K'wentista-Unang Mangangatok

43 7 0
                                    


Naulinigan ni Jesie ang patak ng likido na bumabagsak sa isang metal na bagay. Unti-unti niyang minulat ang kanyang mga mata upang tuntunin ang may sanhi ng kakatwang tunog na iyon. Sa kasamaang palad ay kadiliman lamang ang bumati sa kanya. Ramdam niya ang bagay na tumatakip sa kanyang mga mata.Susubukan niya sanang tanggalin ang piring ngunit pinigilan siya ng malalamig na bakal na nakapulseras sa kanyang kamay. Maging ang pagtayo ay sadyang imposible sa mga lubid na nakabaibid sa kanyang beywang.

Sandali pa ay narinig niya ang ingit ng mabigat na bakal na sumasayad sa malamig na semento. Huminto ang tunog sa tapat niya na kasabay ang mga yabag ng isang tao na papalapit sa kanya.

"Ikaw ang unang nagising. H'wag kang mainip, magsisimula na tayo ng isang interesanteng laro," yaon na yata ang pinakamalamig na boses na narinig ni Jesie sa buong buhay niya. Boses iyon ng isang lalake, mababa at may kakatwang punto. Malaya naman siyang makapagsalita dahil walang sapal ang kanyang bibig ngunit may sumisigaw sa kailaliman niya na hindi normal na tao ang kasama niya. Sa tingin niya ay malalagay sa panganib ang buhay niya sa isang maling salita lamang.

"Nasaan ako? Sino ka? Anong kailangan mo?" malalim ang kanyang hinga habang sunud-sunod ang pagbigkas niya sa mga binibitiwan niyang salita.

Sa halip na sumagot ang kausap niya ay isang matunog na halakhak ang isinukli nito na lalong nagpatayo ng balahibo niya. Matagal bago unti-unting humina hanggang sa nawala ang tawa nito.

"Ano bang huli mong natatandaan?" habang nagsasalita ito ay pansin ni Jesie na paiba-iba ang direksyon na pinangagalingan ng tinig. Tila ba umiikot ito sa kinauupuan niya.

Sinubukang isipin ni Jessie ang mga huling bagay na naaalala niya bago siya nauwi sa ganitong sitwasyon. Ang tanging natandaan niya ay ang oras na papauwi siya galing sa kanyang trabaho. Pumara siya ng taksi at nakaidlip sa b'yahe nang dahil sa kapaguran. Matapos iyon ay wala na siyang matandaan.

"Ikaw ba ang driver ng taksi? Anong kailangan mo?"

"Ang kailangan ko lang naman ay may makinig sa k'wento ko. Kapag natapos ang k'wento ko ay kailangan mong sagutin ang itatanong ko sa iyo. Depende sa sagot mo, p'wede kang masagip at p'wede ka ring mapasama. Madali lang ang tanong, hindi mo kailangang maging isang pantas para maghanap ng isasagot."

Malinaw ang pagkakasabi ng lalaki ngunit lalo lamang naguluhan si Jessie. Hindi niya maunawaan kung bakit kailangan pa siyang sumapit sa ganitong sitwasyon gayung kailangan lang naman niyang makinig sa k'wento nito.

"Bakit kailangan mo pa akong itali at piringan kung makikinig lang pala ako sa k'wento mo?"

"Makikinig at sasagot sa tanong. Hindi ka ba nakakaintindi? Tenga lamang at bibig ang gagamitin mo, bakit kailangan mo pang makagalaw at makakita? Buti nga ay hindi ko nilagyan ng sipit ang ilong mo kahit hindi mo kailangang umamoy," muling tumawa ang lalaki. Bawat halakhak nito ay humahalukay sa kalooblooban niya.

"Hindi ba p'wedeng makita ko ang k'wentista?"

"Makikita mo ako sa dulo ng laro"

Anumang isipin ni Jesie ay tila hindi siya makahanap ng butas para kahit papano ay magkaroon siya ng pagkakataong makaalpas sa kanyang sitwasyon. Kung tatanggalin lang sana ang piring sa mata niya ay makikita niya ang paligid at maari siya makahanap ng pagkakataon na tumakas.

"Simulan na natin?

"Sandali lang. Paano kung mali ang maisagot ko, ang sabi mo lang ay mapasama, anong klaseng parusa ang matatangap ko? Papatayin mo ba ako?" may senyales ng pagkabahala sa mga tinig ni Jessie.

"Papatayin? Hindi kita p'wedeng patayin. Isang simpleng panghuhusga lamang depende sa sagot mo"

"Hindi mo ako papatayin?"

TwistedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon