EKSAKTONG walo lamang sila na naroroon sa sala ng hukom. Ang mga ikinakasal, ang nagkakasal, si Imee, ang dalawang saksi. Pampito ang isang kaibigan ni Irish na tanging nagawang makadalo sa kasal nito. Sa tabi naman ng kanyang magiging bayaw na si Kevin ay ang matalik din nitong kaibigan na si Miguel.
Nakatutok ang atensyon ni Imee sa sinasabi ng hukom pero hindi rin nakaligtas sa kanyang pansin ang madalas na pagsulyap sa kanya ni Miguel. Alam niya ang ibig sabihin ng lagkit ng pagtitig nito. At lihim siyang napapangiti.
Of course, she was flattered. Sino ba naman ang hindi makakaramdam ng ganoon kung guwapo na ay mayaman pa ang mag-uukol sa kanya ng pansin. Sa maigsing pagpapakilala sa kanila ni Irish kanina bago ihudyat ang simula ng kasal ay nalaman niyang kasamahan ito ni Kevin sa trabaho bilang aircraft engineer.
At mismong si Irish ang nagbiro na suwerte ang mapapangasawa ni Miguel. He was financially stable—isang bagay na importante sa hirap ng buhay ngayon.
Pero alam din niyang hindi sa kanya balak ireto ni Irish ang kaibigan ng groom nito. Kanina ay nahalata din ni Imee ang obvious na pagma-match ni Irish kay Miguel at sa mismong kaibigan ng kapatid niya na si Lenny. Kung ang trabaho ng mga ito ang titingnan, mukha ngang compatible ang dalawa dahil si Lenny ay isang flight attendant din. Parehong may kinalaman sa eroplano ang trabaho ng mga ito.
Pero mas alam ni Imee na hindi interesado kay Lenny si Miguel. Civil at distant ang pagtrato ni Miguel kay Lenny habang halos tunawin naman siya ng mga titig nito kapag siya nakatingin.
At nais naman niyang kiligin.
Sa edad ni Imee na malapit nang mag-treinta, nakakahiyang aminin na nakadarama pa siya ng kilig pero iyon ang totoo. Siguro ay dahil matagal na siyang walang love life. At nasasabik na rin naman siyang magkaroon ng ibang kulay ang buhay niya.
"By the power vested in me, I now pronounced you husband and wife. You may kiss your bride, Kevin," narinig niyang sabi ng hukom, maluwang ang pagkakangiti na halatang nanunukso.
Nang magharap ang mga bagong kasal at magdikit ang mga labi ay pumalakpak silang lahat na naroroon. Mabilis na pinapirmahan ng hukom ang mga kaukulang papeles at pagkuwa ay kinamayan nito ang mga bagong kasal.
"Mayroong munting salu-salo sa bahay, Judge. Sumama kayo sa amin," anyaya ni Imee dito.
"Nakakahiyang tumanggi ang kaso ay mayroon akong importanteng appointment pagkatapos nito," sabi nito. "I'll just join you in spirit." At muli ay binati nito ang mga bagong kasal.
Palabas sila ng silid na iyon ay umagapay sa kanyang lakad si Miguel. "Nasabi ni Irish na ikaw ang gumawa ng wedding cake nila. I can't wait to taste it. Mahilig kasi ako sa matatamis. Chocolate cake, especially," nakangiting sabi nito.
Nasaling nito ang weakness niya. "It's a chocolate cake. Hindi masyadong matamis pero masasabi ko sa iyo na lasang-lasa ang imported chocolate na ginamit ko. It's bittersweet."
"Yummy!" tila batang sabik sa candy na sabi nito. "I've been to many places. And I'm telling you, ang una kong hinahanap ay desserts na specialty ng lugar. There are chocolate cakes everywhere. Hindi ko rin kinakaligtaang tikman ang chocolate cake nila. They have distinct tastes pero lahat at masarap."
"Sana ay hindi mapahiya ang chocolate cake ko sa panlasa mo," humble na sabi niya.
"I'm sure, masarap iyon. Irish also told me na business mo ang paggawa ng cake."
Napatingin siya dito ng ilang sandali. "Marami yatang nasabi sa iyo si Irish tungkol sa akin."
Lumuwang pa ang ngiti nito. "Because I asked her."
"Ngayon lang tayo nagkita."
"Personally, yes. Pero nakita na kita sa picture sa cellphone. May picture sina Irish at Kevin na kasama ka. Iyon yata ay noong inayos nila ang kanilang marriage license. I got interested in you, Imee."
Sinupil niya ang isang pagngiti. Gusto niya ang kaprangkahan ng lalaki. Pero naisip din niya, walang binabanggit sa kanya si Irish tungkol dito. At obvious ding mas gusto itong ireto ni Irish kay Lenny kaysa para sa kanya.
But she was getting his attention now.
At dahil doon ay palagay niyang panalo siya.
"SORRY, I'M late," sabi ni Janus nang salubungin sila nito.
Bumaba ito ng kotse nang makitang pumarada na ang sinasakyan nila. Pero nawala ang ngiti nito nang mapansing mayroon siyang kasakay sa kanyang kotse—si Miguel.
Papuntang city hall ay si Kevin ang kasakay nito pero dahil si Irish na ang kasama nito ay inalok na rin niya itong sa kotse na lamang niya sumakay. Tila nagselos si Lenny pero wala itong magawa dahil sa sasakyan ng ninang ito talagang nakasakay palibhasa ay magkamag-anak ang dalawa.
"Ine-expect ko namang dito ka na tutuloy," kaswal na sabi niya. "Maraming trabaho sa opisina. I know you, hindi mo iyon basta-basta maiiwan." Hindi niya pinansin ang tila pagsama ng tingin nito kay Miguel na bumaba na rin ng kotse.
"Well, you don't know me that much. Iniwan ko ang trabaho dahil imbitado ako sa okasyong ito. Malas nga lang na naipit ako sa traffic. Alam kong hindi ko na kayo aabutan sa city hall kaya nagdesisyon akong dito na dumiretso."
Ngumiti siya. "Tayo na sa loob. Pagsalu-saluhan na natin ang nakayanang ihanda."
"I can't wait for the chocolate cake," tila batang sabi ni Miguel na sumunod sa kanya.
Isang malakas na tikhim naman ang narinig niya buhat kay Janus.
Bumaling siya sa mga ito. "Janus, this is Miguel. Best friend siya ng groom. Miguel, this is Janus. Officemate ko at para na ring big boss," nakangiting pagpapakilala niya sa dalawa.
Nagkamay ang dalawang lalaki. At ewan ni Imee kung dinadaya lang siya ng paningin subalit tila may animosity na kagyat na namuo sa dalawang lalaki. Sa panig ni Miguel ay hindi siya magtataka pero sa panig ni Janus, isang malaking palaisipan iyon.
Sa ilang taong pagsasama nila ni Janus sa trabaho ay mabuting working relationship ang nabuo sa kanila. She was never attracted to him kahit na nga ba buong populasyon ng mga babae sa kanilang opisina ay attracted kundi man half in love sa binata. Para sa kanya, Janus was just a good co-worker and a friend.
Subalit hindi rin naman niya maitatangging guwapo si Janus. If Miguel was the hunk, macho type, Janus was the boy next door type. Ang lambot ng facial features nito ang nagtutulak sa lahat na mabait ang binata—no one would tell na ubod ito nang higpit pagdating sa auditing.
Professionally speaking, he hear no excuses para sa mga bookkeeper na hindi matitino ang trabaho. At kapag talagang masama at marumi ang libro de kuwenta, talagang iniitsa nito ang accounting documents.
At siguro, bukod sa mga bookkeeper na iyon ay si Imee lang ang nakakaalam ng ganoong tantrums ni Janus.
And yet, mas nakatatak sa isip niya ang mabait na imahe ni Janus. Dahil talaga namang mabait ito. He was the caring type. Hindi lang sa kanya na madalas nitong partner sa auditing kundi sa iba pang empleyado sa kanilang opisina. Malambing din ito at maalalahanin.
Kahit kailan na may dinayo itong convention or conference sa ibang lugar ay hindi puwedeng wala itong dalang pasalubong sa kanila kahit na nga ba kung minsan ay pastillas lang iyon o kaya ay bukayong-mani. And he even knew how to say sorry kung may pagkakataong nagkakaroon ito ng mumunting kasalanan sa iba.
At sandaling napakunot ang noo ni Imee. Bakit ba iyon ang biglang tinakbo ng isip niya? Sinulyapan niya ang dalawang lalaki. They were both civil to each other pero tila isang kumpetisyon ang nababasa niya sa mga mata nito. At nagtataka siya kung bakit.
Inalis na lamang niya ang atensyon doon at pinanindigan ang pagiging host sa salu-salong iyon.
Malaking bagay ang pagpapadala ni Samantha ng dalawang staff. Mas naasikaso niya ng personal ang iilang bisita. Informal naman ang salu-salo. Sina Kevin at Irish ay personal ding nag-eestima sa bisita. Pero hindi maitatangging si Miguel ay halos hindi na humihiwalay sa kanya. Kulang na lang ay mag-animo ito batang anak niya na hindi makabitaw sa kanyang palda.
"I'm through," tila nagmamalaki pang sabi nito nang maubos ang laman ng plato. "Masarap ang pagkain pero minadali ko ang pag-ubos. Excited na kasi ako for dessert."
"I'd like to have a little ceremony," sabi ni Irish na narinig ang sinabi ni Miguel. "Let's cut the cake, darling."
"Of course," ayon naman ng groom nito.
Inaasahan na iyon ni Imee kaya naman nang lapitan nila ang isang munting mesa na talagang ginawa nilang cake table ay mayroong kaunting trimmings iyon. Kumpleto na rin iyon sa kakailanganing kasangkapan.
Inihanda rin niya ang automatic camera nang pumwesto roon ang mga bagong kasal. Si Lenny naman ay ang cellphone nito na may camera ang inihanda. Nagpakuha muna ng souvenir shot sa tabi ng wedding cake ang dalawa bago hiniwa ng mga ito ang naturang cake na magkadaop ang mga kamay. Nang magsubuan ng hiniwang cake ang dalawa ay kinunan pa uli niya ang mga ito ng litrato.
"Enough for the newlyweds," malakas na sabi ni Miguel. "Hiwain na ang cake para naman sa mga bisita," dagdag pang biro nito.
Natawa sina Irish at Kevin. Maging ang iba pang naroroon ay natawa rin sa lalaki. At siguro ay si Janus lang ang hindi natawa nang mapansin ni Imee na tila nga naglapat pa ang mga labi ng binata.
"Ano ba naman ang taong iyan?" tila nagpipigil ng bugnot na bulong sa kanya ni Janus. "Ngayon lang ba iyan makakatikim ng cake?"
Mabilis na dinunggol ni Imee ng kanyang siko ang binata. "Ano ka ba? Sa nagkataong iyan ang weakness niya, eh. Ayaw mo ba nu'n? Sulit ang hirap ko sa pagbe-bake ng cake. Aba, kahapon ay malaking oras ang inubos ko maperpekto ko lang ang cake na iyan."
"Kahit sa akin, masusulit ang hirap mo sa cake mo. You know how I appreciate your cakes, Imee."
Napangiti siya. "I know, Janus. Kahit naman sinong nag-a-appreciate ng hirap ko, kinakatuwaan ko. Siyempre, kunswelo na iyon sa akin para sa effort ko."
"I should be special," parang batang ungot ni Janus. "Hindi lang isa o dalawang beses akong nag-order sa iyo ng cake para lang ipadala sa birthdays ng mga kamag-anak ko sa Bicol. At bukod pa roon ang mga pinapagawa ko sa iyo kapag may kliyente tayo na nireregaluhan."
"Hindi ko nakakalimutan iyon, Janus. Of course you're special. Mga order mo ang pampa-relax ko para hindi palagi na lang na wedding cake ang ginagawa ko."
"Pero mukhang flattered na flattered ka sa mokong na iyon," bubod pa nito.
Pinigil niyang mapatawa. Hindi niya maintindihan kung bakit ganito ang asal ngayon ni Janus. This is not the Janus she knew—o baka naman hindi lang pala niya talagang kilala ang binata?
"Excuse me," paalam niya dito. "Kailangan ko nang hiwain ang cake. Hindi lang naman si Miguel ang interesadong tikman iyon. Ang ibang bisita ay curious din. Ipinamalita kasi ni Irish na ako ang gumawa ng cake. And actually, medyo kabado din ako. Alam mo namana ng panlasa ng mga tao, hindi naman pare-pareho."
"Lahat sila ay magugustuhan ang cake mo," sabi ni Janus.
"Yes, I hope so."
Fruit salad ang inihanda niyang dessert pero mas naging dessert ng mga bisita ang wedding cake. Everybody loved it at siyempre pa ay ikinataba naman ng puso ni Imee ang mga papuring naririnig.
"Ikakasal ang pamangkin ko two months from now. I think hindi pa siya nakikipag-deal sa wedding cake. I'll recommend you, Imee," sabi ng ninang ni Irish.
"Thank you ho. Tawagan na lang ho niya ako para magkausap kami."
"Bigyan mo ng discount, Ate," sabi ni Irish.
"Sure," mabilis namang sagot niya.
"Kung halimbawang mag-o-order ako, may discount din ba?" tanong ni Miguel. Sa lahat ay ito ang pinakamarami nang nakakaing cake. Nakailang balik na ito para kumuha ng slices. At balewala naman iyon kay Imee. Talaga namang para sa lahat ang naturang cake.
"Magpapagawa ka na ng wedding cake?" sabi dito ni Kevin. "Magpapakasal ka na ba?" may panunudyo pang tanong nito.
"Nakita ko na ang babaeng gusto kong pakasalan," puno ng kahulugang sagot nito at tinapunan siya ng malagkit na tingin.
"But it's too early to order for a wedding cake," sabad ni Lenny, ang mukha ay parang hindi maipipinta.
"Kahit hindi muna wedding cake. I'll shower her with sweets. Para kasingtamis ng pag-ibig na ibibigay ko sa kanya," bohemyong tugon nito.
Tumikhim si Kevin. "Pare, mukha yatang na-in love ka nang todo?"
"I can't help it," sagot nito at nagkibit-balikat.
Itinago ni Imee ang pagngiti. Hindi na kailangang tumingin pang muli sa kanya ni Miguel upang iparamdam sa kanya na siya ang pinatutungkulan ng mga salita nito. Alam na niya iyon. Halata na niya kanina pa.
At bagaman literal na maigsi ang sunod sa uso na gupit ng buhok niya, pakiramdam niya ay ang haba-haba ng buhok niya sa mga sandaling iyon.
Dahil iilan lang naman ang bisita, mas tumagal ang oras na inestima nila ang mga ito. It was indeed an intimate affair lalo pa at hindi rin tumigil si Miguel sa pagpapalipad-hangin sa kanya.
Ang ninong ang nakapansin sa oras. "Wala bang balak ang newlyweds na umalis para sa kanilang first night?" nakangiting tanong nito at tumayo na.
"We'll spend the night at the hotel," sagot ni Kevin. "May reservation na kami. Then bukas ng umaga ang punta namin sa Dos Palmas."
"Ingat kayo. And enjoy your honeymoon," sabi naman ng ninang ng mga ito. "We better go. Masarap man ang kuwentuhan ay kailangan na nating maghiwa-hiwalay."
Napansin ni Imee na nag-atubiling sumama si Lenny sa tiya nito subalit wla na rin itong nagawa. At hindi na rin naman siya nagulat nang tila walang balak na umalis si Miguel kahit na nga ba maging ang mga bagong kasal ay naghanda na rin sa pagtungo ng mga ito sa hotel.
"Saan ka ba umuuwi, Miguel?" walang tonong tanong ni Janus dito.
At lihim na napangiti si Imee. Base sa itsura ng mukha ng binata, kulang na lang na sabihin nitong: Ikaw, bakit hindi ka pa umuwi na rin?
"Sa Laguna ako, Pare," sagot naman ni Miguel.
"Laguna? Hindi ba't ma-traffic ang pauwi doon?"
"Sa San Pedro lang naman ako," tila balewalang sabi nito. "And yes, ma-traffic doon. Kaya nga mas mabuting magpagabi ng uwi para tamang-tama at lipas na ang traffic"
At nakita ni Imee na umasim ang mukha ni Janus.
"Mauna na ako," tila pikong sabi ng binata nang bumaling ito sa kanya.
Nagtataka man ay hindi na niya ito pinigil. Inihatid niya ito hanggang sa sasakyan nito. "Masarap naman ang handa ko, ah? Bakit mukhang hindi ka nabusog?" biro niya dito.
"Walang kinalaman ang handa. Pero ang isang bisita, meron," padaskol na sabi nito.
Hindi na niya pinigil ang matawa. "You know, Janus, para kang bata. Hindi ko maintindihan kung nagkakaganyan ka."
Tinitigan siya nito. "Can't you see, Imee? I'm jealous!"
Napatanga siya.*****
Maraming salamat sa pagbabasa.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
Wedding Girls Series 17 - Imee
RomanceImee - The Cake Expert Gusto niya sanang mag-isip pero sa halip na makapag-isip siya ay ang halik ni Janus ang pumupuno sa balintataw niya. At hindi lang iyon. Kinakapa rin niya ang tunay na damdamin niya para kay Janus. Could it be possible that s...