Ipinangkapa ko ang paa sa tsinelas ko para isuot 'yon. Nang maisuot ay dumiretso ako sa tapat ng bahay at saka ibinaba sa plastik na lamesa ang pinggang hawak-hawak ko.
Sumunod naman ang kapatid kong dala-dala ang mga baso at isang bote ng malamig na tubig. May yelo pa 'yon sa loob at halatang babad sa freezer.
Sa labas talaga kami kumakain dahil nandito ang mga lamesa. May lamesa naman sa loob pero maliit lang 'yon at hindi kami kasya kung magsasabay-sabay kaming kumain.
Wala rin namang manghuhusga kung sa labas kami kakain dahil ganito rin ang gawain ng iba naming kapitbahay. Sa mga bakuran talaga kadalasang kumakain lalo na kapag sabay-sabay ang isang buong pamilya.
"O, makikiraan mga mahal na prinsesa."
Agad akong gumilid nang marinig si Papa na parating. Dala niya ang mainit na bulalong nakalagay sa isang malaking bowl.
Bahagya akong napangiti nang maabot ng pang-amoy ko ang usok no'n. Mas lalo akong nagutom.
Nang makumpleto kami ay nagdasal na kami at nagsimulang kumain.
"Mahsikuha kayo ng maraming sabaw, pinalinamnam ko talaga 'yan," pagsasalita ulit ni Papa. "Ikaw, Venus, kumain ka pa ng marami. Nangangayayat ka na! Susmaryosep!"
Bumagsak ang balikat ko sa narinig at bahagyang napanguso. "'Pa, an' taba-taba ko na nga, e! Tingnan mo 'ko!"
"Aba, e, ano namang masama? Wala ka namang ibang kinakain rito kung hindi gulay lamang," sagot pa nito sa akin. "Akala mo ba'y hindi ko nahahalatang hindi ka na kumakain ng maayos?"
"Maayos pa rin naman ang pagkain ko, 'Pa."
Nitong mga nakakaraan pasimple na talaga akong hindi kumakain ng ganoon karami. Ayoko nang tumaba pa lalo! Pa-obese kaya ang katawan ko.
Kahit gano'n naman hindi ko pa rin naman ginugutom ang sarili! Nasa ayos pa rin ang porsyon ng pagkain ko.
"Hindi ako sampalataya sa mga ideya ng diet-diet na 'yan, ha? Baka kayo'y biglang mahimatay na lang diyan, naku! Magsikain kayo ng marami! 'Di baleng tumaba!"
Mahina akong napabuntonghininga sa sarili nang lagyan pa ako ng kanin ng papa ko. Napailing na lang ako at tinanggap na ang kahihinatnan ko sa gabing 'to.
Hindi madaling maging mataba. Ang lahat ay parang tinuturing kang iba. Akala mo ay mga payat lang ang pwedeng mamuhay sa mundong 'to. Hindi ko maintindihan!
Pagtitinginan ka sa daan na parang isa kang naglalakad na alien. Minsan ay pagtatawanan. Tutuksuhin pa dahil iba ang katawan ko sa kanila.
Lahat na lang yata ay connected sa pagiging mataba ko.
Kung ano-ano siguro ang kinakain kaya tumaba.
Napaka-unhealthy!
Maganda sana kaso mataba. Para tuloy pangit.
Hindi ko na lang pinahahalata na affected ako kahit na ang totoo ay gusto kong lamunin na lang ako ng lupa 'pag nangyayari 'yon.
Hindi ba nila kayang sarilihin na lang ang mga naiisip nila at kailangan pang iparinig sa akin?
"May nangyari ba?" biglang tanong ni Mama sa amin.
Bahagya akong napatingin rito na busy sa pagkutsara ng pagkain. Hindi ko na lang pinansin dahil hindi naman yata ako ang kausap.
"Hindi ka na yata masigla nitong nakakaraan, Ven."
Naiangat ko ang ulo nang marinig ko ang pangalan ko. Ako?
"May nangyari ba kako sa 'yo?" pag-ulit nito ng tanong. "No'ng nakaraan ay ang sigla-sigla mo at palagi kang nakangiti sa cellphone mo," pagtutuloy ni Mama. Hala! Halata ba?
BINABASA MO ANG
folded papers from far away
RomanceAng Unang Paglalayag · 05:00 - 07:00 With the family he created, Damon found himself in the fake world of RPW in the desire to escape. Unknown to him, messages anonymously sent will force him to fold papers in hopes to reach the goddess in the spa...