Ang pagmulat ng aking mga mata ay ang pagsalubong sa akin ng nakakasilaw na liwanag. Parang kailan lang ,tuwing ako'y gumising ay may sasalubong agad sa akin. Napangiti ako ng kunti at tinupi na ang higaan ko. Papunta na ako sa banyo ng may narinig ako na kaluskos sa baba. Araw-araw iyan ang aking naririnig. Pumunta muna ako sa baba para tignan iyon.
"Isa..." Binilang ko ang paghakbang ko .Natawa ako dahil naging hobby ko na ito.
"Dalawa..." Ikalawang hakbang.
"Tatlo.." Ikatlong hakbang.
"Apat...." Ikaapat na hakbang.
"Lim-" Kumunot ang aking noo sa sumalubong sa akin.
"Nak! Buti na man at ika'y gising na!" Ang bakas ng saya sa kaniyang mukha ang lalong nagpakunot sa aking noo. Umupo ako sa upuan na malapit sa akin.
"Anong gusto mong inumin? Milo ba o gatas?"
"Bakit hindi ka pa naghilamos?"
"Ma....."
"Anak anong oras na kumain kana!"
"Ma...."
"Teka ang baon mo ihahanda ko lang!"
"Ma...."
"Nak, anong gusto mong ulam? Pasensiya na hindi kita gi-"
"Ma naman eh!" Padabog akong tumayo atsaka tinignan siya. Tumulo na naman ang mga luha ko. Pa ulit-ulit nalang.
"Bakit nak? May nagawa ba si mama?"
"Ma lagi nalang ba ganito?"
"Ang ano nak? Sabihin mo ano ang problema?" Ngumiti siya sa akin. Mas lalo tuloy akong umiyak.
"Ma puwede bang manahimik kana? Pagod na pagod na ako ma..araw-araw lagi nalang ganito.."
"Anak....."
"Ma ,manahimik kana. Ilang taon na ang lumipas pero ganito ka parin. Ma ,w-wala kana diba? P-patay kana ma.." Umiyak ako ng umiyak ,pinikit ko ng mariin ang mata ko. Pagdilat ko ay hindi ko na siya nakita.