IKA-DALAWAMPU'T PITO NA SIKRETULA

31 0 0
                                    


At dahil may apat tayong sangkap sa paggawa ng tula. Magpopokus muna tayo sa unang sangkap at ito ay ang “sukat.”

Ngayon, ano nga bang ibig sabihin ng sukat sa isang tula? Ano ang kahalagahan nito at bakit ito kailangan? Sa paanong paraan kaya natin malalaman ang sukat ng isang tula?

↪ ang sukat ay tumutukoy sa bilang ng pantig sa bawat salita ng bawat taludtod na bumubuo sa isang saknong.

↪ kapag sinabi nating pantig o syllables sa Ingles, ito ay tumutukoy sa galaw ng bibig, saltik ng dila na may kasabay na tunog. Ibig sabihin, sa bawat mga letra na binabasa natin, doon natin nabibilang kung ilang pantig ang mayroon sa isang salita.

Halimbawa:
makapangyarihan

↪ mabibilang natin ang pantig ng naibigay kong halimbawa ng salita sa pamamagitan ng pagbigkas.

ma/ka/pang/ya/ri/han

↪ ngayon, ilan ang pantig ng salitang ito? Anim, tama.

Mukhang madali lang, hindi ba? Hayaan ninyong magbigay pa ako ng panibagong halimbawa.

institusyon
= ins/ti/tus/yon [vs] ins/ti/tu/si/yon [vs] ins/ti/tu/syon

Pansinin nang maigi ang mga halimbawang salita. Ano ang iyong nakikita? Ilan sa palagay mo ang tamang sukat ng salitang iyan?

↪ minsan may mga pagkakataon na akala natin ay mabibilang ng isa ang isang letra lamang subalit ito ay mali.
↪ karaniwang nabibilang ang isang letra sa isang salita kung ito ay patinig o vowels sa Ingles. Ito ay iyong “a, e, i, o, u” depende sa katagang ginamit ng isang manunula(t).
Halimbawa:
“pangangailangan”
pa/nga/ngai/la/ngan [✖]
pa/nga/nga/i/la/ngan [✔]

↪ nagkakatalo rin sa pagsukat ng tula itong tamang pagbaybay ng mga salita o spelling sa Ingles. Kaya dapat alamin nang mabuti kung tama ba ang spelling mo, mapa-Ingles man o sa Filipino, sapagkat nakaaapekto ito sa sukat ng isang salita.

▶ kunwari, ang pagbaybay mo sa institusyon ay iyong nasa ikalawang halimbawa subalit ang iyong pagbigkas ay yaong nasa unang halimbawa. Mali pa rin ang magiging resulta nito sapagkat nagkakaroon ng kalituhan sa parehong may-akda at mambabasa. At isa pa, may mga salita na hindi mo maaaring ihiwalay nang basta-basta lang mas lalo na kung ito ay katinig.

↪ mayroon kasi tayong palatuntunan sa ating wikang pambansa na Filipino, na kung ano ang baybay ay siya ring salita. At kung sa paano ito isalita ng tao ay siya ring bilang nito.

Kaya bilang sagot sa naiwan kong tanong kanina, mayroon lamang apat na pantig ang salitang “institusyon” at nasa ikatlong halimbawa ang tamang pagbigkas nito.

☑ Mahalagang malaman natin ang tamang pagsukat ng tula upang tayo mismo bilang isang makata ay mahasa sa mga salita at katagang nagagamit natin.
☑ Dahil sa importanteng sangkap na ito ng isang tula, nalilimitahan at nagagawa ng mga manunula(t) na maging malikhin sa kani-kanilang mga tula.
☑ Dito rin lumalabas ang mga bokabularyong nakatago sa inyong isipan. At bilang isang makata na katulad mo, alam kong hindi lang pang-free verse poetry ang kaya mo. Naniniwala ako sa ’yo.

Sa ating panulaan ay mayroon tayong anim na uri ng sukat.
◻ 8 | wawaluhing pantig
◻ 12 | lalabin-dalawahing pantig
◻ 14 | lalabin-apating pantig
◻ 16 | lalabin-animing pantig
◻ 18 | lalabin-waluhing pantig
◻ 24 | dadalawampu’t apating pantig

▶ subalit sa ibang mga leksyon, hindi isinasama sa pangunahing uri ng sukat itong “wawaluhing pantig” na sukat ng tula. Madalas ay itong nasa 12 hanggang 24 lamang.

Pero huwag malilito, kasama pa rin naman ito sa uri ng sukat na maaari ninyong magamit sa inyong tula.

Sa uri ng sukat na 12 hanggang 24, mas kilala ang sukat na 12. Mapapansin mo iyon karamihan sa mga naisulat ng ilang batikang manunula sa ating panulaang Pilipino kagaya na lamang ng ating pambansang bayani na si Rizal.

Karamihan sa kaniyang mga tula ay nakasulat sa sukat na lalabin-dalawahing pantig (12).

At bilang halimbawa sa mga sukat na nabanggit ko, nagsaliksik ako ng ilang parte mula sa mga tula na maaari ninyong magamit bilang reference sa kung paano tayo makasusulat ng tula na may sukat.

◻ 8 - wawaluhing pantig.

Himig ng isang musika
Sa akin ay mahalaga
Sapagkat sa bawat letra
Ay ramdam ko ang ligaya.

-mula sa “Musika” ni Bb. Mancera, Angelyn.

◻ 12 - lalabin-dalawahing pantig.

Datapuwa’t muling sisikat ang araw,
Piit maliligtas ang inaping bayan,
Magbabalik man din at muling iiral
Ang ngalang Tagalog sa sandaigdigan.

-mula sa “Kundiman” ni Dr. Jose Rizal.

◻ 14 | lalabin-apating pantig.

Mata ng irog ko’y hindi maningning na langit,
Labi niya ay hindi kasing pula ng rosas.
Kung ang ulap ay puti, ang balat niya’y putik.

-mula sa salin ni Jose F. Lacaba ng “Soneto 130” ni William Shakespeare.

◻ 16 | lalabin-animing pantig.

Kung ako ma’y niyayapos siguro nga’y ’di pa tapos,
Kaya, tuloy sa pag-agos ang lapot ko’y tumatagos;
Kung malalim pa ang hiwa mga dukha’y mangangapa
Ang talas ko ay pang-taga, hindi dapat nasa lungga.

-mula sa “Sigaw ng Hukay” ni Danilo Diaz.

Ayon lamang po, nawa’y may natutuhan kayo sa aking mga nasabi rito. Hayaan ninyo at ipagpapatuloy pa natin ang pag-aaral sa mga elemento at sangkap ng isang mabisang tula.

-Admin Mβ.

SIKRETULA: Gabay na aklat para sa mga makataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon