THE WEDDING cake has always been replete with symbolism. Today the ceremonial cutting of the wedding cake has become one of the classic elements of the wedding reception. In addition to providing a great photo opportunity, it is symbolic as the first task the newlyweds execute together.
Iyon ang mababasa sa ilalim ng nakakuwadrong larawan ng life-size three-foot wedding cake. Sa tabi niyon ay ang masayang bagong kasal na magkadaop ang mga kamay sa paghihiwa ng naturang cake.
Iyon din ang nagsisilbing main attraction sa pagpasok sa opisina ni Imee.
Hindi ordinaryong bakeshop ang Imee Borlaza—ang simpleng karatula na mababasa sa harap ng kanyang opisina. Sa labas ay sakop ng salaming dingding ang tatlong bahagi at makikita roon ang isang malaking wedding cake. Apat na beses sa isang taon ay pinapalitan niya iyon, depende sa season o trend sa wedding industry.
Pintuan pa lang ng Imee Borlaza ay mayroon nang sariling statement. It was painted of rich chocolate, ang flavor ng mga cake na madalas orderin sa kanya ng kanyang mga kliyente. Pagpasok sa loob, ang malalanghap ng bisita ay cinnamon o dili naman kaya ay chocolate or lemon. Galing iyon sa mga aromatic oil diffuser na hindi pinapabayaan ni Imee na walang sindi lalo na kung may inaasahan siyang kliyente.
Maliban sa malapad na mesa sa bandang dulo at computer sa isang panig niyon ay mas mukhang sala ang kanyang opisina. May mga sofa at mababang mesa kung saan nakapatong ang iba't ibang cakes and pastries magazine at album na pawang disenyo rin ng mga cake ang nilalaman.
Romantic ang kabuuang ambience ng paligid.
Ideya iyon ni Imee palibhasa ay hindi naman talaga bakeshop ang kanyang negosyo. Isa siyang certified public accountant na konektado sa isang malaking auditing firm. Ang hilig niya sa pagbe-bake ang siyang naging daan upang maging isang negosyo ang dati ay mga cake at pastries na ipinapamigay lang niya sa mga kaibigan.
Kumuha siya ng malambot na basahan at pinunasan ang kuwadro at mga muwebles. Hindi naman iyon masayadong maalikabok sapagkat airconditioned naman ang kanyang opisina. Isa pa, alaga niya sa linis ang lugar. Sa hapon, pagkatapos ng trabaho niya sa Lopez and Lanuza and Associates, dito sa kanyang sariling opisina ang tuloy niya.
Ibang-iba ang mundo niya rito. Walang makakapal na libro de kuwenta at kung anu-ano pang financial statements na karaniwang makikita sa mesa niya sa auditing firm. Kung meron o wala man siyang ka-appointment na kliyente na may kinalaman sa cake, naroroon siya sa lugar na iyon hanggang alas nueve ng gabi.
Dadalawa lang silang magkapatid ni Irish. Palagi namang wala ang kapatid niya dahil sa trabaho nito bilang flight attendant. Sa ngayon, ang pagkakaalam niya ay nasa himpapawid na naman ito, sakay ng eroplanong biyaheng Hong Kong. Tatlong taon na itong flight attendant ng Cathay Pacific. Tatlong taon na ring halos hindi sila magkita maliban na lang sa magkakataong sa Pilipinas ang flight nito. Minsan ay sasaglit ito sa kanila ng dalawa o tatlong oras, depende sa kung anong oras ang susunod na flight nito. Pagkatapos ay hindi na nito masabi uli kung kailan uuwi dahil madalas ay sa ibang Asian countries ito nagbibiyahe.
Isa na rin siguro iyon sa dahilan kung kaya't naitayo niya ang negosyong ito. Kailangan niya ng pagkakaabalahan pagkatapos ng maghapon niyang pag-oopisina. Kung uuwi siya sa bahay nila at mag-isa lang siya roon, ayaw man niyang mangyari ay nakadarama siya ng lungkot.
Dito siya nagre-relax habang pinag-aralan kung ano ang latest trend sa mga wedding cake o kaya ay nagpo-formulate siya ng bagong recipe na ibe-bake niya pagdating ng day-off niya.
Nang makaramdam ng gutom ay tinungo niya ang makitid na pinto patungo sa mini-pantry ng kanyang opisina. Kumuha siya ng isang pineaaple juice in can at isang slice ng black forest cake na siya mismo ang may gawa at saka niya binalikan ang pagbubuklat sa bagong magazine na kauuwi lang niya.
Mayamaya ay tumunog ang kanyang telepono.
"Mabuti at nariyan ka na," sabi agad ng nasa linya nang sagutin niya iyon.
"Alam mo namang basta gabi, nandito ako. What can I do for you, Sam?" sagot niya kay Samantha.
Malakas ang kutob niyang negosyo na naman ang pag-uusapan nila. Pareho silang konektado sa Perfect Weddings bilang supplier ng naturang wedding shop. Si Samantha bilang catere at siya naman bilang baker. They regard themselves as wedding girls.
"May kliyente akong kausap kanina. Nakipagsara na sila ng kontrata kay Jenna bilang wedding planner nila. Nagkasundo din kami sa catering. Ang gusto nila for dessert, miniature ng magiging wedding cake nila. I think, sa iyo naman sila pupunta para sa wedding cake. Alam mo naman si Jenna, hindi tayo binibitiwan. As much as possible, basta may kliyente siya, tayong supplier niya ang gusto niyang makakuha ng ibang kontrata."
"Hmmm," react lang niya habang napapangiti. Bukod sa may lamang cake ang bibig niya ay wala naman siyang maisip na sabihin. Totoo naman ang sinabing iyon ni Samantha.
"I gave them your business card. Sabi ko ay nag-oopisina ka kapag weekdays kaya mas magkakausap kayo kapag weekends o dili naman kaya ay sa gabi. Bakit kasi hindi ka kumuha ng sekretarya diyan sa opisina mo para may nag-e-entertain sa mga interesadong kliyente mo kahit na busy ka sa isa mo pang trabaho?"
Natawa siya. "Style ko ito," aniya. "Para may dating nang kaunti. Siyempre, nakalagay sa harap ng office ko, by appointment only. May prestige kaagad, di ba?"
"Prestige ka diyan. Hindi ka ba nanghihinayang sa mga kliyente na napapadaan diyan tapos sarado naman?"
"Actually, effective nga, Sam. Makita pa lang nila iyong wedding cake sa labas, interesdado na sila. Ang dami ko ngang phone calls."
"Then hire an assistant," pilit nito.
"Soon maybe but definitely not now. So ano na nga ang pangalan ng client na iyan? Okay ba namang kausap?"
"Medyo makulit. Parang hindi maka-decide agad pero ganoon naman kadalasan ang mga client natin. In the end, ang importante ay iyong willingness nilang kagatin ang presyo natin. I gave them the idea of how much they will be charged of those miniature wedding cake. Wala naman daw problema sa pagbabayad. And that's very nice to hear, di ba?"
"Tumpak!" nasisiyahang sabi niya. "Sana ay tawagan nila ako agad. I'm interested to meet them."
"Kikita ka sa kanila, Imee. Basta huwag ka lang mag-overprice nang malaki kasi abuso naman pag ganoon."
Humalakhak siya. "Ano ang palagay mo sa akin, mapagsamantala? Masaya na akong kumikita ako maski paano sa hilig ko, Sam. Alam mo namang hindi ito ang talagang pinagkukunan ko."
"I know," anito. "Sa professional fee mo pa lang ay buhay-donya ka na. Ang mahal yata ng isang pirma mo lang," kantiyaw pa nito.
"I do honest work, Sam. Pero kung magpapatangay ako, mas malaki ang kikitain ko sa mga corrupt officials. Pero hindi ko kaya. Besides, nasusustentuhan naman ng kita ko ang luho ko at malinis pa ang konsensya ko."
"Uy! Serious," anito. "But you are lucky. May matatag ka ng trabaho ay mayroon ka pang negosyo. Secure na secure financially ang magiging husband to be mo."
"At sino naman kaya ang lalaking iyon?" tanong niya na itinirik ang mga mata sa mataas na kisame.
"Ewan ko sa iyo. Have a love life, Imee. Para naman mas sumarap pa ang mga bine-bake mo," sabi nito at nagpaalam na.*****
Maraming salamat sa pagbabasa.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
Wedding Girls Series 17 - Imee
RomanceImee - The Cake Expert Gusto niya sanang mag-isip pero sa halip na makapag-isip siya ay ang halik ni Janus ang pumupuno sa balintataw niya. At hindi lang iyon. Kinakapa rin niya ang tunay na damdamin niya para kay Janus. Could it be possible that s...