"NAMAMAOS pa ang boses mo, Jenna. Ano iyan, sa sobrang puyat o sa sobrang pagtili kapag... alam mo na," tudyo niya dito nang tawagan siya nito.
Isang buwan nang mahigit buhat nang ikasal si Jenna pero mukhang hindi pa natatapos ang honeymoon nito. Ni hindi pa nga ito bumabalik sa opisina ng Perfect Weddings pero hindi ito nakakalimot ng pagtawag sa kanila kahit paminsan-minsan lang.
"Nalalamigan kasi palaging nakahubad!" game namang sagot nito at pareho silang humalakhak.
"So, what's up?"
"Ako ang dapat magtanong sa iyo niyan. Katatawag lang sa akin ni Sam. Ayusin ko raw ang kasal niya. Alam mo na ba ang tungkol doon?" tila gulat na tanong ni Jenna.
Nagulat din siya. "Kasal ni Samantha mismo? Totoo?"
"Well, siya mismo ang tumawag sa akin, eh."
"Wala siyang nabanggit sa akin. Kausap ko pa lang siya noong isang araw dahil nag-order ako sa kanya ng pagkain. Ikinasal kasi sa civil ang kapatid ko. Talaga, mag-aasawa na siya?"
"Three to four months from now. Wala pa silang fixed date pero gusto niyang mag-set ng meeting sa wedding girls. She needs us."
"I understand. I'll call her. Luka-luka na iyon, napakalihim. Ano kaya ang ginawa niya? Namikot ng lalaki?"
Tumawa si Jenna. "Alam mo naman iyon, palaging in love. Baka this time, sobra-sobrang na-in love kaya magpapakasal na."
"Malalaman natin kapag nakita natin siya."
Nang matapos silang mag-usap ni Jenna ay hindi na siya nag-aksaya ng oras at tinawagan si Samantha.
"Ikakasal ka na daw? Totoo?" usisa niya agad dito nang sumagot ito sa kabilang linya.
"Totoo," sabi nito na mahihimigan ang excitement sa tinig.
"Napakamalihim mo. Hindi mo man lang nasabi sa akin. Sino ang malas na lalaki?"
"The lucky guy, ang sabihin mo. No other than Joshua Lagdameo."
"Sam, ngayon ko lang narinig sa iyo ang pangalang iyan. Baka hindi pa kayo lubos na magkakilala?"
"Does it matter?" natatawang wika nito.
"Sam, seryoso ka ba?"
"Imee, matagal na kaming magkakilala. Since college days pa. Nagkahiwalay lang kami kasi nag-abroad siya. Now he's back. At nang magkita kami uli, pareho kaming na-in love sa isa't isa. At huwag ka nang magtanong pa. We are both sure of ourselves. Kung hindi ko nga lang hinihiling sa kanya na gusto kong maraming trimmings sa kasal ko, baka kahit anong oras ngayon pakasalan na ako, eh."
Napangiti siya. "Well, I'm happy for you, Sam."
"Thanks. Iyong wedding cake ko, sagot mo, ha?"
"Of course! See you at the meeting. I'm sure, tatawag naman uli si Jenna kapag nai-set na ang meeting nating wedding girls."
"Imee, napapansin mo ba, sunud-sunod ang kasalan ng mga wedding girls? Halos buwan lang ang pagitan sa bawat isa."
"Marami naman talagang nagpapakasal. Nagkataon lang na pati mga wedding girls, nagpapakasal na rin," aniya.
"Sumunod ka na rin," anito.
Tumawa siya. "Para namang pagbili lang ng sapatos ang pagpapakasal. Isang libong doble ang pagiging kumplikado ng pagpapakasal kaysa sa pinakamadetalyeng cake na ginawa ko, 'no?"
"And so?" walang kiber na sagot ni Samantha. "Masarap naman ang feeling. Heaven."
HEAVEN. Nasa isip iyon ni Imee kahit na nang papasok na siya sa Lopez and Lanuza. Wala naman siyang angal doon. Halata naman sa boses ni Samantha na masaya ito. At kung iisipin din niya ang kapatid na si Irish, biglaan man ang pagpapakasal nito ay alam niyang masaya din ang kapatid sa desisyon nito.
Kungsabagay, hindi na nga siguro uso ang long engagement. Nararamdaman naman kung para nga ba sa isa't isa ang dalawang tao. Iyon ang katwiran sa kanya noon ni Irish nang kumprontahin niya ito tungkol sa balak nitong pagpapakasal. Hindi naman sa kumokontra siya kaya lang ay nag-aalala siya sapagkat ni wala pang isang taon ang relasyon nito at ni Kevin.
"We are sure about our feelings, Ate. Alam naming kami na ang para sa isa't isa," sagot nito sa kanya noon.
Kaya hindi na rin siya tumutol pa. At sa halip ay sinuportahan na lang ang kapatid sa kasal nito.
"Imee, may lakad ka ba this weekend?" salubong sa kanya ng isa pang accountant sa opisinang iyon.
"Wala pa naman, bakit?" sagot niya.
"Mag-shopping tayo," aya nito.
Natawa siya at noon lang niya napansin na excited ito maging ang iba pang empleyado na naroroon.
"Mayroon ba tayong bonus? Hindi ko yata alam iyan, ah?" aniya.
"May outing tayo sa last week ng buwang ito. Three days sa isang private resort sa Batangas. All-expense paid ni Bossing. Treat daw niya sa atin dahil next summer ay nakapag-retired na siya."
"Talaga?" aniyang na-excite din.
"Oo. Kahapon lang sinabi. Wala kayo ni Janus kaya ngayon mo pa lang nalaman. Ano, shopping tayo ng summer outfit natin?"
"Sige, Jean, sasama ako. Basta ba wala akong meeting sa Perfect Wedding, okay?" Batid naman ng mga kasamahan niya ang sideline niya sa paggawa ng cake.
"Okay. Sige na, puntahan mo na ang cubicle mo dahil may naghihintay na sa iyo na bulaklak doon. Ang aga nga, eh."
"Bulaklak na naman?" aniya at napangiti.
"Mabenta ang beauty mo ngayon," tudyo ni Jean.
Pagbungad niya sa cubicle niya ay tumambad sa kanya ang isang malaking flower arrangement.
Hindi baby's breath ang naroroon kundi mga bulaklak na hindi man niya natatandaan ang pangalan ay alam niyang mamahalin. Imported ang ganoong tipo ng bulaklak.
Excited na nilapitan iyon ni Imee. At ganoon na lang ang pagkunot ng noo niya nang walang makitang card na kasama iyon.
Lumabas siya ng cubicle. "Hindi ninyo ba napansin kung may card na kasama ang bulaklak?" tanong niya sa mga kaopisina.
"Tanungin mo si Mang Elvis. Siya ang nagpatong niyan sa mesa mo," sagot sa kanya ng isa.
Hinanap niya ang mensahero at nagtanong nga dito.
"Wala akong napansin, Ma'am. Nang dalhin iyan ng delivery boy ay sinabi lang ang pangalan ninyo."
"Uy, may secret admirer!" tukso sa kanya ni Jean.
"Secret admirer ka diyan," kontra niya. "Baka si Miguel ang nagpadala. Naiwaglit lang siguro ang card."
"Miguel? Sino naman iyon?"
"Kaibigan ng bayaw ko," tipid na sabi niya at bumalik na sa cubicle.
Iniisip niya kung ite-text si Miguel upang magpasalamat sa bulaklak pero pinigil din niya ang sarili.
Paano kung hindi pala ito ang nagpadala? Pero kung hindi si Miguel, sino naman kaya ang magpapadala sa kanya?
Wala naman siyang ibang maisip.*****
Maraming salamat sa pagbabasa.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
Wedding Girls Series 17 - Imee
RomanceImee - The Cake Expert Gusto niya sanang mag-isip pero sa halip na makapag-isip siya ay ang halik ni Janus ang pumupuno sa balintataw niya. At hindi lang iyon. Kinakapa rin niya ang tunay na damdamin niya para kay Janus. Could it be possible that s...