Mahigpit at madiin ang pagkakalagay ng mga kamay ni Joey sa kanyang dalawang tenga na para bang ayaw niyang may marinig na bagay. Dahan-dahan ang kanyang paglalakad sa isang malawak na daan na animoy malaki ang nakasalalay kapag nagkamali siya ng tapak. Kahit malayo ang ibang mga tao ay sandali siyang titigil kapag may kasalungat na dumadaan sa parehas na kalsada. Hindi tuloy maiwasan ng iba na pagtinginan siya. Nangingilid ang luha niya habang inaalala niya ang mga nakalipas na sandali.Kanina lamang ay nasa kanilang bahay siya. Tahimik at maaliwalas ang umaga. Sinusulatan niya ang kaniyang aplikasyon para sa isang Unibersidad na ang espesyalidad ay sa paggawa ng pelikula. Alam niyang hindi gaanong sikat ang unibersidad na iyon pero sadyang pangarap niya talaga ang makagawa ng isang obra na tatagal sa panahon. Maingat niyang sinulata ang bawat kahon, ayaw niyang magkamali at baka maisip pa ng makakabasa doon ay pabara-bara siya sa kanyang ginagawa. Gusto niyang maging perperkto ang lahat at matanggap sa unibersidad na iyon.
Maya-maya ay hindi niya napansin na nasa likuran niya lamang pala ang kanyang Ina. Sapilitan nitong kinuha ang papel na sinusulatan ni Joey. Wala pang isang segundo sa kamay nito ang papel ay nagpakawala na iito ng isang matining na boses.
"Ano ito? Bakit ka dito nag-aaplay? Hindi ba may usapan na tayo ng Papa mo?"
"Ma, ayokong maging architect. Sinabi ko na iyan sa inyo noon pa," pagpupumilit na sabi ni Joey.
"Pero hindi ito ang napag-usapan natin. Kinuha na kita ng application form doon sa school na gusto ng Papa mo."
"Napag-usapan natin? Kahit kailan, hindi niyo tinanong kung anong gusto ko. Ang palagi niyo lang nagiging desisyon ay ang napagkakasunduan ninyo ni Papa. Malaki na ako, gusto kong magdesisyon sa sarili kong buhay. Hindi pa ba sapat ang sarili niyong buhay at kailanga niyo pang kontrolin ang buhay ko?" galit na sabi ni Joey.
Sa haba ng panahon ay ngayon niya lang nasambit iyon ng buong-buo sa kanyang ina. Pulang –pula ang kanyang mukha at hinahabol niya ang kanyang hininga. Napansin niya rin ang mahigpit na pagkakuyumos ng kanyang mga kamay na halos bumaon na ang kanyang mga kuko sa kanyang mga palad.
"Sinasagot-sagot mo na ako ngayon. Natututo mo nang bastusin ang sarili mong ina." Hindi nagpatigil ang kanyang ina. Para itong umarteng bingi sa lahat ng kanyang sinabi. Sa sobrang galit nito ay nilukot ang application form nito para sa isang Film Univesity.
Nanlamig ang buong katawan ni Joey nang makita niyang nalukot ang papel na tutupad sa kanyang pangarap. Ramdam niya na parang lumutang ang katawan at nakatapak sa hangin ang kanyang mga paa. Lalong lumalim ang kanyang paghinga. Naramdaman niya ang pagsisikip ng kanyang dibdib at nanginig ang kanyang kalamnan.
"Hindi ako mabubuhay sa paraang gusto ko kapag naririto ako sa bahay na ito. Hinding-hindi niyo hahayaan na hawakan ko ang sarili kong buhay."
Iyon lamang ang huling salita na binitawan ni Joey sa kanyang ina. Kumaripas siya palabas ng bahay. Naririnig niya pa ang sigaw ng kanyang ian at pinapabalik siya ngunit hindi na siya lumingon. Kahit ito man lang ay magawa niya para sa sarili niya.
Tumakbo lamang siya ng tumakbo kahit hindi niya alam nag kanyang paroroonan. Ang alam niya ay kailangan niyang makalayo sa lugar na sumisira ng kanyang mga pangarap. Kapag nagtagal pa siya ng kahit isang minuto sa kanilang bahay ay hindi niya alam ang kaya niyang gawin. Kahit papaano ay ginagalang niya ang kanyang Ina, hindi nga lang siya nito maintindihan.
Makalipas ang halos sampung minuto na walang tigil sa pagtakbo ay inabot siya ng hapo. Unti-unting bumagal ang kanyang paglalakad hanggang sa naglalakad na lamang siya. Napahinto siya sa isang bahay kung saan may isang trak na nakahinto at naglalaman ng napakaraming gamit sa bahay. Mukhang lilipat ng bahay ang mga taong nakatira sa bahay na iyon.
"Chelsea, bilisan mo. Kailangan na tayong makaalis dito."
Iyon lamang ang narinig niya sa babae at saka nagmamadali itong sumakay sa nakaparadang traysikel na nasa likod ng trak. Sumunod sa kanya ang isang batang babae na namumugto ang mga mata.
"Bad ka, Mama," wika ng bata.
Hinatak ng Ina ang bata at sapilitang pinapasok sa loob ng traysikel. Walang nagawa ang bata kungdi ang sumunod na lamang sa ina. Matapos iyon ay pinatakbo na ng drayber ang traysikel at naiwan si Joey sa tapat ng bahay. Hindi niya naiwasang madismaya sa nakita niyang pwersahang paghatak ng Ina sa bata.
"Ang iba talaga. Tuwang-tuwa na lamang na pinapasunod ka. Wala ka na lang magagawa," mahina niyang wika
Aalis na sana si Joey sa lugar na iyon nang mapako ang tingin niya sa inalisang bahay ng mag-inang iyon. Hindi niya alam kung anong meron sa bahay na parang iniimbitahan siyang pumasok. Para bang may magnet ito na unti-unting hinihila ang kanyang kamalayan.
"Gusto mo bang maglaro ng taguan?"
Halos mapatalon ang puso ni Joey nang narinig na magsalita ang isang tao. Lumingon siya at nakita ang isang lalaki na nasa 20-25 taong gulang. Mapusyaw ang balat nito at ang itim sa paligid ng mata nito ay pansin mo na parang hindi ito gaanong nakatulog.
"Tinitingnan ko lang ho yung bahay. Nakita ko kasi kanina 'yung mag-ina na parang nagmamadaling umalis kanina."
"Oo nga," sambit ng lalaki.
Mayamaya pa ay tila hindi niya na napansin ang lalaki. Kanina lamang ay naroon ito ngunit bigla na lang siyang nawala. Matagal pa rin niyang pinagmasdan ang bahay. Ramdam niya ang pagiging kakaiba nito. Nakapako lamang ang tingin niya dito na parang may isang magandang panoorin sa harap niya. Hindi pa mawawala ang tingin niya kung hindi tinamaan ng sikat ng araw ang kanyang mata.
Aalis na sana siya nang paglingon niya ay nakita niyang muli ang lalaki.
"Nakita mo ako," masayang pagbati nito kay Joey. "May kwento tungkol dito. Sabi nila kapag humiling ka ay biglang matutupad. Ikaw ano ang hiling mo?"
Natawa si Joey sa tinuran ng ginoo. Pero nakita niya ang seryosong mukha nito at unti-unting nawala ang ngiti niya sa mga labi. Tumingin siyang muli sa bahay at mahina niyang sinabi,
"Gusto kong hawakan ang sarili kong buhay."
Mahina lamang iyon ngunit narinig iyon ng lalaki. Nilapitan siya ng lalaki at hinawakan nito ang dalawa niyang kamay. Binuka ng lalaki ang mga palad ni Joey at inilapat iyon sa bandang tainga ni Joey sabay bumulong ang lalaki. Kung anuman ang binulong ng lalaki ay nagpatigalgal kay Joey.
Narito nga si Joey at dahan-dahan ang paglalakad pauwi ng bahay nila. Hindi na nito napigilan ang pag-agos ng mga luha nito matapos alalahanin ang nangyari. Ilang hakbang pa ay narating na niya ang harap ng bahay niya.
"Ma!" sigaw niya. Hindi pa rin niya matanggal tanggal ang mahigpit at madiin na pagkakalapat ng kanyang mga kamay sa kanyang tenga para man lamang kumatok sa pintuan.
Nakailang tawag pa siya bago buksan ng kanyang Ina angkanilang pintuan. Nakita ng kanyang Ina ang kalunos-lunos an itsura ng kanyang anak na iyak nang iyak.
"E di naintindihan mo rin ang gusot kong sabihin? Para sa kabutihan mo rin naman ang gusto naming ipagawa sa iyo ng Papa mo." Pangaral nito sa anak.
"Ma! Tama na iyan," garalgal na ang boses ni Joey nang dahil sa pag-iyak. "tulungan mo ako."
"Tulungan? Saan?" nairita yata ang kanyang ina sa pagkakahawak nito sa kanyang ulo at inutusan siyang alisin ito. "Alisin mo nga yang mga kamay mo d'yan sa ulo mo, para kang sira-ulo."
"Hindi p'wede ma. Hawak ko sa kamay ko ang buhay ko ngayon."
"Ano bang kalokohan iyan?"
Sapilitang hinatak ng kanyang Ina ang kanyang mga kamay na nakahawak sa kanyang ulo. Huli na nang malaman ng kanyang ina ang nais niyang ipakahulugan sa sinabi. Ang huling imahe na nakita ni Joey ay ang imahe ng kanyang ina na punong-puno ng hilakbot habang nakatingin sa ulo niyang gumulong na sa sahig.

BINABASA MO ANG
Twisted
TerrorA non-linear narrative. Mga kwentong mag-iiwan ng tanong sa inyong isipan. May kanya-kanyang istorya ngunit konektado sa bawat isa. A child who has been maltreated and killed by his own father is yearning for love and affection. His vengeful soul w...