WG IMEE - Part 8

192 8 0
                                    

"IKAW, ano ang pinagsasasabi mo riyan na mayroon tayong lakad?" sita ni Imee kay Janus nang makaalis na si Miguel.
"Meron naman talaga, ah?" sagot nito na parang nagdiriwang. "Hindi ba, babalikan mo pa ang kotse mo sa Lopez? Ihahatid kita doon, siyempre."
Nanlaki ang mga mata niya. "Hindi naman sobrang importante iyon."
"Hindi sobrang importante? Kung ma-carnap ang kotse mo, hindi sobrang importante sa iyo?"
"Napakapilosopo mo, Janus. Alam mong secured ang parking ng Lopez. Para ano at may nagrorondang security guard doon?"
"Sa galing ng diskarte ng mga carnappers, balewala sa kanila kung may sekyu sa paligid."
"Ganoon? Puwes, tara na at nang makuha ko na ang kotse ko doon."
Nang nasa sasakyan na sila ay pasipol-sipol pa si Janus habang nagmamaneho. Hindi siya nakatiis at binalingan ito.
"May lahi ba kayong baliw, Janus?"
"Wala, ah," mabilis na sagot nito.
"Eh, abnormal?"
Tinitigan siya nito. "Ano ba naman iyang mga tanong mo? Walang may diprensya sa lahi namin."
"Eh, bakit ganyan ka?"
"Ano ako?"
"Daig mo pa ang abnormal. Minsang masaya ka, minsang bigla ka na lang mag-iiba ng mood. Hindi ka naman dating ganyan, ah? May sakit ka ba?"
"Wala."
"Wala ka diyan," aniyang hindi naniniwala. "Feeling ko, amy problema ka. Hindi mo lang siguro masabi kaya ako ang napagbabalingan mo. Maghapon mo na akong sinusungitan kung hindi mo napapansin. Actually, kagabi pa."
Nilinga siya nito. "Pasensya ka na."
"Ganoon lang? Wala nang explanation?"
Tiningnan siya uli nito bago umiling. "I'm sorry, Imee."
"Sorry ka diyan," aniyang humaba ang nguso. "Pati dinner date ko, napurnanda tuloy. Imbes na may manlilibre sa akin ng dinner, wala na ngayon."
"At sasama ka nga sa mokong na iyon?" tumaas na naman ang boses nito.
"At bakit naman hindi? Ano ang masama doon lalo at sincere naman sa pag-iimbita sa akin?"
"Para namang atat na atat kang magkaroon ng date."
"Ang sakit mo namang magsalita. Hindi ako atat, 'no? Gusto ko lang maramdaman na may ka-date. Matagal na rin akong walang ka-date. Pero dahil sa iyo, napurnada pa iyon. Dapat, ilibre mo ako ngayon ng dinner."
Nang bumaling sa kanya si Janus, nakangiti na ito at tila nangingislap pa ang mga mata.
"With pleasure, Imee."
Napailing na lang siya. Naisip niya, kung papansinin niya ang mabilis na pagbabago ng mood ni Janus, malamang ay siya itong magkaroon ng diprensya sa isip.


HINDI rin naman lugi si Imee kahit na nga ba napurnada ang dinner date sana nila ni Miguel. Hindi lang sa isang pipitsuging restaurant siya dinala ni Janus bagkus ay sa isang bagong bukas na Italian restaurant sa Greenbelt.
At bukod sa masarap na pagkain ay nag-enjoy siya sa ambience at kay Janus mismo. Lihim siyang nagpapasalamat na "normal" na uli si Janus. Animated ang kilos nito at alam niyang wala na itong sumpong.
"Daig pa natin ang nag-food trip nito," sabi nito sa kanya habang inuubos nila ang isang plato ng pasta.
Maraming inorder si Janus. Bukod sa pasta ay mayroon pa silang potato fries at dalawang order ng pizza para matikman nila ang dalawang specialty pizza ng restaurant. Sa pizza pa lang ay busog na sila pero dahil masarap din ang pasta ay pinipilit nilang ubusin iyon.
"Kasalanan ko ba?" aniya. "Ikaw itong nag-order nang nag-order."
"Aba, ayoko namang isipin mong tinitipid kita. Gusto kong ipakita sa iyong kaya din kitang i-treat for dinner."
"Ganoon? Ibig mo bang sabihin, kung hindi ako inaya ni Miguel for dinner, hindi mo rin maiisipan na ayain ako?"
He grinned. "Hindi naman sa ganoon. Teka nga, Imee, baka nakakalimutan mo, kaninang umaga ay nilibre na kita ng almusal."
Iniarko niya ang kilay. "Anong libre? Opisina ang magbabayad ng kinain natin kanina, 'no?"
"At sa palagay mo ba'y ugali kong mag-reimburse ng expenses lalo at sa pagkain?"
"Then thanks! Dalawang beses mo na pala akong nilibre ngayong araw na ito."
"Welcome," sabi naman nito.
Ininom niya ang iced coffee na inorder niya. "Busog na akong talaga, Janus. Ikaw na ang umubos niyan."
Tumango ito. "Ano pa nga ba? Mabuti na lang at malaki ag bodega ko sa tiyan."
Pinanood niya ang binata habang unti-unti ay inuubos nito ang pasta. Malapit nang mag-alas diyes ng gabi pero sa lugar na iyon ay parang walang pakialam ang tao sa oras. Parang si Janus. Ni hindi ito nagmamadali sa pagkain.
"Anong oras natin babalikan ang kotse ko?" tanong niya dito.
"Later."
"Anong oras sa iyo iyong later?"
"Basta mamaya," sagot nito. "Nag-e-enjoy pa ako sa pagkain, eh. Bakit ba nagmamadali ka yata?"
"Hindi naman. Gusto ko lang makauwi na para makatulog na. Puyat ako last night dahil imbes na makakapagpahinga na sana ako pagkatapos ng kasal ay gumawa pa ako ng cake."
"Cake na order ni Mokong?" anito. "Di sana, tinanggihan mo para napahinga ka."
"Negosyo ko rin iyon. Sayang naman kung tatanggihan ko. I told you, potential client ko ang lahat ng makakatikim ng cake ko. Paano kung sa pamilya nila meron palang malapit nang ikasal at ako ang kontratahin sa paggawa ng wedding cake? Di may kita ako."
"Mas malaki ba ang kita diyan kaysa sa suweldo mo sa Lopez?"
"Hindi," prangkang sagot niya. "Pero magkaiba naman iyon. saka, kumikita rin ako sa pagbe-bake. Hindi ko naman maitatayo ang Imee Borlaza kung walang kita ang paggawa ng cake. Besides, napagbibigyan ng negosyo kong iyon ang hilig ko sa pagbe-bake. Dati, bake lang ako nang bake tapos ipinamimigay ko lang. At least ngayon, napagkakakitaan ko na."
"Kung halimbawang ikaw ang ikakasal, ikaw na rin ang gagawa ng wedding cake mo?"
"Bakit naman hindi? Puwede namang gawin ang cake bago ang araw ng kasal. Saka para ano pa't marunong akong mag-bake kung mismong wedding cake ko, sa iba ko ipapagawa?"
"Eh, halimbawa sa kasal ko, ikaw rin ang gagawa ng cake?"
"Oo naman, basta ba inorder mo, eh. Pero teka muna, mag-aasawa ka na ba?"
"Hindi pa. Pero lately, naiisip ko na ang tungkol doon. Gusto ko nang mag-asawa."
"Kungsabagay, tumatanda ka nang binata. Baka lolo ka na ng magiging anak mo kapag hindi ka pa nag-apura. Sino naman ang malas na babaeng natitipuhan mo?"
"Malas? Of course not. Napaghandaan ko na ang buhay-pagpapamilya, Imee. I can give a good future to my future wife and kids. Kahit mag-full time housewife ang mapapangasawa ko, wala siyang poprobemahin pagdating sa finances. And I'm also emotionally stable so I'm positive that' we'll have a wonderful life together."
"Ang galing naman," kaswal na komento niya. "Sa palagay mo, sasagutin ka naman kaya ng babaeng natitipuhan mo?"
Bumuntong-hininga ito. "That's a big question mark. Hindi pa ako makagawa ng hakbang."
"Aba kumilos ka na. Baka mamaya may makauna pa sa iyo," inosenteng sabi niya.
Tinitigan siya nito. "Alam mo, may punto ka," seryosong sabi nito. "Dapat na nga akong kumilos."
"Go, go, go! Janus!" pag-cheer niya dito.
Payak itong ngumiti. "Huwag sana akong atakehin ng katorpehan."
Napabungisngis siya. "Ikaw, matotorpe? Baka magugunaw na ang mundo bukas, Janus. Sa dami ng naging girlfriend mo, matotorpe ka pa ngayon?"
"This is different, Imee. Kahit tanungin mo ang ibang lalaki, kapag tinamaan nang totoo dito," kinabog pa nito ang sariling dibdib. "Sasabihin nila sa iyo na hirap silang dumiskarte."
Itinikwas niya ang sulok ng bibig. "Ows?"
"Totoo, Imee. I swear."
"I swear ka diyan," gagad niya dito. "Mabuti pa'y umuwi na tayo, Janus. Inaantok na kong talaga."
"Teka muna, may gusto lang akong itanong sa iyo, Imee."
"What?"
"Naranasan mo na bang ligawan ng isang taong hindi mo inaasahang manliligaw sa iyo?"
"Hindi pa," kaswal na sagot niya.

*****

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Wedding Girls Series 17 - ImeeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon