WG IMEE - Part 10

198 7 0
                                    


"NICE FLOWERS," sabi ni Janus na hindi niya napansing nasa bungad ng cubicle niya. "Kanino galing?"
Nagkibit ng balikat si Imee. "Hindi ko nga alam, eh. Wala namang kasamang card."
"Hindi kay Mokong?"
"Mokong ka na naman diyan. Ewan ko nga. Pero actually, hinihintay ko si Miguel na mag-text. Kahapon kasi, nag-text siya about the flowers kung natanggap ko. kung sa kanya din ito galing, malamang ay mag-text iyon."
"Ah," sabi lang nito at kumaway na paalis.
Nakalayo na si Janus nang mapakunot noo siya.
Nagtatakang sinundan niya ng tingin ang binata pero nakapasok na ito sa private office nito. Napailing siya. Hindi yata nabugnot ngayon si Janus kahit may bulaklak itong nakita sa kanyang mesa. Pero naisip din niya, baka in good modd si Janus at hindi ito sumpungin ngayon.
Coffee break na nang makita niya uli si Janus.
Busy siya sa trabaho niya kaya naman nagulat pa siya nang pumasok ito sa cubicle niya at may dalang isang puswelo ng kape. Napuno ng mabangong aroma niyon ang work space niya.
"Magkape ka muna, Imee. Bagong laga iyan. Kapeng-Batangas."
"Salamat," nakangiting sagot niya. "May ipapagawa ka siguro sa akin kaya sinusuhulan mo ako ng kape." Hinipan niya ang pinong usok niyon at saka humigop nang kaunti. "Masarap ang timpla. Okay, Janus, ano ang ipapagawa mo sa akin?"
"Wala. Naisip ko lang dalhan ka ng kape, masama ba iyon?"
"Hindi," mabilis na sagot niya.
"So, nadiskubre mo na ba kung sino ang nagpadala ng mga bulaklak na ito?" kaswal na tanong nito at hinipo pa ang mga bulaklak na nasa gilid ng kanyang mesa.
"Hindi. Nag-text na si Miguel kanina. Wala namang binabanggit tungkol sa bulaklak."
"Bakit nag-text?" usisa nito.
"Nagkukuwento lang." At napangiti siyang muli. "Sabi ko na sa iyo, potential client iyon, eh."
"May ikakasal sa lahi nila? Totoo kaya?" halata agad ang pagkontra ni Janus.
"Walang ikakasal pero mayroong magde-debut. Sa akin daw magpapagawa ng cake. Next month na ang debut. Nakikipag-set na nga ng appointment."
"Binigyan mo na?"
"Sabi ko, basta weekdays, puwede ako sa gabi, after office hours. Pero kapag weekend, hindi ko pa masasabi. Priority ko kasi ang client ng Perfect Weddings. Saka baka magkaroon kami ng meeting this weekend. Ikakasal ang isa sa mga wedding girls." Alam niya, aware naman si Janus sa ibig niyang sabihin kapag ginamit niyang termino ang wedding girls.
"Before the end of this month, mayroon din tayong outing. Treat sa atin ni Uncle Mac. Baka makaligtaan mo iyon."
"Hindi. Iyon nga ang sinabi agad sa akin ni Jean kaninang pagpasok ko. Inaaya pa nga akong mag-shopping ng summer outfit."
"Sama ako," tila batang ungot nito.
"Bibili ka rin ng bikini?" tudyo niya.
"Magbi-bikini ka sa outing?"
"Bakit naman hindi? Mukhang hindi mo ma-imagine, ah? Maiinsulto naman yata ako niyan."
"Hindi naman. Medyo nagulat lang. Sanay kasi akong nakikita kang conservative ang suot. I'll try to imagine, okay lang sa iyo?"
Nagkibit siya ng balikat.
Mayamaya ay ngumiti si Janus. "I think, bagay naman sa iyo. Slim ka, eh. Magpa-picture tayo, ha? Iyong naka-bikini ka."
Natawa siya. "Sure. Basta ba naka-trunks ka naman."
Iniunat nito ang likod at hinaplos ang bandang tiyan. "Makikita mo ang itinatago kong six-packs. Baka tumulo ang laway mo kapag nakita mo ang abs ko. Iyan yata ang asset ko."
"Abs ka diyan. Baka naman tabs. You know, as in taba!" kantiyaw niya.
"Hoy, Imee, lean and trim ako, 'no? Sa outing natin, mapapatunayan ko rin."
"O, napipikon ka na naman? Ang ganda ng usapan, bigla ka namang mapipikon diyan," paalala niya dito.
Ngumiti si Janus. "No, hindi ako mapipikon. Ikaw naman, hindi ka na nasanay sa akin." At tumayo na ito. "Babalik na ako sa mesa ko. May kailangan akong tapusin, eh. Sabay tayong mag-lunch, ha?"
"Libre?" biro niya.
"Oo bah," kagyat namang sagot nito.


"HINDI ba tayo sa canteen kakain?" tanong niya kay Janus nang sa halip na sa canteen ng building na iyon sila magpunta ay inaya siya nito patungo sa elevator.
"Sa labas tayo kakain. Treat ko ito. Ayokong sabihin mong hanggang canteen lang kita kayang pakainin."
"Sus! Nag-drama pa daw. Marunong akong mag-appreciate, 'no? Kahit saan mo ako pakainin, thankful pa rin ako."
"Alam ko naman," nakangiting sabi nito. "Sabihin na lang natin na gusto kong i-treat ka sa mas magandang kainan."
"Napapadalas ang pagti-treat mo sa akin, Janus."
"And so? Ayaw mo ba nun?"
"Hindi naman, medyo kinakabahan lang."
Napatitig ito sa kanya.
"Baka kasi may ipapagawa ka sa akin kaya sinusuhulan mo ako ng food," paliwanag niya. "Sabi mo'y gusto mo nang mag-asawa. Naisip ko lang, dahil parang hindi ka pa makapanligaw, hindi kaya ako pa ang gawin mong tulay?"
"I won't do that," mabilis na sabi nito. "Hindi ko ugaling gumamit ng ibang tao, Imee. Medyo naghahanap lang ako ng tamang tiyempo."
"Okay," patianod naman niya. "So, ie-enjoy ko na lang ang mga treat mo sa akin." At ngumisi siya. "Yeah, tama nga na samantalahin ko ang pagkakataon. Baka kapag may girlfriend ka na at nagkataon pang ubod ng selosa, baka pati ako ay pagselosan. Sabihin mo sa kanya, there's nothing between us but friendship. Ipaliwanag mo sa kanyang partner tayo sa trabaho."
"Ano ba ang cravings mo ngayon?" sa halip ay sabi nito. "Nag-Italian na tayo kagabi. Gusto mo, Chinese naman ngayon o baka naman native?"
"May Cabalen na malapit dito, di ba? Di doon na lang tayo. Okay doon, eat-all-you-can pa."
"Shoot!"


BUHOS NA buhos ang atensyon ni Imee sa pagse-surf ng Internet nang maging bisita niya si Janus. Nagulat siya sapagkat araw iyon ng Linggo. Araw ng pahinga niya at sa pagkakaalam niya ay araw naman ni Janus para sa pamilya nito.
"Naligaw ka?" bati niya rito nang pagbuksan niya ito ng pinto.
"Kanselado ang lunch date namin kina Mama, eh. Mag-aanak kasi si Papa sa kasal at siyempre, kasama si Mama. Si Kuya, merong nire-review na kaso kaya wala na ring balak na tumuloy pa. Si Ate, tinamad na rin. Nakakainip namang mag-isa lang ako sa bahay. Hindi ba ako makakaabala dito?"
"Kung hindi mo ako guguluhin sa pag-i-internet ko, hindi ka makakaabala," pabirong sabi niya. "Upo ka. At home ka na naman dito, eh." Sinulyapan niya ang orasan. "Mayamaya pa naman ang lunch. Okay lang ba kung ituloy ko muna iyong nire-research ko?"
"Go ahead."
Naupo siyang muli sa harap ng computer. Naghahanap siya ng bagong idea sa gagawing wedding cake para kay Samantha. Nag-usap na sila ni Sam sa disenyong gusto nito pero binibigyan din siya ng kaibigan na i-modify ang napag-usapan nila basta sa ikagaganda ng cake.
"Ano ba iyan?" tanong sa kanya ni Janus na nasa likuran na pala niya.
"Wedding cakes. Tumitingin ako ng bagong designs."
"May dala akong magazine, baka gusto mo?"
"Magazine? Baka FHM iyan?" ngisi niya.
"Magazine ng mga cake. Inorder ko nga sa internet dahil naisip kita. Sandali at kukunin ko sa kotse."
Lumabas ito at mayamaya lang ay bumalik na uli. Nagulat pa siya nang makitang hindi lang dalawa o tatlong magazine iyon. At pawang mamahalin.
"Gumastos ka para sa mga ito?" aniya nang iabot iyon sa kanya.
"Bakit naman hindi? Para sa iyo naman ang mga iyan."
"Pababayaran mo sa akin?"
"Of course not. Bigay ko iyan sa iyo."
"Malayo pa naman ang birthday ko," sabi niya habang binubuklat ang mga pahina.
"And so? Sa gusto kitang bigyan, eh."
"Thank you, Janus." Binalikan niya ang computer upang mag-disconnect sa internet. "Dito na lang muna ako sa bigay mong magazine titingin ng design. I'm sure, may makikita ako rito na magagamit ko. thank you uli."
Ngumiti lang ito.
"How about lunch, Janus? Ano ang gusto mong kainin?"
"Depende kung saang restaurant may bakanteng mesa. Aayain nga sana kitang kumain sa labas."
Umiling siya. "No, dito na lang tayo. It's about time na ako naman ang mag-treat sa iyo ng lunch kahit na nga ba lutong-bahay lang. You know, pambawi dito sa mga magazine na bigay mo."
"Ipagluluto mo ako?"
"Bakit naman hindi? Marunong din naman akong magluto. Eleven pa lang naman. Kung hindi kumplikado ang lulutuin ay makakakain din tayo nang nasa tamang oras." Nilapitan niya ang ref at tiningnan ang stock doon. "Meron ako ditong chicken at pork saka ilang gulay. Ano ang gusto mo?"
"Puwedeng chicken and pork adobo?"
Mabilis siyang tumango. "Oo naman. Mainam nga iyon at madaling lutuin. Maggigisa na rin ako ng gulay para balanse ang tanghalian natin."
"Sige. Tutulungan na kitang mag-prepare."
Hinayaan niyang kumilos din si Janus sa kusina. Habang tinitimplahan niya ang isasalang na adobo ay ang binata naman ang naghihiwa ng carrots at repolyo na igigisa niya. Chopsuey sana iyon ang kaso lang ay kapos na siya sa ibang rekado.
"Ano ang dessert natin?" tanong ni Janus habang hinihintay nilang kumulo ang suka ng adobo.
"Cake?"
"Hindi ka nauubusan ng cake dito?"
"Actually, wala akong cake ngayon. Pero kung gusto mo, magbe-bake ako."
Umiling ito. "Matatagalan pa bukod sa dagdag na pagod pa samantalang nagluto ka na ng pangtanghalian natin. Bumili na lang tayo sa labas. How about ice cream?"
"Sige, para maiba naman."
Lumabas si Janus upang bumili ng ice cream habang siya naman ay inihanda na ang mesa. Mayamaya ay nakarinig siya ng pagtunog ng doorbell. Napakunot siya ng noo. Alin sa dalawa, may nakalimutan si Janus o dili naman kaya ay nagbago ito ng isip.
Pero wala sa mga iyon ang tama. Nagulat siya nang makitang si Miguel ang naghihintay na pagbuksan niya.
"Hi, Imee!" maluwang ang ngiting bati nito sa kanya at agad na iniabot sa kanya ang isang pumpon ng bulaklak. Mapupulang rosas sa pagkakataong iyon. "For you."
"Thank you," wika niya. "Halika, pasok ka."
"Salamat," anito at sumunod sa kanya.
"Napasyal ka?" sabi niya dito nang makapasok na sila.
"May kasama ka ba dito?" sa halip ay wika nito at nakita niyang nakatingin ito sa mga pinggang nakahain sa mesa.
"Si Janus. Dumating siya kani-kanina lang pero lumabas sandali. May bibilhin lang. It's almost lunch. Dito ka na mag-lunch." Alam ni Imee, three is a crowd pero atas din ng kagandahang-asal na alukin niya ang lalaki na kumain.
"Hindi ba nakakahiya? Baka sabihin mo, dumayo ako dito para makikain," sabi nito.
"Of course not."
"Actually, aayain sana kitang kumain sa labas. Hindi ko naman inaasahan na may bisita ka palang iba."
"At saka mayroon nang nakahandang pagkain dito, bakit pa lalabas," sabi naman niya. "Maupo ka muna diyan. May nakasalang pa kasi ako sa kalan." At iniwan na niya ito.

*****

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Wedding Girls Series 17 - ImeeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon