Namumutawi ang boses ng kanilang maestro sa apat na sulok ng kwarto. Tinalo pa nito ang ugong na nililikha ng air conditioner na dumagdag pa sa nakakapagpaantok kay Rusty. Sinilip niya ang kaniyang cellphone para tingnan ang oras-3:20. Napahawak siya sa kanyang pisngi ng madiin na may kasamang panggigigil.
"Ten minutes pa," mahina ngunit may gigil niyang pagkakasabi. Animo'y hirap na hirap na niyang tiisin ang pakikinig sa tinuturo ng kanyang guro na hindi niya naman maintindihan.
Sa 'di kalayuan ay napansin niyang nakatingin sa kanya ang kanyang dalawang barkada at nagbubulungan. Nang makita niya ang mga ito ay biglang nagtawanan ang dalawa. Nilukot niya ang papel na nasa harapan niya at pasimpleng binato ang dalawa habang nakatalikod pa ang kanilang maestro.
"Mr. Carbonel? What seems to be the problem?"
"Po?" patay-malisyang tanong ni Rusty. Nakakunot pa ang kanyang noo na parang hindi alam kung ano ang tinutukoy ng guro ngunit sa kaloob-lobban niya ay alam niya ito.
"Do not play dumb with me. Just because nakatalikod ako ay hindi ko na alam ang ginagawa niyo."
"But Ms. Dantes, tinatawanan nila ako," depensa nito. Naisip niyang idamay ang dalawang kaibigan nang makita niya itong nagtatawanan pa rin.
Habang kinakastigo silang tatlong magkakaibigan ay narinig nila ang pagtunog ng bell, senyales na tapos na ang klase at oras na nang uwian. Nakahinga silang tatlo nang maluwag dahil alam nilang malaya na sila sa malakas na tinig ng kanilang guro. Akmang kukuhanin nila ang kanilang gamit at sasabay sa labasan ng kanilang mga kaklase nang pigilan sila ni Ms. Dantes.
"Not you three!" pigil nito sa tatlo
Nagkatinginan ang tatlong magkakaibigan at natigilan. Wala silang nagawa kundi ang pagmasdan ang kwarto na unti-unting numinipis ang tao sa loob habang isa-isang naglalabas ang kanilang mga kaklase.
"Lilinisin ninyong tatlo ang kwarto. Kapag tapos na kayo,saka pa lamang kayo makakaalis."
"But Ma'am, may janitor naman ang school."
"Isang angal pa, Mr. Carbonel at pati ang kabilang kwarto ay lilinisin mo."
Walang nagawa ang tatlo kundi ang itikom ang kanilang bibig at sundin ang kanilang maestro. Paglabas ng kwarto ng kanilang guro ay dinampot nila sa tukador ang walis. Inayos naman ni Rusty ang mga magulong upuan.
"Kayo kasi," sisi niya sa dalawang barkada niya. Kung hindi sana siya pinagkatuwaan ng dalawa ay nasa labas na siya at malaya na sa paaralang ito.
"Anong kami? Eh ikaw ang na-unang bumato?" sabay tawa ng dalawa na para bang tinutuya pa ang naiinis na kaibigan.
Mayamaya pa habang naglilinis sila ay sumilip ang tatlo pa nilang barkada na galing sa ibang seksyon. Isa-isang pumasok ito sa loob ng kwarto na ikinagalit naman ng nasa loob.
"Pumasok kayo ang dumi-dumi ng sapatos niyo. Papahirapan niyo na naman kaming maglinis niyan eh", reklamo ni Rusty sa mga kaibigan.
"Tutulong nga kami para maka-uwi na kayo. Ayaw niyo yata eh"
Kumuha ang isa sa kanila ng walis tambo, ang isa naman ay kinuha ang pamunas para punasan ang mesa at pisara, meron namang tinulungan si Rusty na mag-ayos ng upuan. Nangiti si Rusty nang makita ang kanyang mga barkada na tumutulong sa kanila. Natuwa siya na kahit kailan ay hindi siya iniwan ng mga ito kahit sa anumang pagsubok maliit man o malaki.
Habang tahimik niyang pinagmamasdan ang mga ito ay hindi maiwasang magsalita ng isa sa kanila.
"Rus, tuloy na ba ang alis ng pamilya niyo?" ang makukulit na mga tinig ng barkada niya ay biglang tinangay ng hangin. Natahimik silang lahat na para bang hinihintay ang sagot ni Rusty.
![](https://img.wattpad.com/cover/56939670-288-k580503.jpg)
BINABASA MO ANG
Twisted
HororA non-linear narrative. Mga kwentong mag-iiwan ng tanong sa inyong isipan. May kanya-kanyang istorya ngunit konektado sa bawat isa. A child who has been maltreated and killed by his own father is yearning for love and affection. His vengeful soul w...