PAGDATING sa arkilado nilang rsort ay nagkanya-kanya na ang mga empleyado. May division of labor na para sa paghahanda ng pagkain at pagliligpit kaya naman ang iba, matapos ang nakatokang trabaho ay lumusong na sa dagat. As expected, magka-team din sila ni Janus. Sila ang magkatulong sa pagsasalang ng barbeque.
"Lugi tayo, Imee. Hindi tayo agad makakapag-swimming."
"Kaysa naman abutin tayo ng pasma," sagot niya. "Hindi bale, sila naman ang lugi sa atin pagdating sa barbeque. Kumain na tayo nang kumain. Mamaya, kapag naamoy nilang nakaluto na tayo, tiyak dadagsa ang mga iyan dito."
"I'll tell someone na pumalit dito sa atin."
"Huwag. Duty natin ito."
"Puwede namang ipasa sa iba," nakangising sabi nito.
"Gagamitin mo ang power mo bilang senior partner ng kumpanya? Abuso iyon."
"Abuso na ba iyon? Para magpapapalit lang sa pag-iihaw ng mga barbeque na ito."
"Magtiis ka. Si Uncle Mac lang ang may karapatan na mag-enjoy nang husto. Kasali ka sa bunutan at dahil nabunot mo ang pagluluto nito, puwes magluto ka ngayon."
"Three days tayong mag-iihaw ng barbeque!" tila reklamo nito.
"Hindi, ah. Ngayon lang araw na ito. Bukas, iba naman ang menu. Iba rin ang duty natin tomorrow, remember?"
Lalo pang napasimangot ito. "Dishwashing. I hate it."
"Kaunti lang ang huhugasan since mga disposable ang gamit natin."
"Kahit na. Ayoko ngang maghugas ng kaserola!"
Natawa siya. "Puro ka reklamo, Janus. Wala kang magagawa. 'no?"
"Imee," tawag sa kanya ni Jean.
Naalala niyang may sasabihin ito sa kanya kaya naman nagpaalam siya kay Janus na kunwari ay magsi-CR. Nang makalayo siya ay hinila na rin siya agad ni Jean.
"Ano na nga iyong sasabihin mo kanina?" tanong niya dito.
"It's about Janus," mahinang tugon nito na para bang natatakot pang may ibang makarinig sa kanila.
"Ano ang tungkol sa kanya?"
"Siya ang secret admirer mo. Iyong nagpapadala sa iyo ng mga mamahaling bulaklak."
"Paano mo nalaman?"
"Kinumpronta ko si Mang Elvis. Umamin iyong matanda na siya ang mismong inuutusan ni Janus na pick-up-in sa flower shop ang mga bulaklak bago siya pumasok. Kunwari lang na inaabot ng delivery boy sa office natin pero ang totoo, pagpasok ni Mang Elvis ay dala na niya ang mga bulaklak para ilagay sa mesa mo."
"Totoo naman kaya iyon?"
"Bakit naman magsisinungaling iyong matanda?" anito. "Saka hindi mo ba napansin, hindi na nagbibigay ng bulaklak iyong secret admirer mo. Pero si Janus, nakita kong mismong nag-abot sa iyo ng rose noong isang araw."
Natawa siya. "Ano ka, Jean, spy?"
"Nakita ko siya papunta sa cubicle mo na dala iyong rose. At kung akala mo ay hindi rin kita napapansin, ilang beses mo pang inamoy-amoy iyong rose noong araw na iyon, ano? Akala mo naman, super kulob na ang cubicle mo samantalang tumingkayad lang ako nang kaunti, masisilip na kita."
"Tsismosa!"
Ngumisi lang ito. "Malay mo, naghihintay lang ng tamang tiyempo si Janus at magtatapat na rin. Kahit naman sinong lalaki na bihasa sa panliligaw, dumarating din sa kanila iyong pagkakataon na parang natotorpe sila. Sabi ng husband ko, kapag daw ganoon, ibig sabihin serious sila."
Napakunot siya ng noo nang may maalala. "Parang ganyan din ang sabi sa akin ni Janus. May gusto nga daw siyang ligawan, natotorpe lang siya."
"Ay, gaga! Nagpapalipad-hangin na iyong tao sa iyo."
"Hay, naku! Hindi ako madadala sa pagpapalipad-hangin. Mas mabuti na iyong prangka para malinaw."
"Lilinaw din iyan, huwag ka lang mainip. Kanina, habang nasa biyahe tayo, nakikiramdam ako. May tama nga sa iyo si Janus."
"Ikaw ang tatamaan sa akin diyan, eh. Baka mamaya, mali ang mga sinasabi mo, nakakahiya pa kay Janus."
"Hoy, marunong akong humalata sa kilos ng tao, 'no? Ewan ko ba sa iyo. Alin sa dalawa, kundi ka manhid, mas gusto mo iyong Miguel na nagpapadala din sa iyo ng bulaklak. Matanong nga kita, guwapo ba iyon?"
Ngumiti siya. "Guwapo. Hunk ang dating."
"Guwapo din si Janus. Mr. Nice Guy ang dating. At kung ako ang pipiliin mo, kay Mr. Nice Guy na ako," obvious ang pagiging boto nito kay Janus.
Natawa siya. "Hayaan mo, Jean, kapag naging big boss na si Janus, sasabihin ko sa kanya na i-promote ka. Sobrang loyal ka sa kanya, eh," biro niya.
BANDANG hapon na nang makuhang mag-enjoy nina Imee at Janus. Tapos na ang duty nila para sa araw na iyon. At pabirong idineklara ni Janus sa madla na hindi na ito mauutusan para ito naman ang mag-enjoy.
Of course, wala namang kumontra sa sinabi nito. Kahit na malapit sa lahat ang binata, hindi nakakalimutan ng mga empleyado na kapag nagretiro si Uncle Mac ay ito na ang magiging big boss.
Bitbit ni Janus ang dalawang camera nito ay naglakad-lakad sila sa baybayin subalit maya't maya din naman ay humihinto sila upang magkuhanan ng litrato. Automatic ang camera at may dala pa ang binata na tripod kaya hindi na nila kailangang abalahin pa ang iba upang makunan lamang sila.
Naka-swimsuit siya pero one-piece lang iyon at hindi pa gaanong sexy ang tabas. Ewan niya kung bakit nang nagpapalit na siya ng pampaligo ay bigla siyang inatake ng pagka-konserbatibo. Mabuti na lang at binaon niya iyon.
Ngayon, habang naglalakad sila ng binata sa tabing-dagat ay suot niya iyon sa ilalim ng sarong na itinapis niya sa bewang. Si Janus naman ay confident na confident sa suot nitong trunks. Wala namang mali sa gayak nito. Kung ang iba nga ay malakas ang loob na magsuot ng ganoon, di hamak namang mas mayroong karapatan si Janus.
Hindi ito nagsisinungaling nang sabihin nitong ang pipis na tiyan ang assets nito. And he really had six-packs. Mas nagiging defined ang mga muscle na iyon kapag sinasadya nitong paalsahin ang mga iyon.
At hindi lang iyon. Makinis din ang balat ni Janus. Pinoy na pinoy ang kulay nito at ngayong tinatamaan iyon ng banayad na sikat ng araw ay para pang nadagdagan ang appeal nito.
At hindi siya kokontra sa lahat ng nagsasabing guwapo si Janus.
Palihim niyang pinagmasdan ang binata. Guwapo nga ito kahit saang anggulo tingnan. At dahil boy-next-door ang dating ay parang ang bait-bait pa nito. Pero sandali din siyang natigilan.
Nagiging attracted na ba siya kay Janus?
Parang hindi niya kayang paniwalaan iyon. Ever since ay platonic ang tingin niya sa samahan nila ni Janus kaya paano siya magiging attracted dito?
Naisip niyang baka naapektuhan na lang siya ng mga sinabi ni Jean kanina.
"Diyan ka lang muna, Imee. Kukunan kita," untag sa kanya ng binata.
"Ano ang gagawin ko dito? Tatayo na parang tuod?"
"Basta mag-pose ka. Maganda ang liwanag ng araw, kailangan nating samantalahin."
At dahil feeling-modelo naman siya, nag-project pa siya nang itapat sa kanya ni Janus ang camera. Ilang sandali pa at narinig na niya ang sunod-sunod na pagpindot nito sa shutter.
"Diyan ka lang muna, okay?" anito mayamaya at tinakbo ang ilang metrong distansya. Ipinuwesto nito ang tripod doon at ipinatong ang camera. Ilang sandali nitong sinilip ang balak kunang anggulo at saka bumalik sa kanya.
"Anong pose naman ngayon?" tanong niya.
"Nothing. We'll just walk." At sa pagkagulat niya ay inabot nito ang kanyang kamay.
Mainit ang palad nitong sumakop sa palad niya. Kung nagulat man siya ay sandali lamang iyon. Nang mapabaling siya kay Janus ay nasumpungan niyang nakatitig ito sa kanya.
"Bakit?" wala sa loob na tanong niya.
"Nothing," nakangiting tugon nito.
For the next moment, they just walked in silence. Tila nakalimutan na nilang mayroong camera sa harap nila. Ang nasa isip ni Imee ay ang ayos nila sa mga sandaling iyon. Hindi nagbibitaw ang kanilang mga kamay. At nararamdaman niya ang paminsan-minsang pagpisil nang banayad ni Janus sa kanyang palad.
Wala naman siyang madamang pagtutol sa kilos na iyon ng binata pero hindi niya mawari kung bakit parang naaasiwa siya. Iniisip niya kung bibitaw ng hawak pero ang mas nararamdaman niya sa loob niya ay ang sarap ng pakiramdam na hawak siya nito.
O baka naman naninibago lang siya?
Sanay siya sa physical contact nila ni Janus noong una pa man. Kahit kailan ay hindi niya binigyan ng malisya ang mga kaswal na paghawak nito sa kanya. Pero iba ngayon. Bagaman malayo ang pag-iisip niya sa malisya ay hindi rin naman niya maitatanggi na tila may napukaw na isipin sa kanya sa pagdadaop na iyon ng kanilang kamay.
"Punta tayo sa gawi roon," untag sa kanya ni Janus.
Natanto niyang ang mabatong bahagi ng baybayin ang tinutukoy nito. "Sige," sagot niya pagkuwan.
Nilapitan sandali ni Janus ang naka-set na camera at ininspeksyon iyon. tila nasiyahan ito sa nasilip na kuha sapagkat nakita niyang ngumiti pa ito bago iniligpit ang tripod.
"Wala namang ibang tao dito, iiwan ko na lang muna. Baka bumagsak pa sa gawi doon, masira pa. sayang naman ang mga kuha natin. Ang gaganda pa naman," anito.
"Iiwan mo lang diyan sa buhangin?"
"Why not? Matatanaw din naman natin ito dito." At inilapag nito ang mga gamit sa bahagi ng buhangin na hindi maaabot ng hampas ng alon.
Nang bumalik sa kanya si Janus, muli ay inabot nito ang kanyang kamay.
Conscious na napatingin siya sa kanilang mga kamay subalit hindi siya kumibo. Hindi rin siya gumawa ng kilos upang magbitaw sila.
"Matatalim pala ang mga bato dito," sabi ni Janus nang naghahanap na sila ng puwesto na mauupuan sa gawing iyon. "Ingat ka, Imee. Baka masugatan ang paa mo."
"Inaalalayan mo naman ako, eh. Basta huwag mo akong bibitawan para hindi ako mawalan ng balanse. Mahirap lang talagang tumapak sa mga bato," sagot niya.
Bago sila tumuntong doon ay naghubad na rin sila ng sandals. Mas delikado kasi kung naka-sandals pa sila sapagkat mas madulas tumapak sa mga batong iyon.
"Of course. Pababayaan ba naman kita?" wika nito sa kanya at saka siya nginitian.
Natagpuan nila ang isang malapad na bato na kumportable ring upuan. Inalalayan siya ni Janus upang makaupo na siya roon.
"Okay pala dito," aniya. "Nakaka-relax ng pakiramdam iyong magmasid lang sa paligid."
Hapon na at malapit nang lumubog ang araw. Kulay ginto na ang kulay sa gawing kanluran. Ang lamig ng hangin sa paligid ay masarap ang dapyo sa kanyang balat.
"Kaya nga dito kita inaya, eh. Tahimik, di ba? Solo pa natin," sabi naman ng binata.
"Kaya lang baka sabihin ng mga kasama natin, nang-iiwana tayo."
"Hindi nila sasabihin iyon. Imee, I have something to tell you," bigla ay seryosong sabi nito.
Napatitig siya kay Janus. at bigla ring nakadama ng kaba. "Ano iyon?"
"I love you," direktang sabi nito. "I'm not just attracted to you. I love you."*****
Maraming salamat sa pagbabasa.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
Wedding Girls Series 17 - Imee
RomanceImee - The Cake Expert Gusto niya sanang mag-isip pero sa halip na makapag-isip siya ay ang halik ni Janus ang pumupuno sa balintataw niya. At hindi lang iyon. Kinakapa rin niya ang tunay na damdamin niya para kay Janus. Could it be possible that s...