WG IMEE - Part 4

220 9 0
                                    


HINDI alam ni Imee kung maniniwala siya sa narinig o tatawanan na lang din niya iyon. Pero sa itsura ni Janus na kahit yata ang pinakamagaling na pintor ay hindi magagawnag ipinta ang nakasimangot nitong mukha, sandali din siyang nag-isip kung ano ang ibig nitong sabihin sa huling pangungusap na tinuran sa kanya.
At hindi lang iyon. Padabog din itong tumalikod sa kanya. Nang sumakay ito ng kotse at isara ang pinto niyon ay kulang na lang na magiba ang pinto. Paharurot din nitong pinaandar ang sasakyan.
At kung nagkataong maigsi ang pasensya niya, malamang ay napikon na rin siya sa inaasal nito. Bakit ba hindi ay parang pinuno nito ng usok ng sasakyan ang mga butas ng kanyang ilong.
Pero kaysa magalit ay pinili ni Imee na magkibit-balikat na lang.
Marami na mang uri ng pagseselos. Malamang, hindi lang sanay si Janus na may nagbibigay sa kanya ng atensyon buhat sa ibang lalaki. Sa tagal ng pinagsamahan nila, sa lob o labas man ng opisina ay nasanay na marahil ito na nag-iisa lang siya.
She was confident of her beauty. At mayroon rin naman siyang taglay na karisma pero aaminin niyang nitong mga huling taon, daig pa niya ang paninda na tumumal sa mamimili. Insulto man siguro sa kanya ay lumipas ang mga taon na wala siyang naging manliligaw man lang.
Subalit hindi naman siya apektado roon. Lubha siyang abala sa kanyang karera bilang accountant. At abala din naman siya sa itinayo niyang bakeshop. Hindi man siya nagkaroon ng manliligaw ay halos hindi na rin niya iyon napansin.
Siguro ay dahil naroroon naman si Janus sa tabi niya. Sa mga okasyon na kailangan niya ng escort ay ang binata ang palagi niyang nahihila upang samahan siya. And he was always willing—maliban na lang sa mga pagkakataon na mayroon itong girlfriend at nagkataon na may date ang mga ito.
Pero wala din naman seryosong nagiging relasyon si Janus. Hindi ito nawawalan ng date pero sa pagkakaalam niya, hindi rin naman ito nakikipag-commit sa isang babae. Paborito na nga itong kantiyawan sa opisina sapagkat tumatandang binata na raw ito sa edad na treinta y singko.
Pero tila wala namang pakialam si Janus doon samantalang sa pagkakaalam niya ay family-oriented din naman ito. Bunso si Janus sa tatlong magkakapatid na pawang mga propesyunal din. Abogado ang kuya nito at doktora naman ang nag-iisang kapatid na babae. Espesyalista ang huli sa women's reproductive health kaya nga kung minsan ay kinakantiyawan din siya ng binata na sasagutin na nito ang pampa-check up niya dahil baka daw kinakalawang na ang matris niya.
Sa kanilang dalawa, siya raw ang mas dapat na mag-alala kung hindi pa siya mag-aasawa dahil may biological clock daw ang mga babae.
Lima ang pamangkin ni Janus. Nakilala na niya ang mga iyon sa mga family gatherings ng mga ito kung saan pilit siyang isinasama ni Janus. Mga bata pa ang mga iyon. Wala pa yatang sampung taon ang pinakamatanda gayong nasa mid-forties na ang kuya ng binata.
Naisip lang ni Imee, baka nasa lahi lang nina Janus ang medyo late nag-aasawa sapagkat mas naka-focus nga naman ang atensyon ng mga ito sa pag-aaral at pagsisikap na magkaroon ng magandang pangalan sa propesyong napili.
Muli ay naisip ni Imee ang tinuran ni Janus. Tila nga nag-echo pa iyon sa kanyang pandinig.
"Can't you see, Imee? I'm jealous!"
"But why?" wala sa loob na naisip niya.

NAPANSIN ni Imee na ibinababa na ng staff ni Samantha ang mga kasangkapang ginamit sa maliit na handaang iyon. Doon na niya sana ibabaling ang atensyon niya nang maalalang mayroon pa pala siyang isang bisita.
Nang muli siyang umakyat, nakita niya si Miguel na nakadulog sa mesa. Wala itong iniwan sa isang bata na nagkakayod ng tirang pagkain. Ang nasa harap nito ay ang tirang cake. Tila hindi nito patatawarin pati ang mugmog niyon.
"Ganyan ka ka-grabe?" hindi niya napigil ang sariling sabihin nang lumapit dito.
Malapad ang ngiting itinugon nito sa kanya. "Hindi ako nambobola, Imee. Pero nakaka-addict ang cake mo. May shabu ba ito?"
"Wala. Ecstasy, mero," pabirong sagot niya. "Tell you what, may black forest cake ako sa ref. Baka gusto mong iyon na lang ang kainin mo? Nakakaawa ka naman. Sinisimot mo iyan."
Ni hindi niya nakitang na-offend ang lalaki. "Ganito talaga ako kapag gusto ko ang isang pagkain. Kulang na lang dilaan ko para talagang simot!"
"Para kang bata," naiiling na sabi niya at nilapitan ang ref, inilabas niya roon ang black forest cake. Bawas na iyon sapagkat iyon ang unti-unti niyang kinakain kapag naiisipan niyang mag-midnight snack.
"Gawa mo rin iyan?" parang excited pang tanong ni Miguel nang ihain niya iyon dito. Tila nga namilog pa ang mga mata ng lalaki.
"Nope. Regalo iyan sa akin ng isa naming kliyente. Nag-aaral daw ng baking ang anak niya. Masarap din naman."
Nag-slice si Miguel. "Well, malalaman ko rin." Tila ninamnam nito ang isinubong piraso. "Masarap nga. Pero mas masarap ang gawa mo, Imee."
"Thank you." Of course, alam na niya iyon. Halata namang baguhan sa baking ang gumawa ng naturang cake dahil nang una niyang tikman iyon, buong asukal pa ang nalasahan niya. Pero nasa paghahalo lang naman iyon. Sa sukat ng mga sangkap ay alam niyang eksakto iyon.
"Busy ka ba bukas?" tanong ni Miguel mayamaya.
"Bakit?" At bigla niyang naisip na baka ayain siya nitong mag-date. Mabilis na rin siyang nag-isip kung papayag na ba agad o magpapakipot muna.
"Gusto ko sanang mag-order ng cake. Chocolate cake," anito.
Sandali siyang natigilan. Hindi niya alam kung madidismaya sa narinig o mapapahiya sa sarili. Inisip na lang niya ang business side ng tinuran nito.
"Gaano kalaki? Mga anong oras mo kailangan?"
"Kung busy ka, kahit sa gabi na lang. Gusto ko lang uwian ng chocolate cake mo ang pamilya ko. Mahilig din sila sa cake pero wala nang tatalo pa sa akin," sagot nito.
"Yeah, obvious nga. So, gaano kalaki?"
"Puwedeng dalawang kasing-laki ng bottom layer ng wedding cake nina Kevin? Marami kasi akong pamangkin. Bitin sa lahat kung isa lang ang iuuwi ko."
Naalala niyang mayroon pa siyang pasok sa kinabukasan. Hindi naman niya ugaling mag-undertime para lang mag-bake ng cake. Ayaw niyang masabihan na napapabayaan niya ang trabaho niya sa auditing firm dahil lang sa negosyo niya.
Sinulyapan ni Imee ang orasan. Kung ngayon naman niya iyon gagawin ay halos madaling-araw na siya matutulog. At naisip niya, hindi na baleng masakripisyo ang oras ng tulog niya kaysa naman tanggihan si Miguel. Hindi niya iyon magagawa lalo at nakikita niya kung paano nito i-appreciate ang gawa niya. Talagang malambot ang puso niya sa mga taong nakikita niyang nasisiyahan sa cake niya.
"Sige, dalawa ang gagawin ko. For pick-up na lang, okay?"
"Sure! Anong oras ko pupuntahan?"
"Sa gabi na lang." Kumuha siya ng business card na nakapatong lang doon sa divider. "Sa shop mo pick-up-in. Naroroon kasi iyong ref ko na pang-cake talaga. Saka doon ko na rin gagawin ang finishing touches."
"Thank you, Imee. Akala ko ay tatanggihan mo ako."
"Business ko ito," nakangiting sagot niya. "Bakit naman ako tatanggi sa customer?"
"Nasabi kasi ni Irish na wedding cake ang specialty mo."
"Pero gumagawa rin ako ng ibang cake. Kung walang masasagasaang ibang appointment, hindi ako tumatanggi sa order." Nang maglabas si Miguel ng pera at iabot sa kanya ay nagulat siya. Tatlong pirasong one thousand pesos bill iyon. "Para saan ito?"
"Bayad."
"Sa dalawang cake? Sobra-sobra ito. Hindi naman ako mahal maningil."
"It's all right. Sa sarap ng cake mo, sulit na sulit ang bayad na iyan." At tumayo na rin ito. "I'll go ahead, Imee. Nice meeting you." At dumukwang ito sa kanya upang gawaran siya ng halik sa pisngi.
Gaya ng ibang bisita ay inihatid din niya ito sa ibaba. "Wala kang sasakyan. Magta-taxi ka na lang?"
"Ganoon na nga. Hiniram kasi ng kapatid ko ang kotse ko kaya wala akong service ngayon. Pero bukas, magdadala ako ng sasakyan. Ayoko namang i-commute ang dalawang cake kapag kinuha ko sa iyo." Tiningnan nito ang business card na inabot niya. "Tawagan kita bukas, ha?"
Tumango siya.

*****

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Wedding Girls Series 17 - ImeeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon