WG IMEE - Part 11

188 7 0
                                    


"ANO ANG ginagawa ng mokong na iyon dito?" tanong ni Janus at padarag na ibinaba nito sa mesa ang kalahating galon na ice cream. Muli ay nakita na naman niya ang hindi maipintang pagmumukha nito.
"Bumibisita. Siguro ay manliligaw," nangingiting sagot ni Imee. "May dala pa ngang bulaklak, eh."
"May dala rin naman ako, ah? Magazine."
"Manliligaw ka rin?" tudyo niya dito.
Tila napipilan si Janus. "Sana ay pinaalis mo na. May bisita ka nang nauna, mag-e-entertain ka pa ng iba," sabi nito pagkuwan.
"Aba, demanding pala ang nauna kong bisita," buska niya sa binata. "Sorry, Janus. I invited him for lunch. Hospitable ako, eh."
"At hindi man lang tumanggi?"
"Hindi."
Lalong tila pinagtakluban ng langit at lupa ang naging anyo ni Janus.
At napatunayan ni Imee na totoong three is a crowd. Sa harap ng mesa ay hindi nagpapansinan sina Miguel at Janus samantalang tila nagpapaligsahan namang makuha ang kanyang atensyon.
May edge si Janus dahil mas palagay ang loob nito sa kanya ay mas malaya din itong nakakakilos sa kanyang bahay. Ito ang naglagay ng pagkain sa mesa. Ito rin ang tumatayo upang magtungo sa kusina upang mag-refill ng pagkain. In short, parang gusto nitong palabasin kay Miguel na mas at home ito sa bahay niya.
Si Miguel naman ay ang karisma nito ang ginagamit. Para dito ay parang hindi nag-e-exist si Janus doon—maliban na lang siguro kung ang turing nito sa binata ay katulong na taga-silbi ng pagkain.
Nasa kanya ang buong atensyon ni Miguel. Kung anu-anong papuri ang sinasabi nito sa kanya at sa cake na ginawa niya.
"Sumasama nga ang pamangkin ko dito. Gustung-gusto kang makausap. Hindi na raw siya makikipag-usap sa iba at sa iyo na lang magpapagawa ng cake," sabi pa nito.
"Bakit hindi mo isinama?"
"Di naging abala lang siya sa akin sa pagbisita ko sa iyo," sabi nito at tiningnan nang makahulugan si Janus.
Nagtama ang tingin ng dalawang lalaki. At tila sandaling naglaban ang mga ito ng titig. Si Miguel din ang unang bumawi ng tingin at muling bumaling sa kanya.
"Next time, isasama ko siya. Next month pa naman ang debut niya."
"Walang magiging problema sa akin basta walang masasagasaang naunang schedule," aniya at napansing tapos nang kumain si Miguel. "Gusto mo nang mag-dessert? Hindi nga lang cake."
"Kahit ano," sabi naman nito.
Biglang bumagsak ang tinidor ni Janus at lumikha iyon ng ingay. "I'm sorry," sabi nito pero halatang kapos sa sinseridad. Yumuko ito at dinampot ang tinidor saka iyon dinala sa kusina.
Nang sumunod siya sa kusina upang ikuha ng ice cream si Miguel ay tiningnan siya nang masama ni Janus.
"Hindi ko binili iyan para iba ang kumain," mahinang sabi nito.
"That's childish, Janus. Ang pagkain ay para sa lahat, di ba?" nakangiting sabi niya dito, mahina rin upang tiyak na hindi marinig ni Miguel.
"Pero hindi para sa mokong na iyon," pilit pa rin nito, walang iniwan sa isang bata ang asal.
"Nakakahiya naman kung hindi ko bibigyan. Inalok ko na, eh," malumanay na sabi niya at saka hinaluan iyon ng lambing.
"Bahala ka," sabi nitong masama pa rin ang loob.
Lihim na ipinagpasalamat ni Imee na makalipas lang ang kaunting oras matapos ang tanghalian ay nagpaalam na rin si Miguel. Hindi na rin siya nagpabalat-bunga na pigilin pa ito dahil baka nga magpapigil pa ay lalo nang magkadalukot-lukot ang mukha ni Janus.
Alam niya, kunwari lang naman na nakiki-Internet si Janus habang ineestima niya si Miguel. Hindi rin naman ubrang sabay niyang estimahin ang dalawa.
"I'll be away for a few days," sabi sa kanya ni Miguel habang papalabas sila ng bahay. "May trabaho kaming gagawin sa New York. Pagkatapos niyon, babalik din ako dito dahil dito naman ako naka-base. I'll see you then."
Tumango siya. "Ingat ka na lang."
"Ano ang gusto mong pasalubong?"
"Puwede mo bang iuwi iyong Fifth Avenue?" biro niya.
"Hindi pero mayroon yatang ganoong pabango. Iuuwi ko sa iyo."
"Kahit hindi," seryosong sagot niya.
"Basta," anito at tumitig sa kanya. "I'll be missing you, Imee. Aaminin ko sa iyo ngayon, I'm very much attracted to you. Kaya lang, mukhang may karibal ako."
"You mean, si Janus? We're just friends."
Umiling ito. "Lalaki rin ako. Nararamdaman ko kung sino ang karibal ko o hindi. Pero hindi ako basta-basta sumusuko, Imee. Magpapaalam na ako," anito at tumalikod na.


PABALIK si Imee sa bahay ay nasa isip niya ang tinuran ni Miguel. Parang hindi niya gustong maniwala na itinuturing nitong karibal si Janus. Gusto niyang tawanan iyon. Paano iyon mangyayari gayong kasasabi lang sa kanya ng binata na mayroon itong nais ligawan?
Pero naisip din niya ang pag-iiba ng timpla ni Janus basta si Miguel ang magiging paksa—at mas lalo na kapag magkaharap ang mga ito.
Subalit naisip din naman niya na likas lang na mainit ang dugo ni Janus kay Miguel kaya ito ganoon.
"Labas tayo, Imee," aya sa kanya ni Janus nang makita siya nito. Ang itsura ay parang hindi ito nagmarkulyo kanina. Maaliwalas ang anyo, nakangiti pa.
"Saan naman tayo pupunta?"
"Ikaw, kahit saan. Gusto mo sa Luneta."
"Luneta? Araw ng Linggo ngayon, kung hindi mo alam. Madaming tao doon. Marami ring snatcher. Madisgrasya pa tayo doon."
"Sa mall, marami ding tao," sabi nito.
"Huwag na tayong umalis. Dito, tayong dalawa lang ang tao,' wika niya.
"Ayaw mong mamasyal?"
"Hindi naman sa ayaw pero parang mas magandang dito na lang tayo. Parang namamahinga na rin. Manood na lang tayo ng DVD. May mga DVd ako dito na hindi ko pa napapanood. Mamili ka kung ano ang gusto mo."
"Comedy para masaya," sabi nito.
"Walang comedy. Meron ako Love Actually."
"Puwede na iyan," sabi nito at pinatay na ang computer.
Nasa harap na sila ng TV nang muli itong magsalita. "Dapat mayroon tayong pinapapak. Lalabas ako sandali. Bibili ako ng makakain."
"Baka mamaya pagbalik mo, nandito na naman si Miguel," buska niya dito.
"Hindi na siguro babalik iyon," kaswal na sagot nito. "But in case na bumalik, huwag mong papasukin," demand nito.
"Ang sama mo."
Sitsirya na pambata ang dala ni Janus nang bumalik ito matapos ang wala pa yatang limang minuto. Sa sari-sari store lang malapit sa bahay niya ito marahil nagpunta. Lihim siyang natawa. Siguro ay natatakot nga si Janus na baka bumalik pa si Miguel.
Nang magsisimula na silang manood ay tumawag din si Janus sa Pizza Hut para magpa-deliver ng meryenda nila.
"Wala ba tayong gagawin kundi ang kumain?"
"Masarap kumain," anito. "Ayoko namang ikaw pa uli ang mag-prepare ng merienda. Tama na iyong pagod mo kanina."
Dahil pabor naman iyon sa kanya, hindi na niya ito kinontra.
"Bakit nga pala dito ka nag-uubos ng maghapon?" tanong niya dito nang nanonood na sila.
"Hindi ba, sabi ko nga sa iyo, nakakainip sa bahay. Wala namang tao doon kundi katulong."
"Ibig kong sabihin, kaysa nandito ka, bakit hindi mo pa simulang manligaw doon sa sinasabi mong liligawan mo?"
"Nagsimula na akong magparamdam," sagot nito.
"Eh, nararamdaman ka naman kaya?"
"I hope so."
"I hope so ka riyan. Thirty-five ka na, Janus. Kumilos ka na nang mabilis."
Tinitigan siya nito. "I'll bear that in mind."

*****

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Wedding Girls Series 17 - ImeeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon