananghalian 'di ka na naman makasagot dahil lumalayo ka na."

Tumango lang ako at ngumiti. Hawak-hawak ko sa kabilang kamay ko ang maliit kong aso na natagpuan ni Lola sa gilid ng kalsada. Baka raw inabandona ng may-ari sa hindi namin alam na dahilan. May tali sa leeg si Sham-sham dahil minsan mas kabisado niya pa ang daan kaysa sa'kin kaya lang madalas akong mapahamak kapag kasama ko siya.

Ibinaba ko si Sham-sham at agad itong nauna sa paglalakad habang hawak ko ang tali niya. Sumusunod lang ako sa kaniya. Sana lang alam ko kung saan pwede kumuha ng bulaklak para hindi lang si Lola ang mangunguha. At para rin sana mas marami ang maiipon naming bulaklak at nang makagawa ng mas maraming kwentas.

Kaya lang hindi kasi ako nakakakita. Dahil isa akong bulag. Simula pa raw noong isilang ako, bulag na raw talaga ako. Patay na ang mama ko, namatay siya dahil nag-bleeding noong manganak at sa kapabayaan daw ng nagpaanak. Nakakalungkot pero tapos na, sabi ni Lola hindi na raw maibabalik pa si Mama.

"Sham? Patungo na naman ba tayo sa batis?"tinatanong ko ang aso kahit alam kong hindi naman talaga nasagot. Siguro nakagawian ko na, wala kasi akong ibang makausap maliban kay Lola kaya pati aso kinakausap ko na.

"Di ba sabi ni Lola 'wag daw tayo roon? Sakop iyon ng ari-arian ng mga Rojo baka raw pagalitan tayo pag nahuli tayo doon."

Kaya lang hindi naman talaga siya nakikinig panay lang siya lakad na parang hindi ko siya kinakausap. Mukhang doon nga siya papunta dahil mukhang sumusukal ang damo sa banda doon. Dati na kaming nakarating doon at naaalala kong mataas ang mga damo madadaanan mo papunta doon. Hindi ko naman siya pwedeng bitiwan dahil baka hindi ko na siya mahanap at pareho kaming maligaw.

Nagpatianod lang ako sa paghila niya.

Miminsan lang naman daw ang mga Rojo diyan. Malaki raw ang bahay sa gitna ng malawak na hacienda pero mukha raw parating walang tao. Hindi ko pa nakikita talaga nakabase lang ako sa mga kwento ni Lola kung gaano raw kaganda ang malaking harden sa likuran ng Mansiyon. Napakalawak daw ng garden ng mga rosas. At iyong tinawag ni Lola na water Lily, iyong bulaklak na nakalutang sa tubig. Napakaganda raw niyon.

"Sana Sham, wala diyan ang mga Rojo. Patay talaga tayo."

Gustong-gusto kasi ni Sham-sham doon dahil iyong sapa napakaraming ibon doon iyong nangingitlog sa damo. Kinakain niya kasi ang itlog, pinipigilan ko siyang gawin iyon pero matigas talaga ang ulo.

"Sham!" Napasigaw ako nang bigla siyang bumwelo sa pagtakbo at nabitiwan ko siya.

Ang masama pa ay nahulog ako sa tubig. Mababaw lang naman pero maraming bato at matutulis ang mga bato roon.

Naramdaman kong kumirot ang kamay ko. Naituko ko kasi agad iyon sa mga bato.

"Sham!" Naiiyak kong tawag. Iniwan niya kasi ako agad doon. Ni hindi ko alam kung saan ako hahawak.

His Metal Cage - Book 1 (Innocent Lips Series)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon