Kabanata 1

3.1K 62 7
                                        

Kabanata 1

SA madilim na langit na punong-puno ng mga kumikislap na bituin, at ang malaking perpektong bilog na buwan na ngayon ay pinagkakaguluhan ng mga tao. Dahil sa agaw pansin nitong kulay dugo.

Namamangha ang mga tao na kumukuha ng magandang larawan sa pulang buwan na bihira lamang mangyari. Animo'y isa itong artista at hindi nila palalampasin ang pagkakataong masilayan nila ang magandang anyo nito.

Ang ibang naglalakad sa kahabaan ng kalye, mga sasakyan sa kalsada, at mga taong nagawa pang lumabas sa mga building para masilayan ang buwan. Kanya-kanyang papuri, at pagkislap ng mga camera mula sa mga kumukuha ng litrato.

Sa kabilang banda, bumaba ang apat na babae sa magarang itim na sasakyan, sa tapat ng isang bookstore. Unang bumaba ang isang matangkad na babae, agaw pansin ang suot nitong black long dress na pinatungan ng white long sleeves, naka itim na sapatos at medyas, sa balikat nito nakasukbit ang itim na shoulder bag.

"Hoy! Isabelle, atat na atat?" Sigaw ng babaeng kakalabas lang sa driver seat nang dire-diretsong pumasok ang babaeng tinawag nyang Isabelle sa bookstore, hawak pa nito ang susi na cool na hinahagis sa ere at sasaluhin rin ng kamay.

Ang suot nito ay pangboyish, naka black cap, maluwag na puting tshirt na pinatungan ng sandong itim, itim na pantalon at puting sapatos.

Masamang napatingin sa kanya ang bunsong kapatid niyang babae dahil sa lakas ng boses nito na akala mo'y isang siga at laging tambay sa kanto. Nakasuot naman ito ng black turtleneck longsleeves, denim pants na may butas sa gitnang binti.

Nakahalukipkip na sumandal sya sa sasakyan habang bored na pinapanood ang isa pa nilang kapatid na nahumaling na rin sa pagkuha ng litrato sa pulang buwan. Naiiling sya sa suot nito dahil sa sobrang ikli ng palda, masyadong masilaw sa mata ang kaputian ng binti nito at tuhod, nakasuot pa ng itim na boots. Aakalain mong isa itong miyembro ng isang sikat na kpop group dahil sa porma nito.

"Pwede naman kayong sumunod kay Belle, hintayin ko na lang kayo rito," saad ng mukhang tomboy. Naupo ito sa harapan ng kotse dahilan para mapatingin ang ibang tao sa kanya, hindi akalain ng mga tao na magagawang upuan lang ng babae ang harapan ng magarang kotse nito.

Napairap sa kawalan ang babaeng nakasandal sa kotse, sa tuwing nasa paligid ang Ate Flory nya ay nahihiya siyang kasama ito, dahil kung kumilos at magsalita ay parang lalaki.

Kahit ayaw niyang sumunod kay Isabelle ay pumasok siya sa bookstore, kaysa naman ang maiwan kasama ang tibo niyang ate at matabil na kapatid.

"Cara, wait for me!" Rinig niyang sigaw nito, pero hindi na sya nag-abalang lingonin ito at hintayin dahil siguradong masisira ang kaniyang eardrums dahil sa ingay ng kaniyang Ate Clarity, na hindi nauubusan ng salita kada minuto.

Samantala, magiliw na sinamahan si Isabelle ng tagapamahala ng bookstore para maghanap ng mga bestselling na libro ngayong linggo. Kilala sya na nito dahil sa pagiging suki niya sa mga aklat.

"Kuya Patchot, wala pa rin po bang published book ng Loving the Superior Prince? Matagal ko na gustong basahin ang book 2 ng Saving the Antagonist Prince!"

Napangiti ang lalaking nagngangalang Patchot. Sa katunayan ay tapos na nitong basahin ang ikalawang serye ng sikat na kwento noong nakaraang taon. Masasabi niyang masyadong malikot at malawak ang imahinasyon ng may akda upang makabuo ng kwentong gano'n.

Tumigil sila sa hilira ng mga libro na bagong published, nagsimulang buklatin ni Isabelle ang pabalat at kilatisin ang bawat description ng mga ito, samantala nakangiti sa kaniyang tabi si Patchot na may hawak na tungkod bilang suporta nito sa paglalakad.

When Present Meets The Past | ✓Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon