NANG MAKAPARA ng taxi si Miguel ay hindi na siya nag-aksaya ng sandali at inihanda ang mga kakailanganin niyang sangkap para sa order nitong cake. Mabuti na lang at palagi siyang kumpleto sa stock kaya hindi niya problema ang mga iyon anumang oras niyang kailanganin.
Isinasali na niya sa baking pan ang napagsama-samang sangkap nang tumunog ang kanyang telepono. Hindi naka-register sa caller ID ng telepono niya ang numero kaya naman wala siyang ideya kung sino iyon.
"I think I forgot to say good night," sabi ng nasa kabilang linya nang sagutin niya iyon.
"Miguel?" sagot niya upang makatiyak.
"Yes, it's me. Malapit na ako sa amin. At buong biyahe ko, ikaw ang nasa isip ko."
Napangiti siya. At aaminin niyang para siyang teenager na biglang nakadama ng kilig.
"Ako o ang chocolate cake?" gayunman ay kaswal na tugon niya. Ipinaalala niya sa sarili na halos thirty years old na siya. Nakakahiya nang kinikilig pa siya sa edad niyang iyon.
"Ikaw," mabilis na sagot nito. "Sleep tight, Imee. See you tomorrow."
"Okay."
"Good night again."
"Good night," tugon niya.
Nang matapos ang usapan nila ay binalikan niya ang ginagawa. Hindi niya maiwasang mapangiti. Kahit kailan, masarap sa pakiramdam ng isang babae na mayroong isang lalaki na nag-uukol sa kanya ng pansin.
Nang muling tumunog ang telepono ay mabilis niyang sinagot iyon na hindi na tinitingnan pa sa caller ID kung sino ang caller.
"Don't tell me maggu-good night ka na naman?" sabi na niya agad.
"Anong na naman?" sabi ni Janus. "Ngayon pa lang naman ako tumawag, ah? Sino ang caller mo kanina? I was calling you. Busy ang line."
Itinaas niya ang isang kilay. "Naninita ka yata, sir?" buska niya dito.
"Hindi," sagot nito pero tila padaskol iyon. "Nandiyan pa ba ang iyong bwisita?" tanong nitong idiniin pa ang salitang bwisita.
"Umalis na."
"Anong oras?" usisa pa nito.
"Kailan ka pa naging imbestigador, Janus?" natatawang tanong niya dito.
"Anong oras umalis?" tila inip na tanong nito uli.
"Kanina pa. I'm alone here kagaya ng dati. I'm busy. Nagbe-bake ako ng cake. May order para bukas."
"May pasok ka bukas. May auditing tayo sa Bulacan, in case nakakalimutan mo."
"Hindi ko nakakalimutan kaya nga nagbe-bake na ako ngayon para for pick up na lang bukas. O baka naman itatanong mo rin kung sino ang nag-order?" buska niya dito. "Si Miguel. Gusto daw niyang matikman ng mga kamag-anak niya ang cake ko kaya nagpagawa siya. Ang laki nga ng ibinayad. Sobra-sobra pa sa asking price ko."
"Nagbabayad din naman ako sa iyo kapag nagpapagawa ako, ah?" defensive na sagot nito.
"Sinabi ko bang hindi ka nagbabayad? Nagkukuwento lang ako. Bakit ka nga pala tumawag?"
"Wala."
"Wala?" ulit niya. "Matulog ka na, Janus. May ginagawa pa ako. Baka masunog ang bine-bake ko."
"Mabuti nga para naman hindi na maulit magpagawa sa iyo ng cake ang mokong na iyon."
Humalakhak siya. "Lumalabas ang pagkabunso mo, Janus. Daig mo pa ang paslit."
"Bakit, wala ba akong karapatang magmarkulyo?"
"Pero bakit nga?"
"Sinabi ko na sa iyo kanina, nagseselos ako," tila nagseryoso ang tono nito.
Hindi siya agad nakasagot. "At bakit ka naman magseselos?" tanong niya na dinaan sa kaswal na tono.
"Anong bakit? Sa iyon ang nararamdaman ko," papilosopong sagot ng binata.
"Alam mo, baka pagod lang lang. Ilang convention na kasi ang pinupuntahan mo na puro out of town tapos wala ka pang pahinga halos. Pagdating mo sa office, sa field ka din napupunta dahil sa dami ng auditing natin."
"It's not that," sabi nito.
"Eh, ano kung ganoon?"
"It's... it's..."
Ilang sandali na parang nawala ito sa linya.
"Janus, are you still there?"
"I'm still here," mahinang sagot nito.
"So, ano iyong sinasabi mo kanina?" tanong niya.
"Saka na lang, Imee. Good night for now."
Kakantiyawan pa sana niya ang binata pero mabilis na nitong pinutol ang linya.NAGHAHANAP pa ng dagdag na tulog ang katawan niya pero napilitan si Imee na bumangon na upang huwag maapektuhan ang pasok niya sa opisina. Nang dumating siya nang eksakto sa oras, gayon na lang ang tuwa niya. Disiplina niya sa sarili na huwag ma-late sa pagpasok anuman ang dahilan.
Iyon nga lang, palibhasa ay inaantok pa, hindi niya maiwasang maghikab habang patungo sa cubicle niya. Ibinaba lang niya ang kanyang bag sa mesa at nagtuloy na sa CR. Maghihilamos siya uli upang matanggal ang antok niya. Kaya nga hindi muna siya nag-apply ng make-up dahil naisip na niya ang posibilidad na iyon.
Napreskuhan na siya at gising na gising na rin ang pakiramdam nang lumabas siya ng CR. Nakapag-make up na rin siya. Ang nasa isip niya ay ang trabahong gagawin nila ni Janus sa araw na iyon. Hindi naman kalakihang kumpanya ang io-audit nila. Sa tantiya niya, bago mag-alas singko ay nakabalik na rin sila sa Maynila. Tamang-tama para sa appointment niya kay Miguel sa gabing iyon sa pag-pick up nito ng inorder na cake.
Napakunot ang noo niya nang masalubong si Janus. Bitbit pa nito ang leather bag na mukhang attache case sa dami ng nilalamang folder. Iyon naman ang palaging bitbit nito sa pagpasok palibhasa ay ugali na nitong mag-uwi ng trabaho upang hindi ito matambakan.
"Kadarating mo lang?" bati niya dito.
"Late ako ng two minutes," sagot nito na para bang napakalaking bagay dito ang ma-late samantalang sa posisyon nito sa kumpanya ay hindi na ito kinukuwentahan ng oras. Kahit anong oras pumasok ni Janus ay maaari subalit nasanayan na rin nitong gaya ng ibang empleyado, bago mag-alas otso ay nasa opisina na ito.
"Bakit yata mas mukha ka pang puyat sa akin?" pansin niya dito nang mahalatang nanlalalim ang mga mata nito.
"Hindi ako agad nakatulog, eh," sabi nito at lumagpas na sa kanya. "Doon na muna ako sa office ko. May aayusin pa akong papeles bago tayo umalis."
Sinundan na lang niya ito ng tingin papasok sa probadong opisina nito. Bilang senior partner ng kumpanyang iyon ay pribilehiyo ni Janus ang pagkakaroon ng sarili nitong opisina. Halos kadikit lang naman iyon ng cubicle niya at madalas kahit na may sekretarya ito ay lumalabas na siya na rin ang sekretarya nito dahil sa kanya din naman ipinapasa ang ibang trabaho dahil sila nga ang partner sa mga auditing jobs.
Pagbalik niya sa kanyang cubicle ay inihanda na rin niya ang mga kakailanganin sa kanilang pag-alis. Mayamaya, lumapit sa kanya ang kanilang mensahero.
"Ma'am, may nagpadala po sa inyo nito," sabi sa kanya ni Mang Elvis sabay baba ng isang nakapasong flower arrangement sa kanyang mesa.
"Thank you," aniya at inabot ang maliit na sobre na nadikit sa plastic na proteksyon ng mga bulaklak. Napangiti siya nang mabasang kay Miguel iyon galing. Ang totoo, iyon na nga rin ang hinala niya sapagkat wala naman siyang ibang maisip na magkakaroon ng interes na magbigay sa kanya ng bulaklak.
"Imee, are you ready—" biglang kumunot ang noo ni Janus nang makita ang bulaklak sa kanyang mesa. "Ano iyan?"
"Bulaklak, obviously," pilosopong sagot niya.
"Kanino galing?"
"Itinatanong mo pa pagkatapos hindi na naman maipinta ang mukha mo," aniya. "Anyway, baka naman sabihin mo, ayaw kong sagutin ang tanong mo, sasabihin ko na. Kay Miguel galing."
"Bakit?"
"Aba, ewan ko. Hayan, basahin mo ang card. Nakalagay lang diyan, "for you". Di magpapasalamat ako mamaya kapag kinuha na niya iyong inorder niyang cake."
"Baby's breath at mums," anito na pinakatitigan pala ang mga bulaklak. "Imee, damo lang iyan sa bahay-bakasyunan namin sa Baguio. Tanungin mo ang mga pamangkin ko, ginagayat lang nila iyan kapag naglalaro sila."
"Napakahambog mo naman," irap niya dito. "Naiinggit ka lang yata dahil binigyan ako ng bulaklak noong tao. Hayaan mo, mamaya, sasabihin ko kay Miguel na bigyan ka rin niya."
"Ano ako, bakla?" pikon na sabi nito.
"Aba, ewan ko sa iyo."
"Hoy, Imee, hindi ako bakla, ha?" may diing sabi nito.
"In the first place, ikaw din naman ang unang nagsabi niyan," nakangising sabi niya.
"Hindi ako bakla," seryosong sabi nito.
"Fine! Hindi na kung hindi! Ano, tara na ba? Baka naman gabihin na tayo sa pupuntahan natin sa Bulacan, mamuti ang mga mata ng mga naghihintay sa atin doon." Isinukbit niya ang bag at kinuha ang bulaklak.
"Don't tell me, isasama mo pa iyan sa pag-o-audit natin?" bakas ang disgusto sa tinig nito.
"OA mo," aniyang pinipigil na matawa. "Isasakay ko ito sa kotse ko. Baka mamaya, gabihin tayo doon, para hindi na ako pumasok pa uli dito sa office para lang kunin ito."
"Mukhang tuwang-tuwa kang may nagbigay sa iyo ng bulaklak," tila masama ang loob na sabi nito.
"Talaga," para namang naniniryang sagot niya. "Kaming mga babae, amsarap sa pakiramdam namin na may nagbibigay sa amin, bulaklak especially. Ewan ko ba sa iyo, Janus. Kung magsalita ka, para bang wala kang kamuwang-muwang sa karakter ng mga babae samantalang bihira ka rin namang mabakante sa pagkakaroon ng girlfriend."
Tiningnan lang siya nito.*****
Maraming salamat sa pagbabasa.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
Wedding Girls Series 17 - Imee
RomanceImee - The Cake Expert Gusto niya sanang mag-isip pero sa halip na makapag-isip siya ay ang halik ni Janus ang pumupuno sa balintataw niya. At hindi lang iyon. Kinakapa rin niya ang tunay na damdamin niya para kay Janus. Could it be possible that s...