WG IMEE - Part 6

212 7 0
                                    

MAGKASAMA sila sa kotse ni Janus nang papunta na sila sa Bulacan. Iniwan na niya ang sarili niyang kotse sa opisina upang makatipid sa gasolina tutal naman ay gawi na nila ni Janus na magsama sa isang sasakyan kapag may auditing sila.
Walang kibo ang binata habang nasa biyahe sila habang si Imee naman ay inabala ang sarili sa pakikipag-text. Nakakailang palitan na sila ng text messages ni Miguel buhat nang kumpirmahin nito sa kanya kanina kung natanggap niya ang padala nitong bulaklak. Siyempre pa ay nagpasalamat naman siya.
Napansin niyang ipinasok ni Janus ang sasakyan sa Shell. Bukod sa gasolinahan ay maraming food chains sa bahaging iyon ng expressway.
"Bakit tayo dumaan dito?" tanong niya. "Akala ko ba'y kailangan nating maagang makarating sa First Group?" tukoy niya sa kumpanyang pupuntahan nila.
"Napansin mo palang umiba tayo ng ruta," tikwas ang isang sulok ng labi na sagot nito sa kanya. "Akala ko, nakadikit na ang mukha mo sa cellphone."
"Grabe ka namang magsalita. Nagte-text lang ako. Wala akong balak na maging kamukha ang cell phone." Napangiti siya nang ihinto nito ang sasakyan sa tapat ng isang kainan. "Kakain tayo, Janus?"
"Ako, kakain. Ewan ko ikaw kung gusto mo," anito at mabilis nang bumaba.
Sumunod din siya sa pagbaba. "Bakit ba ang sungit mo?" sita niya dito habang papasok na sila sa Cinnabon. "Hindi ka lang nakapag-almusal, nagsusungit ka na."
Tiningnan siya nito. "What do you want to eat?" sa halip ay sabi nito.
Ngumisi siya. "Libre?"
"Alam mong sagot ng office ang pagkain natin basta may field work tayo."
"Hmp! Sungit!" kantiyaw niya at pumili ng combo meal. "Ako na ang maghahanap ng table natin," aniya at tumalikod na.
Hindi naman nagtagal at dumating na rin sa kanilang mesa si Janus dala ang order nila. Walang kibo nitong inilapit sa kanya ang order niya. Walang kibo rin itong nagsimulang kumain. Ang itsura ng mukha ay aburidong-aburido.
Patingin-tingin lang si Imee sa binata. Ang totoo ay nagpipigil lamang siya na bumunghalit ng tawa. Kahit kailan ay hindi niya na-imagine si Janus na ganito ang asal. Pero naisip din niya, nagkakataon lang siguro na hindi niya nakikita ang sumpong ni Janus. At least ngayon na ang pagkakataon niya.
Sa halip na mapikon ay hinayaan lang niya si Janus sa sumpong nito tutal naman ay naaliw siyang makita ito sa halos childish na pagkilos. Cute naman si Janus sa pagka-childish nito. Sinabi na lang ni Imee sa sarili na kapag wala nang sumpong si Janus ay saka niya ito tatanungin kung bakit ito sinumpong.
"Dalian mong kumain," sabi nito sa kanya. "Puro text iyang inaatupag mo."
Tumango siya at hinawakan ang pecanbon bread na napapangalahati pa lang niya. "Sa kotse ko na lang ito uubusin." At nauna pa siyang tumayo dito.
Kasunod niya si Janus na lumabas ng bakery. Halos nasa likod na niya ito nang paganahin ang remote control ng kotse upang bumukas iyon. At sa buong pagtataka niya, ipinagbukas siya nito ng pintuan.
Napalingon siya sa binata. Nasa dulo ng dila niya ang pagnanais na tanungin ito kung bakit ginawa nito iyon samantalang hindi naman nito ugaling gawin na ipagbukas siya ng pinto. Pero pinili na rin niyang huwag nang magtanong lalo at sa itsura ni Janus ay daig pa nito ang nagme-menopause.
Nang muling umandar ang kotse ay cellphone uli ang hinarap niya. habang nagte-text ay panay din naman ang kagat niya ng natirang tinapay. At muntik na niyang naibuga iyon nang mag-preno si Janus.
"Ano ka ba naman?" sita niya rito.
"Nag-prenong bigla ang nasa harapan ko di kailangan ko ring mag-preno," katwiran nito at nag-overtake sa sinusundan nilang sasakyan.
Ewan niya kung totoo iyon pero hindi na lang siya kumibo. Nagpaalam siya kay Miguel na mamaya na lang makikipag-text dito. Hindi na siya naghintay pa ng reply ng lalaki at itinago na sa bag ang cellphone.
"Alam mo, Janus, sinubukan ko na ring mag-bake ng cinnamon rolls," kaswal na baling niya sa binata. "Palagay ko, eh, masarap naman. Pero taas ang kamay ko dito sa Cinnabon. Masarap talaga."
"Dapat lang. Mahal, eh."
Itinaas niya ang kilay. "Kung magsalita ka, para bang hindi ka sanay magbayad ng mahal. Ang point ko po, iba talaga ang quality ng bread nila. Siguro, magpa-practice pa ako at magagaya ko na rin ang lasa at lambot ng bread nila."
"Patikimin mo ako," linga nito sa kanya at ngumiti.
Tumili siya. "Janus, nag-i-smile ka na!" bulalas niyang parang tumama sa pa-raffle.
Tiningnan siya nito na parang nagtataka sa sinabi niya.
Nginisihan niya ito. "Alam mo ba ang itsura mo kanina? Daig mo pa ang na-possess ng kung anong espiritu. Kung di ka nga lang lalong susumpungin, aabutan na kita ng salamin para makita mo kung ano ang itsura mo. Talo mo pa ako noong nag-aaral pa ako at hindi makapag-balanse ng bank reconciliation."
Luminga ito sa kanya at lumuwang pa ang ngiti. "Bank recon lang, hindi mo magawa? That's peanuts!"
"Bakit ba, sa nahirapan ako doon, eh. Pero pinag-aralan kong mabuti. Kita mo naman, naging CPA ako."
"Baka nangopya ka lang sa katabi mo noong nag-take ka ng board exam," kantiyaw nito.
Lihim siyang nagdiwang. Ito ang Janus na kilala niya. and hopefully, buong maghapon ay hindi na mgbabago ang mood nito. Maski paano ay nag-alala din siya na maapektuhan ang trabaho nila kung may sumpong nag binata.
"Di, sana top eight din sa borad exam iyong katabi ko. Sa pagkakaalam ko nga, bumagsak iyon, eh."
"Top eight ka pala sa board exam?" anitong mukhang nagulat samantalang alam naman ng lahat sa opisina iyon.
Karamihan sa accountant ng Lopez and Lanuza ay board topnotcher kundi man mga honor graduates. Dalawa sila ni Janus sa statistics ng mga CPA na kabilang sa top ten ng mga pumasa sa board. Kung top eight siya, top three naman si Janus.
"Iyon lang kasi ang nakayanan ko," nakangising sagot niya.
Hindi nagtagal at narating na nila sa Malolos ang kumpanyang pakay nila. Sa sumunod na mga oras ay sa trabaho nila itinuon ang kanilang buong atensyon.

NANG pumatak ang oras ng tanghalian ay nagkasundo sila ni Janus na sa Jollibee na lang kumain tutal ay walking distance lang iyon sa kumpanyang pinuntahan nila. Mahaba ang pila kaya nagpaalam si Janus na lalabas muna ito ng fast food. Akala niya ay sandali lang ito kaya pumayag siya pero naka-order na siya at lahat at nakakuha na ng mesa ay hindi pa rin ito bumabalik.
Naiinip na siya rito kaya naman kahit sana ayaw niya ay nagsimula na rin siyang kumain. Magalit man ito pagbalik ay wala siyang magagawa. Hindi na niya matitiis ang gutom niya. Likas pa naman siyang madaling magutom kapag mayroon siyang ino-audit.
Parang nagulat pa siya nang mapansing nasa harapan na niya ang binata. Lubha siyang naging abala sa pagkain ng manok kaya hindi niya ito agad napansin.
"Kumakain ka na," sumbat nito subalit nakangiti naman.
"Ang tagal mo, eh. Gutom na ako," katwiran niya at bahagyang itinulak sa harapan nito ang pagkain nito. "Kumain ka na rin. Lalamig na iyang pagkain, hindi na iyan masarap."
Tumingin ito sa kanya at saka ngumiti nang matamis.
Napakunot siya ng noo at magtatanong sana pero mas napakunot lalo ang noo niya nang ilapag nito sa mesa ang isang pumpon ng bulaklak.
"Ano iyan?" nakataas ang mga kilay na tanong niya.
"Bulaklak, obviously. Para sa iyo."
"Para sa akin?" ulit niyang kulang na lang ay masamid. "Bakit?"
Nagkibit ito ng mga balikat. "Baka naman sabihin mo, iyong mokong lang na iyon ang marunong magbigay sa iyo ng bulaklak."
Natawa siya. "Luko-luko ka rin, 'no?"
"Hindi, ah! Matino ako."
Hinawakan niya ang bulaklak at pinakatitigan. "Baby's breath ito saka mums. Akala ko ba, damo lang ito sa bahay ninyo sa Baguio?"
"Oo nga. Kaso kanina, mukhang tuwang-tuwa ka sa ganyang bulaklak kaya nagpagawa pa ako ng ganyan."
Nanulis ang nguso niya. "Gaya-gaya ka lang yata, eh."
"Hindi, ah," depensa nito. "Gusto ko lang makasiguro na magugustuhan mo ang bulaklak na ibibigay ko sa iyo kaya kahit alam kong walang originality, iyan ang binili ko. Nagtanong-tanong pa nga ako kung saan may flower shop na malapit dito, eh."
"Naghanap ka pang talaga?" amused na tanong niya.
"Oo naman. Kaya heto, gutom na ako."
"Siya, kumain ka na. Salamat dito sa mga bulaklak."
Tumingin ito sa kanya. At muli ay ngumiti nang mas matamis pa sa dessert na inorder niya.


*****

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Wedding Girls Series 17 - ImeeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon