LUNES, pagpasok ni Imee sa opisina ay mayroon na agad dalawang flower arrangement na naghihintay sa mesa niya. Parehong maganda ang mga iyon. Ang isa ay pawang rosas na iba't iba ang kulay habang ang isa naman ay kalahating dosenang tulips na elegante ang pagkakaayos sa mamahalin ding vase.
Galing kay Miguel ang mga rosas kalakip ang mensahe ng muling pagpapaalam nito para sa sandaling biyahe sa ibang bansa dahil na rin sa trabajo nito pero ang mga tulips ay wala na namang kasamang card.
"Sino ang nagpadala?" usyoso ni Jean na sumungaw sa cubicle niya.
"Iyong isa, galing kay Miguel. Iyong isa, misteryoso pa rin," sagot niya.
"Mukhang mas sosi ang taste ni Mystery Man. Noong una, mamahalin din ang bulaklak na pinadala sa iyo, di ba?"
"Yeah. Kaso, mahirap din namang i-appreciate ang ganyan, hindi natin alam kung kanino galing. Baka mamaya, psychotic pala ang nagpapadala niyan sa akin, mapahamak pa ako."
"Napaka-negative mo naman. Baka naman mahiyain lang iyong tao. Malay mo, natotorpe."
"Natotorpe?" aniyang natigilan. "Parang narinig ko na iyan. Si Janus, parang natotorpe din daw sa balak niyang ligawan."
Ngumiti nang maluwang si Jean. "Imee, hindi mo ba naisip na baka kaya ikaw ang babaeng tipo ni Janus?"
Nanlaki ang mga mata niya. "Imposible."
"Bakit naman magiging imposible."
"We're just friends. Partners."
"And so?"
"That's just it."
"At sa palagay mo ay habampanahon na lang na ganoon? What if, na-develop sa iyo si Janus?"
Umiling-iling siya. "Ewan ko. I can't imagine."
"It's possible, Imee. Maniwala ka sa akin," wika ni Jean bago siya nito iniwan.
DESIDIDO si Imee na obserbahan ang kilos ni Janus nang araw na iyon kung totoo nga ang hinala ni Jean na baka ito ang nagpapadala sa kanya ng bulaklak pero nagkataon namang hindi ito pumasok. Isang meeting ng mga pangulo ng mga auditing firm ang kailangan nitong daluhan sapagkat biglang inatake ng hilo si Uncle Mac. At dahil ito ang susunod sa puwesto ng matanda ay ito na ang tinawagang dumalo para sa pagpupulong na iyon.
Kinabukasan, arrangement naman ng bulaklak na carnation ang dinatnan niyang nasa kanyang mesa nang pumasok siya. Nang wala siyang matagpuang card na kasama niyon ay hindi na siya nagtaka.
Pero iyon din ang pagkakataon na na-appreciate niya ang mga bulaklak. Siguro ay dahil sa pagbibigay sa kanya ni Jean ng ideya na baka si Janus ang nagpapadala niyon.
"Nagustuhan mo ba?" tanong sa kanya ni Janus nang bumati ito sa kanya habang akto namang inuusyoso pa niya ang mga bulaklak.
"Siyempre naman, ang mahal yata nito," kaswal na sagot niya. "Pero mas magugustuhan ko ito kung malalaman ko kung sino ang nagpapadala nito sa akin. Puro padala lang, ayaw namang magpakilala. Ano kaya iyon?" At pinagmasdan niya ito.
"Baka mahiyain?" komento nito.
"Ano ang mangyayari sa hiya-hiya? Si Miguel, prangka. Mas madali yatang pakibagayan ang taong prangka kaysa naman sa isang misteryoso."
Tila natigilan ito. "Nililigawan ka na ba ni Miguel?" seryosong tanong nito.
"Siguro parang ganoon na nga. Inamin na niyang attracted siya sa akin, eh. Saka ilang beses na rin niya akong pinadalhan ng bulaklak. Nagpaalam siya sa akin na mawawala siya ng ilang araw. He's going to New York. Aircraft mechanic siya, di ba? May trabaho daw siyang gagawin doon. At kung pagbabasehan ko ang salita niya, pagbalik niya ay malamang na puspusan nang manligaw."
"Di kawawa naman pala ang nagpapadala sa iyo ng mga bulaklak na iyan. Mukhang mas may pag-asa si Miguel."
Kung tono ni Janus ang pagbabasehan niya ay tila isang simpleng komento lang iyon. Pero dahil pinagmamasdan niya ito, hindi nakaligtas sa kanyang mga mata ang tila paglambong ng kalungkutan sa mga mata nito.
"Mahirap namang magkagusto ako sa isang taong hindi nagpapakilala," inosenteng sabi niya mayamaya. "At least, magkagusto man ako halimbawa kay Miguel, natural lang iyon. Sa talaga namang nanliligaw iyong tao, eh."
Napatango ito. "You're right. Besides, that's the reasonable thing to do. Imposible ka naman talagang magkagusto sa isang taong hindi nagpapakilala." Tinapunan nito ng tingin ang bulaklak. "Sayang ang mga bulaklak na iyan, ang gaganda pa naman pero hindi mo magawang ma-appreciate nang husto dahil hindi mo alam kung saan galing. By the way, sa Sabado na ang outing natin. Sabi ko kay Uncle mac ay van ang dadalhin kong sasakyan. Sa akin ka na sumakay."
"Sige."
At nagpaalam na si Janus na tutuloy sa private ofice nito.
SUMUNOD na araw ay wala siyang dinatnang anumang bulaklak sa mesa niya. Nagtaka pa siya sa sarili nang makadama ng disappointment pero binalewala na lang din niya iyon at itinuon ang atensyon sa trabaho.
Breaktime nang magpakita sa kanya si Janus. Isang long-stemmed red rose ang ibinaba nito sa kanyang mesa.
"Ano iyan?" aniya dito.
"Iyan na naman ang linya mo? Noong una kitang bigyan ng bulaklak, iyan din ang sinabi mo sa akin."
Ngumisi siya. "Nagtataka lang po. Bakit ka nagbibigay ngayon ng bulaklak?"
"Para alam mo kung sino ang nagbibigay sa iyo ng bulaklak," sagot nito.
Tinitigan niya ito. "Ibig bang sabihin niyan, ikaw din ang nagpapadala ng mga bulaklak na walang nakalagay kung kanino galing?"
"Aba, malay ko roon."
Kinuha niya ang bulaklak at isinuksok sa pen holder dahil iyon lang naman ang puwede niyang paglagyan. "Thanks, anyway."
"Welcome," sabi nito at nagpaalam na rin.
Buong maghapon, tuwing natatanaw niya ang rose na iyon ay napapangiti si Imee. Minsan pa nga ay kinukuha niya iyon at inilalapit sa ilong upang amuyin.
Malamang tuksuhin siya ng mga kaopisina kung makikita siya sa ginagawa niya pero wala namang sumisilip sa cubicle niya. At alam niyang wala rin si Janus kaya hindi siya nag-aatubiling gawin iyon. Kanina ay nagpaalam si Janus na may pupuntahang kliyente. At mas malamang kaysa hindi na hindi na ito babalik.
BIYERNES ng umaga ay handang-handa na si Imee para sa outing nila. Nai-empake na niya sa traveling bag niya ang lahat ng kakailanganin niya para sa tatlong araw na outing. Nang makita niyang pumarada sa tapat ng bahay niya ang van ni Janus, tiniyak niya munang nakasara na ang lahat ng bintana at ikinandado na rin niya ang pinto at bumaba na.
"Ready?" bati nito sa kanya.
"Oo, kagabi pa. excited na ako sa outing natin."
"Baka nakalimutan mo ang bikini mo," tudyo nito.
"Of course not. Tatlo pa nga ang binaon ko, para iba-iba bawat araw."
"Naks, para kang modelo. Kungsabagay, nagbaon ako ng camera. Magsasawa kang mag-picturetaking."
"Naku, camera-shy pa mandin ako," biro niya. "Hindi nga kasya sa akin ang isang rolyo ng film."
"Don't worry. Dalawang camera ang dala ko. Meron akong dalang digital. Kung kapusin man sa film, meron namang digital. Siguro naman, kapag napuno mo pati iyong memory ng digital, hindi ka na camera-shy?"
"Siguro," natatawang sabi niya.
"Maaga pa naman, Imee, dumaan muna tayo sa Jollibee. Mag-breakfast meal tayo," sabi nito mayamaya.
"May ginawa akong sandwich, ayaw mo ba?"
"Gusto pero mamaya na lang iyan habang nagda-drive ako papuntang Batangas. Kabisado mo naman ang appetite ko. Malamang bago tayo makarating ng Batangas, ubos ko na ang sandwich mo."
"Tatlong plastic na sandwich mauubos mo? Baka sa ospital tayo dumiretso."
"Parang ako lang ang kakain. I'm sure, iyong ibang makikisakay sa atin mamaya, hihingi rin. Basta, dito ka sa tabi ko, ha? Hayaan mo silang magkagulo sa likuran."
"Oh, sure, malakas ka sa akin, eh."
Nasa Jollibee sila at nagbabasa siya ng diyaryong complimentary ng fast food habang nasa pila naman si Janus. nang makadama ng inip ay nilinga niya ito. Wala ito sa pila subalit nagkibit-balikat lang siya. Malamang ay nag-CR sandali. Mayamaya ay natanaw niya itong papunta na sa kanya. Nang ibaba nito ang almusal nila ay napamaang siya.
"May tinda na ring bulaklak ang Jollibee?" kantiyaw niya.
"Binili ko iyan sa naglalako sa labas. For you, Imee."
Tiningnan niya ang kuwintas ng sampaguita at ilang-ilang. "Pangsabit mo yata ito sa sasakyan mo, eh."
"Ano ka ba? Nakita mo ba akong nagsabit ng bulaklak sa kotse ko?"
Bumungisngis siya. "Para sa akin talaga ito?"
Tumango ito.
"Salamat."
"Welcome. Tara, kain na tayo."
Pagbalik sa sasakyan, palibhasa ay wala siyang maisipang paglagyan ng bigay nitong bulaklak ay isinabit na lang din niya sa van nito ang mga iyon.
"Okay lang ba na diyan ko ilagay?" tanong niya sa binata.
"Kung diyan mo ba gustong ilagay, eh," sagot naman nito.
Pagdating nila sa meeting place nila ay halos kumpleto na ang attendance. Ilang sandali lang silang naghintay at sabay-sabay nang umandar ang apat na sasakyan.
"May pirma mo na ba ang upuan diyan sa harap?" tanong sa kanya ni Jean. Nasa susunod na row ito ng upuan sa van ni Janus.
"Bakit, gusto mo dito?" aniya.
"Hindi, 'no? Nagtatanong lang. I'm sure, special request ng driver na diyan ka pumwesto."
"Close kami, eh," pabiro namang sabad sa kanila ni Janus.
Tinitigan siya ni Jean at saka kumindat. "Mamaya, Imee, may sasabihin ako sa iyo."
"Ngayon na. Sabihin mo na."
"Hindi, mamaya na. Secret nating dalawa."
"Oy, baka magpapa-pirate ka sa ibang kumpanya, idadamay mo pa si Imee," sabad muli sa kanila ni Janus.
"Hindi," mabilis na sabi ni Jean. "Kuntento kami sa Lopez."*****
Maraming salamat sa pagbabasa.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
Wedding Girls Series 17 - Imee
RomansaImee - The Cake Expert Gusto niya sanang mag-isip pero sa halip na makapag-isip siya ay ang halik ni Janus ang pumupuno sa balintataw niya. At hindi lang iyon. Kinakapa rin niya ang tunay na damdamin niya para kay Janus. Could it be possible that s...