Hindi siya agad nakakibo. Kung tutuusin ay hindi na siya dpat na nagulat pa. mayroon na siyang ideya sa bagay na iyon pero natanto niya ang malaking kaibahan kapag ganitong nasa harapan niya ang isang kumpirmasyon sa halip na hinala lang.
Alam ni Imee, hindi siya nananaginip. Gising na gising siya at totoong nasa harapan niya si Janus. Pakiramdam niya ay marami siya gustong sabihin at itanong sa binata. Pero parang hindi rin naman niya magawang ibuka ang kanyang mga labi.
Hindi bumibitiw ng titig sa kanya si Janus. na para bang kung hindi pa sapat ang mga salitang binitiwan nito ay maipapadala sa kanya ang tunay na mensahe sa pamamagitan ng mga mata nito.
At totoo nga, sa tingin nito ay mas lalo niyang nasinag ang sinseridad sa ipinagtapat nito.
"Alam kong mabibigla kita, Imee," sabi nito uli. "Pero gusto kong malaman mo na ako ay hindi nabibigla sa mga sinasabi ko sa iyo ngayon. Matagal ko na itong nararamdaman. Hindi ko nga lang masabi sa iyo." At tila nahihiya itong ngumiti.
"Natatandaan mo ba noong sabihin ko sa iyo na gusto ko nang mag-asawa? Ikaw ang babaeng nasa isip ko, Imee. Hindi ko alam kung paano nangyari basta na-realize ko na lang isang araw na hindi na basta kaibigan lang ang tingin ko sa iyon." At isang buntong-hininga ang pinakawalan nito.
"Mahirap para sa posisyon ko ang sabihin sa iyo ito. Nag-aalala ako na baka hindi ka maniwala. Nag-aalala ako na baka isipin mong sinasamantala ko ang pagkakaibigan natin. Pero hindi ko rin naman maitatanggi habang panahon ang tunay na nararamdaman ko. I'm falling in love with you, Imee."
"Janus, kung totoo iyan, bakit hindi mo kaagad sinabi?"
"Dahil aminado akong natotorpe nga ako. Ilang beses ko nang pinaghandaan ang mga sasabihin ko sa iyo pero hindi ko alam kung bakit kapag kaharap na kita ay parang hindi ko na magawang sabihin ang balak ko. But I guess, maski paano ay nagawa kong ilabas ang nasa loob ko nang gabing sabihin ko sa iyo na nagseselos ako sa Miguel na iyon."
Napangiti siya. Of course, natatandaan niya ang pagkakataong iyon. "Ibig sabihin ay totoo palang nagseselos ka?"
Tumango ito. "That's when I realized na hindi lang ako ang lalaking palaging nasa tabi mo. Noon ko natanto na mayroon pang ibang lalaki na magkakagusto sa iyo. Na kung hindi pa ako kikilos ay malamang na mawala ka pa sa akin samantalang ako ang pinakamalapit sa iyo."
"Kaya mainit ang dugo mo kay Miguel?"
"Dahil karibal ko siya. Unang tingin ko pa lang sa kanya, alam ko nang malaki din ang pagkagusto niya sa iyo."
"Bakit hindi ka pa nagtapat noon pa?" kulit niya.
"Dahil natotorpe nga ako," amin nito na tila inis na inis sa sarili. "Alam ko, para akong bata sa mga inaasal ko pero iyon ang paraan ko para mailabas ko ang inis ko. hindi ko magawang sabihin sa iyo dahil bukod sa natotorpe ako ay nag-aalala ako na masamain mo iyon at lalong mabaling ang tingin mo kay Miguel."
"Pero nagtatapat ka na ngayon," aniya.
"Determinado na ako ngayon, Imee. Sinabi ko sa sarili ko na kung hindi pa ito ang pagkakataon ay baka wala nang maging iba pang pagkakataon. Tsansa ko na ito. Walang Miguel na bigla na lang susulpot at makakahati ko sa atensyon mo." Inabot nito ang kamay niya. "Imee, please, believe me. I love you."
Bumaba ang tingin niya sa palad niyang ikinulong ng mga palad nito. At noon lang din niya napansin ang posisyon ni janus sa harapn niya. bahagya itong nakaluhod na kung hindi mukhang nagdarasal ay parang nagmamakaawa sa kanya.
Pinigil niyang matawa.
"Dito ka nga maupo, Janus," kaswal na sabi niya at bumitiw dito.
"Bakit?"
"Dahil baka ma-out balance ka diyan ay mahulog ka sa dagat. Mukha pa namang malalim," sagot niya.
Napatango na lang ito at tumabi ng upo sa kanya. "Imee, naniniwala ka ba sa akin? Mahal kita?" sabi nito uli mayamaya.
"Depende," sagot niyang may naglalarong ngiti sa sulok ng kanyang mga labi.
Kumunot ang noo nito. "Ano ang ibig mong sabihin?"
"Hanggang ngayon, misteryoso pa rin sa akin kung sino ang nagpapadala ng mga bulaklak, You know, iyong walang pangalan. Hindi kaya ikaw din iyon?"
Napangiti ito. "Tatak ng katorpehan, Imee," sabi nito matapos ang isa uling pagbuntong-hininga. "Alam kong kaduwagan iyon pero naisip ko, maski paano ay mayroong makakahati ng atensyon mo kaysa naman palaging si Miguel na lang ang nagbibigay sa iyo ng bulaklak."
"Hindi ko maintindihan, Janus. Binibigyan mo rin naman ako ng bulakla, personal mo pang inaabot pero nagpapadala ka pa na kunwa ay secret admirer?"
"Dahil nga hindi ako magkaroon ng sapat na lakas ng loob para aminin sa iyo ang totoo. Kung maaalala mo, sa tuwing magbibigay ako sa iyo ng bulaklak at tinatanong mo ako kung bakit, kung anu-ano lang ang sinasabi ko. Pero ngayon, you can ask me anything. Napaghandaan ko na ang pagkakataong ito. Malakas na ang loob ko sa iyo ngayon na umamin sa totoong nararadaman ko."
"Mabuti naman," nangingiting sagot niya.
Ilang sandali na dumaan sa pagitan nila ang katahimikan. Tunog ng mahinang hampas ng alon sa dalampasigan at pagsayad ng hangin sa mga punong nakapaligid ang tanging maririnig.
Nakatingin si Imee sa karagatan. Iniisip niya ang naging takbo ng usapan nila. At kung ano ang talagang nararamdaman niya ngayong nagtapat na si Janus.
"I love you, Imee," sabi muli sa kanya ni Janus at sa pagkakataong iyon ay nahimigan niya ang lambing sa tono nito.
Tumingin siya dito. At sa halip na magsalita ay ngumiti lang siya.
"Mahirap pala ang ganito," sabi ng binata. "Ibig kong sabihin ay iyong may karibal ako sa iyo. Gusto kong dagukan ang sarili ko. Naisip ko kung nagtapat lang ako agad, bago mo pa nakilala ang Miguel na iyon ay mas sigurado na sana ako. Ngayon, hindi naman kita maaaring diktahan na ako ang piliin mo. But I'm telling you, Imee, matagal na tayong magkakilala. Mas kilala mo ako. At ang natitiyak ko sa iyo, talagang mahal kita."
"Hindi mo naman siguro ako pipilitin na sagutin kita ngayon din."
Banayad itong umiling. "Hindi kita aapurahin, Imee. Ayokong diktahan ka sa magiging desisyon mo pero sasamantalahin ko ang panahong habang nag-iisip ka ay ipapakita ko naman sa iyo kung gaano kita kamahal."
Napangiti siya sa narinig na sagot nito.
"Baka naiinip na sila sa atin, Janus. Hindi kaya dapat na tayong bumalik doon?" pag-iiba niya ng usapan.
Tumango ito at nauna nang tumayo upang maalalayan siya.
Nang naglalakad na sila sa baybayin ay inabot nitong muli ang kanyang kamay. Hinayaan lang niya. Isa pa, masarap naman sa pakiramdam niya na magkahawak sila nito ng kamay.
"Janus, ganito ka din bang manligaw sa mga nauna mong girlfriends?" kaswal na tanong niya dito.
"Hindi, ah," sagot nito na ang tono ay yaong kay Janus na kilalang-kilala niya.
"Ibig sabihin, iba ako?"
"Iba ka talaga, Imee," seryoso uling sabi nito. "I'm serious about you. I want you to become my wife, to become the mother of my future children."
Tumawa siya. "Linya yata iyan ni Richard Gomez noong mag-propose siya ng kasal kay Lucy."
Tinitigan siya nito. "Hindi mo naman ako sineseryoso, eh."
Napabungisngis pa siya lalo.
"I love you, patutunayan ko sa iyo," deklara nito at sinapo ng dalawang palad ang kanyang mukha at saka siya hinalikan.
***** tatapusin *****
Maraming salamat sa pagbabasa.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
Wedding Girls Series 17 - Imee
RomanceImee - The Cake Expert Gusto niya sanang mag-isip pero sa halip na makapag-isip siya ay ang halik ni Janus ang pumupuno sa balintataw niya. At hindi lang iyon. Kinakapa rin niya ang tunay na damdamin niya para kay Janus. Could it be possible that s...