Chapter 15 - Hello Bianca, Goodbye Andy?
Kasalukuyang nakaharap sa salamin ngayon si Andy at seryosong sinisipat ang sarili sa suot niyang kulay pulang bestida sa hapit sa katawan niya. Pencil cut iyon na may habang hanggang sa kalahati ng hita niya. Ang harapan nito ay may design na itim na lace at v-shaped ang sa may likuran nito.
Napabuntong hininga siya. Hindi siya sanay na mag-suot ng ganoong klaseng damit. Ang sabi ng saleslady sa kanya iyon daw ang uso ngayon. Grabe! sigaw ng utak niya. Parang hindi na nalalayo ang itsura niya sa mga babaeng nakikita niya sa Malate na nago-offer ng panandaliang aliw.
Bigla siyang nalungkot nang maalala ang mga babaeng iyon na halos araw-araw niyang nakikita sa tapat ng mga mumurahing bar. Nakakaawa kasi sila. At alam niyang wala siyang karapatang husgahan ang mga naging buhay nila dahil wala siyang alam sa dinaranas ng mga ito.
Sinulyapan niya ang sapatos na binili din niya kanina sa mall. Kulay pula din iyon. Sexy daw ang kulay na iyon sabi ng saleslady kaya iyon na ang kinuha niya. Wala kasi siyang masyadong alam sa mga usapin tungkol sa kulay basta ang alam niya maganda ang kulay pink para sa kanya. Ang kaso lang wala siyang nakitang pink na bestida kanina. Sa iisang boutique lang kasi siya nagpunta. Tamad na tamad siyang mamili at isa pa hindi niya iyon hilig. Lalo na at ang mamahal ng mga damit doon. Libo-libo ang halaga ng isa at ang pinakamurang sapatos ay halos isang libo din. Nakakapanghinayang gumastos.
Ang binigay ni Hector na limang libo sa kanya ay halos isang libo na lang ang natira. Isosoli niya ang sukli mamaya.
Maya-maya pa ay narinig niyang may bumukas ng pinto sa baba. Ang Mama na niya iyon, si Ofelia. Galing sa trabaho. Dali-dali siyang bumaba para salubungin ito.
Pagbungad na pagbungad nito at agad na rumehistro sa mukha nito ang gulat nang makita siya.
"Saan galing 'yang damit mo?" sita nito. "Ang ganda naman. Galing ba kay Lara 'yan?"
"A-ah, opo sa kanya nga," pagsisinungaling niya. Ayaw niya kasing malaman nito na may lalaking nagbigay sa kanya ng malaking halaga para ipambili ng ganoong kamahal na damit "May pupuntahan po kami mamaya. Susunduin ako ng pinsan niya," dagdag niya pa.
Inilapag nito ang shoulder bag sa sofa. "Hindi mo yata nasabi sa akin ang tungkol diyan," sabi nitong hindi inaalis ang tingin sa kanya.
Nag-isip siya ng idadahilan. "Biglaan po kasi ito," tipid niyang sagot.
"Anong oras ka ba susunduin?"
"Alas siyete po."
Tumingin ito sa wall clock na nasa malapit sa hagdanan. "O, sige. Mag-ingat ka ah. Siguraduhin mong uuwi ka bago mag-alas dos."
"Opo Ma," nakangiti niyang sabi. Alam niyang papayag talaga ang Mama niya kapag si Lara ang kasama niya. Kilala nito ang matalik niyang kaibigan kaya walang problema kapag nagpapaalam siya sa ina tungkol sa mga ganoong bagay. Alam din kasi nito na paminsan-minsan may biglaang handaan sa pamilya ng kaibigan kaya hindi na ito masyadong nagtatanong.
xoxoxoxoxoxoxoxoxo
Eksaktong alas siyete ng gabi nang may humintong kulay pulang 2015 Ford Mustang sa tapat ng maliit na bahay nila Andy. Pagkarinig nilang mag-ina ng ugong ng sasakyan at halos sabay silang tinungo ang pinto para makita kung sino ang dumating.
Mula sa may pinto ay kitang-kita niyang bumaba si Hector galing sa kotse nito. Sa pakiwari niya ay parang tumigil saglit ang paligid habang hinihintay niyang itong tuluyang makababa. Itim na suit ang suot nito na tinernuhan ng kulay gray na polo at pulang necktie. At katulad nang una niya itong makita sa Tagaytay ay parang may kakaibang aura na naman ito na nakaka-paralyze ng buong katawan.
BINABASA MO ANG
The Suitor
Novela JuvenilAndy is a self-proclaimed Maria Clara in the modern world. No boyfriend since birth at hindi nagpapaligaw. Pero isang araw nagising na lang siya bilang girlfriend ng lalaking nagpalambot ng mga tuhod niya-- si Hector. Nagsimula ang lahat sa pakiusap...