WG IMEE - Part 2

286 10 0
                                    



MATAPOS ihanda ni Imee ang mga sangkap para sa gagawin niyang chocolate cake ay nagsimula na niyang sukatin ang mga dry ingredients. Kabisado na niya ang paggawa ng cake subalit hindi niya inaasa sa experience ang paggawa niyon. Kaharap pa rin niya ang formula na subok na niya. Gusto niya, kahit kailan na gagawa siya ng cake ay perpekto ang resulta.
Maliit lang ang cake na gagawin. Dalawang layer lang iyon na babalutan niya ng puting frosting. Ang dekorasyon niyon ay simple lang din. Ang bilin ni Irish ay lagyan ng wedding couple ang ibabaw ng second layer at maliban doon ay wala nang iba pang dekorasyon.
Hindi sana ganoong wedding cake ang pangarap niyang gawin para sa nag-iisa niyang kapatid pero wala siyang magagawa kung iyon ang gusto nito. Kungsabagay, simple lang naman ang kasal na gagawin. Nagpa-schedule ito ng kasal sa isang kilalang hukom sa Maynila at pagkatapos niyon ay isang munting salu-salo sa kanilang bahay.
Nanghihinayang siya dahil madali sana para sa kanila ang gagawing paghahanda kung naisin man ni Irish ng isang marangyang kasalan. Buhat nang maging wedding supplier siya ni Jenna ay marami siyang natutuhan sa wedding planning. Kahit hindi niya hingin ang tulong ni Jenna ay tiwala siyang magagawa rin niyang organisado ang kasal ni Irish. Ang kaso, madalian ang desisyong pagpapakasal ni Irish. Madalian dina ng preparasyon kaya naman kulang na lang ay magprimahan ng kaukulang papeles at tapos na ang kasal.
Wala pang sampu ang inaasahan nilang bisita. Isang pares lang na saksi at ilang kaibigan ni Irish na kasamahan nito sa Cathay Pacific. Sa panig naman ng mapapangasawa nito ay ang kaibigang matalik lang daw ang makakadalo. Kagaya nila ay ulila na rin ang mapapangasawa ni Irish.
Naisalin na niya sa mixer ang mga sangkap nang tumunog ang kanyang telepono. Inabot niya iyon at pinagana ang speaker phone upang makapagpatuloy siya sa ginagawa habang may kausap.
"Ano ba namang ingay iyan?" tila reklamo ni Samantha nang sagutin niya ito.
"Umaandar ang mixer. Ginagawa ko na iyong cake ngayon para hindi ako gahulin bukas. Alas kuatro ang kasal. Sandali lang naman daw iyon kaso nga lang ay baka ma-traffic kami pag-uwi dito sa bahay. Ako pa ang mag-aasikaso sa lahat."
Mamaya pagkatapos niyang i-bake ang cake ay ilalabas naman niya ang mga kakailanganing kasangkapan. Noong isang araw pa niya nilinis ang buong bahay. Napalitan niya ang mga kurtina at mantel ng mesa. Pero dahil gusto niya ay malinis ang buong paligid, mamaya bago siya matulog ay tiyak na maglilinis siya uli.
Kay Samantha na siya nag-order ng mga pagkain para ihanda. Uubos ng malaking oras niya ang pagluluto kahit kaya naman sana niyang ihanda ang limang putaheng pagkain.
"Areglado na ang mga pagkaing inorder mo," sabi ni Samantha. "Bakit kasi ayaw mo pang pumayag na magpadala ako diyan ng dalawnag staff para naman hindi ka magmukhang hilong-talilong bukas? Hindi kita sisingilin ng mahal, Imee," natatawang sabi nito. Ki
"Hindi naman sa pagbabayad ang problema," aniya. "Alam mo namang hindi kalakihan itong bahay. Iniisip ko nga kung gagawin ko na lang buffet style ang handa. Six-seater lang itong dining table namin. Mag-arkila man ako ng mesa, wala namang space dito."
"Kasi naman, ang daming restaurant sa paligid o kaya ay hotel, kung bakit sa bahay ka pa naghanda. Kahit dito sa Sam's Kitchen, puwede mong dalhin ang mga bisita. Kung ganyang iilan lang ang bisita mo, kasyang-kasya iyan dito. Puwede pa silang mag-tumbling," dagdag na biro nito.
"Sa palagay mo ba'y hindi ko naisip iyan?" sagot niya. "I even told Irish na regalo ko na sa kanya ang magagastos sa reception. Kaso ay matigas ang ulo. Kesyo mas intimate daw ang affair kapag sa bahay gagawin. Kaya heto, noong isang araw pa ako busy. And I know, pagkatapos ng kasal, habang nagha-honeymoon sila kung saan man sila pupunta ay maiiwan ako dito para magligpit."
"Hire a cleaner," suhestyon nito.
"Para bantayan ko rina ng bawat kilos dahil natatakot akong baka sila makabasag?" Naisip niya ang mga kasangkapang ilalabas niya. Matanda pa sa mama nila ang mga iyon. Ayon sa mama niya ay regalo pa ang mga iyon noong kasal ng mga magulang nito. At halata naman. Ibang klase ang kapal ng mga baso at puswelo. Iba rin ang bigat ng mga platito at naglalakihang bandehado.
"Para wala kang problema, magpapadala na rin ako ng mga kasangkapan. That's free of charge para hindi ka na tumanggi. Ayaw ko lang na mahirapan ka pa. Busy ka na nga sa paghahanda ay pahihirapan mo pa ang sarili mo sa pagliligpit. At magpapadala na rin ako ng dalawang tao para sila ang mamahala sa pagkain. Sila na rina ng bahala sa pagliligpit. You don't have to pay them pero bahala ka na for tip."
Napangiti siya. "Thanks, Sam. Kaibigan ka talaga!"
"Huwag ka nang mag-drama. Basta sa kasal ko, regaluhan mo ako ng wedding cake. Iyong kasing-taas ko."
Nagulat siya sa narinig. "Kasal? Seryoso ka ba diyan?"
"Oo naman, bakit hindi? I'll get married for sure. Hindi ko pa nga lang masabi kung kailan ang eksaktong petsa. Basta mangako ka sa akin, sagot mo ang wedding cake ko."
"Promise. Gagawin kong fruit cake ang top layer para pagkatapos ng isang taon, sa first wedding anniversary ninyo ay mayroon kayong pagsasaluhan na kasingtanda ng pagsasama ninyo."
"That's nice!" tuwang sabi ni Samantha. "Bakit hindi ko yata naririnig ang ganyan dati? May ginawan ka na ba ng ganyan sa mga kliyente mo?"
"Wala pa. Wala naman sa kanila ang nagre-request ng ganoon. Mas concern sila sa itsura ng cake para daw maganda sa picture at video. Besides, isang kagat lang usually ang nakakain ng bride and groom. The rest, hindi na nila alam kung saan napunta."
"Kungsabagay. So, mga two o'clock, ipapadala ko na sa bahay mo ang mga pagkain. At ikaw mag-relax ka na lang. Magpa-beauty ka, Imee. Kahit na nga ba civil wedding lang iyon, special occasion pa rin ang kasal. Malay mo iyong kaibigan ng magiging bayaw mo, guwapo pala? At baka magustuhan ka."
"Payapa ang buhay ko. walang kumplikasyon."
"Masarap ang ma-in love, Imee. Take it from me."
"Oh, yeah, palagi ka naman kasing in love."
"And I don't have any regret."
"I'm happy for you," at narinig niya ang senyales na mayroong pumapasok na tawag. "May call waiting ako, Sam. Baka si Irish."
"Okay, bye for now."
Pinindot niya ang isa pang buton. "Hello?"
"Imee, Janus here," anang baritonong tinig.
Of course she knew him. Senior partner si Janus Lanuza ng auditing firm na pinapasukan niya. Limang taon lang ang tanda nito sa kanya pero palibhasa ay matalino at magaling sa trabaho, ito na ang next in line sa big boss nila na si Macario Lopez kapag nag-retiro ito sa isang taon.
"Yes, sir? Napatawag kayo?" kaswal na sagot niya.
For all she knew, papansinin na naman nito ang pagtawag niya dito ng sir. Hindi uso sa kanila ang pormalidad maliban kay Macario Lopez na mas tinatawag nilang Uncle or Bossing kaysa "Sir".
"Yes, ma'am," tudyo nito. "Naka-leave pala kayo ng dalawang araw? Ngayon saka bukas."
Napangiti siya sa pagtawag nito sa kanya ng ma'am. "Kasal kasi ng kapatid ko bukas. Ako ang nag-aasikaso dito sa bahay. Hindi ko nasabi sa inyo dahil nasa convention kayo sa Cebu."
"Wow, may kasalan pala diyan. Hindi ka man lang mangumbida," tila sumbat nito. Palagay ang loob nila sa isa't isa. Madalas kaysa hindi ay sila ang partners sa mga auditing na ginagawa nila sa malalaking kumpanya.
"Maliit lang naman kasing salu-salo." At bigla ay nagdesisyon siya. "You are welcome to come. Para makilala mo rin ang kapatid ko."
"Ayoko namang kaya lang ako kinumbida ay dahil napipilitan ka lang," pagpapakipot nito.
"Janus Lanuza, hindi bagay sa iyo ang magpakipot," kantiyaw niya dito. "Four pm ang kasal sa Manila City Hall. You can go there or kung gusto mo, dito ka na sa bahay dumiretso. Please, huwag mo na lang ipagsabi sa opisina na pupunta ka dito. Alam kasi nila na wala akong kinumbida."
"I feel so honored," sabi nito.
"Bring gift!" biro naman niya.

*** itutuloy ***

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Wedding Girls Series 17 - ImeeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon