SHE WAS stunned.
Nanlalaki ang mga mata ni Imee sa labis na gulat. Sumakop ang mga labi ni Janus sa kanya habang siya ay parang namatanda lamang doon sa pagkakatayo.
Subalit sa isang pagdiin ng mga labi nito sa kanya ay para siyang nagising. Naging aware siya sa pagkilos na ginagawa nito sa ibabaw ng kanyang mga labi. At ganoon din sa mga palad nitong nagsisimulang humagod sa kanyang likod.
Umawang ang kanyang mga labi nang hindi niya sinasadya.
At sinamantala naman iyon ng binata upang lalong maging mapangahas ang paghalik nito sa kanya.
Dormant emotions were stirred within her. Napapikit siya at ninamnam ang halik nito. Subalit siya rin ang hindi nasiyahan at nagsimulang kumilos ang sariling mga labi upang suklian ang mga halik ng binata sa kanya.
Isang ungol ang narinig niya. Hindi niya tiyak kung kay Janus iyon galing o sa kanya. Ang alam lang niya ay parang maliliyo ang kanyang pakiramdam sa labis na sensasyong pumuno sa kanya. Tila bibigay ang kanyang mga tuhod sa pagkakatayo niya.
At naramdaman nga niya na unti-unti siyang nauupos.
Nang idilat niya ang mga mata ay nakita niyang inaalayan siya ni Janus sa dahan-dahan niyang pagbaba sa baybayin. Nakahawak ito sa kanya habang hindi naman ito tumitigil sa paghalik sa kanya.
Napaupo sila sa buhangin na hindi naghihiwalay ang kanilang mga labi. Ang mga kamay nito ay nagsimulang maging mapangahas. Gumawa iyon ng landas ng paghaplos sa kanyang likod na nagdulot pa ng init sa tila apoy na nararamdaman niya sa kanyang loob.
At pagkuwa ay umakyat iyong muli sa kanyang batok at banayad na humaplos hanggang sa kanyang leeg. Hinaplos din nito ang kanyang mga tenga. At natuklasan ni Imee ang kakaibang kiliti sa bahaging iyon ng kanyang katawan.
Tila lalong magliliyab ang pakiramdam ni Imee nang gumapang ang halik ni Janus sa kanyang leeg bago iyon umakyat sa kanyang punong-tenga. May hatid na init ang kiliting nagagawa ng halik nito sa kanya kaya napahigpit pa siya ng yakap dito.
"I love you, Imee," anas nito. "I love you so much."
At muli ay sinakop ng bibig nito ang kanyang mga labi. Subalit bago iyon muling lumalim ay bumitaw na ito ng halik.
Ilang sandali na walang nagbukas ng salita sa kanilang dalawa.
"Ayoko sanang tumigil," mahinang sabi ni Janus mayamaya. "Pero kung hindi ako titigil ay hindi ko na mapigil pa ang sarili ko. Ayokong mauwi sa pagsisisi ang sitwasyong ito."
Banayad siyang tumango. "Thank you."
Inalalayan na siya ni Janus sa pagtayo. "Sandali lang at kukunin ko ang camera," wika nito at tinakbo ang lugar na pinagbabaan nito ng tripod at camera. Nang bumalik ito sa kanya, muli ay inabot nito ang kanyang kamay. "Wala kang kibo, Imee. Galit ka ba?"
Iling ang isinagot niya.
Huminto ito sa paglakad. "I hope, mas napaniwala na kita ngayon na mahal kita."
"You kissed me," sa halip ay sabi niya.
Tumango ito. "I'm not sorry for doing that, Imee. Talagang gusto ko iyong gawin sa iyo. And now that I've tasted how it feels like kissing you, I know that one kiss wouldn't be enough."
"At nagpahalik din naman ako," mahinang sabi niya na tila mas sarili niya ang kausap kaysa ang binata.
Ngumiti si Janus. "I'm thankful for that, Imee. Kung sinampal mo ako ay hindi na ako magugulat. Pero hindi mo ginawa. At mas malaki ang katuwaan ko ngayon because you kissed me back."
Parang nahihiyang umiwas siya dito ng tingin. Isang buntong-hininga ang pinakawalan niya at tumingin sa malayo.
"Imee, what's the matter?" nag-aalalang tanong ni Janus.
Umiling-iling siya. "Ewan ko. Naguguluhan ako, Janus," aniya at nagmamadali na siyang nauna sa paghakbang.
SA COTTAGE na inilaan para sa kanilang mga babae naglagi si Imee. Kahit na oras na ng hapunan ay naroron pa rin siya sa kama niya at hindi kumikilos. Gusto niya sanang mag-isip pero sa halip na makapag-isip siya ay ang halik ni Janus ang pumupuno sa balintataw niya.
At hindi lang iyon. Kinakapa rin niya ag tunay na damdamin niya para kay Janus.
Could it be possible that she was also in love with him all along?
Na akala lang niya ay platonic lang ang pagtitinginan nila pero ang totoo ay wala lang nangangahas na magkaroon ng kakaibang lalim ang kanilang relasyon?
She remembered their kiss again.
She could still feel the fire in their kiss.
Kung iyon ang pagbabatayan ay imposibleng hanggang platonic lang ang turingan nila.
Besides, inamin na ni Janus na mahal siya nito.
Sarili naman niya ang tatanungin niya ngayon.
Mahal din ba niya ang binata?
"Bakit tulala ka riyan?" pansin sa kanya ni Jean na bumalik sa cottage. "Bumangon ka na, Imee. Chowtime na. hala ka, kapag naubusan ka, ikaw rin ang magugutom."
"Nabusog naman ako kanina sa barbeque," dahilan niya.
"O nabusog ka sa atensyon ni Janus?" tudyo nito. "Nawala kayo kanina, ah? Saan kayo nagpunta?"
"Naglalakad-lakad lang sa baybay-dagat," tipid na sagot niya.
"Ano, hindi ka pa ba lalabas? Hahanapin ka tiyak ni Uncle Mac."
Napilitan siyang bumangon. "Susunod na ako."
Paglabas niya ng cottage, nagulat pa siya nang makitang nakatayo roon si janus, akmang kakatok.
"Akala ko'y hindi ka na talaga lalabas," sabi nito sa kanya.
"Wala na nga sana akong balak. Naisip ko lang si Uncle Mac. Kaysa magpaliwanag pa ako sa kanya at sa iba pa, mas madaling lumabas na lang ako."
"Pero mas gusto mo sanang magkulong na lang diyan? Bakit, Imee, iniiwasan mo ba ako?" tila may hinanakit na tanong nito sa kanya.
"Hindi naman sa ganoon, Janus. Gusto ko lang sanang mag-isip."
"Ng tungkol sa atin?"
Tumango siya.
"Hindi kita minamadali, Imee."
"But you kissed me," aniya. "Iyon ang nasa isip ko kanina pa."
"Pareho pala tayo. Hindi rin iyon mawala sa isip ko. Imee, after I kissed you that's when I realized how much more I love you."
Isang buntong-hininga ang pinakawalan niya. "You know what, Janus? Akala ko;y hanggang platonic lang ang pagtitinginan natin sa isa't isa. Until you kissed me."
"Imee...?" puno ng antisipasyong sabi nito.
Ngumiti siya nang matamis. "I guess, I also love you."
Namilog ang mga mata ni Janus at tila kumislap pa iyon. "Imee, you made me happy." At niyakap siya nito.
Gumanti siya ng yakap. Nang huminga siyang muli ay parang nagtaka pa siya sa maluwag na pagpasok ng hangin sa kanyang baga.
"Sabi ko, I guess," tudyo niya nang magbitaw sila.
"It's almost the same, Imee. Tayo na?" tuwang-tuwang sabi ni Janus.
"Let's give it a try, Janus," nakangiting sagot niya.
"Yes! Yes!" Kulang na lang ay maglulundag ito sa tuwa at muli siyang niyakap.
Isang tikhim ang umabala sa kanila. "Ano iyan, kasalan na ba ang kasunod niyan?"
"Uncle Mac!" bulalas nila pareho.
Ngumiti sa kanila ang matanda. "Kaya naman pala kulang ang mga diners, nandito kayo. At abala sa ibang gawain," tukso nito.
Hinawakan ni Janus ang kamay niya at humarap dito. "Uncle Mac, ikaw ang unang makakaalam, sinagot na ako ni Imee."
"Congratulations! Mabuti naman at nagawa mo nang magtapat. Aba'y usap-usapan na sa buong opisina ang pagpapadala mo ng bulaklak kay Imee, ayaw mo namang magpakilala," kantiyaw nito.
Napakamot na lang sa batok si Janus.
"Apurahin mo, Janus. Kasal na agad ang ialok mo. Kapag nagretiro ako sa isang taon ay ikaw ang papalit sa puwesto ko. You'll be a better leader once you;ve become a family man."
Bumaling sa kanya si Janus. "Paano iyan, Imee, hindi yata magiging uso sa atin ang long engagement? At pabor din naman iyon sa akin because I want to have you as my wife as soon as possible."
"Nagpo-propose ka na ba agad?" aniya.
"Puwede naman sigurong mag-propose na agad at saka na lang itutuloy ang panliligaw?"
"Puwede!" sabad sa kanila ni Uncle Mac. "Basta huwag ninyo lang akong kalilimutang kuning ninong," prisinta pa nito.
"Of course not," sagot dito ni Janus.
"Buweno, tayo na doon at nang makakain na."
Sumunod na sila ng hakbang sa matanda. At magkakawit pa ang kanilang mga bisig sa kanilang bewang nang magsimulang lumakad.
"YOU'RE glowing," sabi ni Samantha kay Imee nang magkatabi sila ng upuan sa meeting ng mga wedding girls. Kumpleto ang wedding girls sapagkat kasal ni Samantha ang pag-uusapan. Nakasanayan na nila na basta kasal ng isa sa mga wedding girls ay mas matutok sila sa mga detalye. "Palagay ko, in love ka ring kagaya ko."
Ngumiti siya nang matamis. "Hindi naman siguro masama, hindi ba?"
Napangisi si Samantha. "In love ka nga!" tili nito at bumaling sa mga wedding girls. "Guys! May kasunod na agad na bride to-be kahit hindi pa ako ikinakasal. Dyarran!!! Si Imee."
At nabaling sa kanya ang atensyon ng lahat.
"Sino ang nabulag mo, Imee?" pabirong tanong ni Lynette. At iyon din ang paulit-ulit na naging tanong ng iba pa.
"Si Janus," proud namang sagot niya. "Iyong partner ko sa auditing firm."
"Kailan namin siya makikilala?" excited na tanong ni Mica.
"Mamaya. Usapan namin na susunduin niya ako dito."
"Kailan ang kasalan?" usisa ni Jenna. "Huwag kang sasabay kay Samantha, utang-na-loob," biro pa nito.
"Wala pa namang petsa pero pinag-uusapan na namin."
"Sana hindi kasabay ng ibang kliyente para mabusisi natin nang husto ang kasal mo," sabi naman ni Alex.
Natawa siya. "Okay, mag-suggest kayo ng wedding date."
"Papayag naman kaya ang groom to-be mo?" ani Sienna.
"Ewan ko. Siguro ay hindi." At nagkatawanan sila.
Nang matapos ang meeting ay nagpatuloy sila sa tsikahan. Bukod kay Samantha, siya ang sentro ng tudyuhan ng ibang wedding girls.
Tinatawanan lang naman niya ang kantiyaw ng mga ito. Masyado siyang masaya para mapikon pa. Besides, sanay na siya kay Janus. Kahit na hindi na sila basta magkaibigan lang ngayon—in fact, madalas na nga rin nilang pag-usapan ang plano nilang pagpapakasal, dumarating pa rin sa kanila na nagkakapikunan sila.
Walang tutol doon si Imee. Sapagkat ang mas masarap ay ang kasunod ng kanilang pikunan kung saan sinusuyo siya nang husto nang binata. Hindi na pinag-uusapan kung sino ang nagsimula, sa bandang huli si Janus pa rin ang manunuyo sa kanya.
"Nandiyan na siya," sabi niya sa mga wedding girls nang matanggap ang text ni Janus. Lumabas siya sa office ng Perfect Weddings at sinalubong ang binata.
"Nainip ka ba?" tanong sa kanya ni Janus matapos siya nitong halikan sa mga labi.
"Hindi. Bumalik muna tayo sa loob. Gusto ka nilang makilala."
"Kakaliskisan ako?" pakengkoy na sabi nito.
"Hindi. Babalatan ka," ganting-biro niya.
Mainit na tinanggap ng mga wedding girls si Janus nang makilala ng mga ito ang binata. Halos kalahating oras din silag nagtagal doon bago sila nakatakas sa panunukso ng mga ito.
Pagsakay pa lang nila sa kotse ni Janus ay agad na nitong inabot ang kanyang kamay.
"I missed you," malambing na sabi nito sa kanya.
"Kaninang umaga lang tayo huling nagkita," natatawang sabi niya pero tuwang-tuwa din.
"Kahit na ba, eh. Sa nami-miss kita. Kundi ko nga lang alam na importante ang meeting iyan, mas gusto kong tayo na lang ag magkasama buong maghapon. Weekend ngayon, araw natin para sa isa't isa."
"Araw-araw naman tayong magkasama. Mula Lunes hanggang Biyernes, nasa office tayo. Kapag sabado, magkasama tayo. Kahit family day ninyo ang araw ng Linggo, kasama pa rin ako."
"Maano naman? Soon, magiging legal ka nang miyembro ng pamilya namin. Imee, sweetheart, kailan ba talaga tayo magpapakasal?"
"Not so soon. Request ng mga wedding girls na huwag akong sumabay kay Samantha. Mas maganda daw kung hindi ko kasabay ang ibang kliyente para maasikaso nila nang husto ang kasal ko."
"So kelan?"
"Two years from now, I guess," biro niya.
"Two years?" angal nito. "Mag-hire na lang tayo ng ibang wedding planner."
Napahagikgik siya. "Siyempre, tayo ang masusunod kung kailan natin gusto."
"So kelan?" mas eager na tanong nito.
"It's up to you, Janus."
"Six months from now? Mahaba-haba na rin sigurong preparasyon ang anim na buwan."
Bigla siyang nakadama ng excitement. "Sige. Ngayon pa lang, ihahanda ko na ang guest list. Mahirap na, baka mayroon tayong makalimutan na hindi imbitahin, magtampo pa sa atin."
"Go ahead. Bukas, aayain ko ang parents ko sa bahay mo para mamanhikan kami."
Ngumiti siya. "Excited na tuloy ako," amin niya.
Pinisil nito ang palad niya. "Ako man, Imee."
Nang huminto sila sa isang intersection ay mabilis siyang dinukwang nito at hinalikan siya sa sulok ng mga labi. "I love you."
"I love you, too," nakangiting tugon niya.
At totoong-totoo sa loob niya ang tinuran niyang iyon.--- w a k a s ---
Maraming salamat sa pagbabasa.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
Wedding Girls Series 17 - Imee
RomanceImee - The Cake Expert Gusto niya sanang mag-isip pero sa halip na makapag-isip siya ay ang halik ni Janus ang pumupuno sa balintataw niya. At hindi lang iyon. Kinakapa rin niya ang tunay na damdamin niya para kay Janus. Could it be possible that s...