Ikalawang Mangangatok

41 7 1
                                    

Painut-inot ang ginawang paggalaw ni Ramil matapos maalimpungatan sa mahaba niyang pagtulog. Nais niya sanang imulat ang kanyang mga mata ngunit may malapad na tela na nakapiring dito. Ang kanyang katawan naman na nakahiga sa malamig na kama na yari sa bakal ay nakatali gamit ang isang makapal na bagay. Para bang isa siyang karne ng baka na nakalagay sa katayang mesa. Sa 'di kalayuan ay naririnig niya ang pagpatak ng likodo sa isang metal na bagay na para bang isang gripong may tagas.

"Ikaw ang pangalawang nagising," ikinagulat ni Ramil ang mababang tinig nang nagsalita na animoy hinukay sa ilalim ng lupa. Para bang nakapaloob iyon sa isang nakakulong na bagay na buong-buo at umaalingawngaw. Pinaling-paling niya ang kanyang ulo, umaasa na matutuntun niya ang lugar na pinanggalingan ng boses.

"Pangalawang nagising? Sandali, nasaan ako?" puno ng katanungan ang isipan ni Ramil. Sinubukan niyang alalahanin ang nangyari kanina. Tanging alam niya lamang ay nagmamaneho siya ng taksi. Matapos noon ay may isang matalim na ilaw ang tumama sa mata niya.

"Bakit ba pareparehas kayo ng tanong?" malalim na buntong hininga ang narinig ni Ramil sa lalaking nasa harap niya.

"Bakit ako nandito? Anong gagawin mo sa akin?" wari'y walang narinig si Ramil sa tinuran ng kasama. Nagpumiglas siya at sinubukan makawala ngunit kahit na anong pilit niya na makaalis sa pagkakagapos ay walang nangyayari. Hingal-kabayo lamang ang naging sukli ng kanyang ginawa. Sa huli ay pinasya niyang kumalma at kausapin ang lalaki sa k'warto.

"Boss, pakawalan niyo na ako. Mahirap lang ako. Taksi drayber sa gabi at tindero ng mga produktong galing China sa umaga. Maawa kayo sa akin," abot langit ang pagmamakaawang ginawa ni Ramil sa kausap. Paulit-ulit na para kang nakikinig sa isang piniratang cd na depektibo.Sa kasawiang palad ay wala itong sinagot sa kanya. Ilang sandali pa at unti-unting humina ang boses niya.

"Tapos ka na bang mag-inarte? Nandito ka para makinig sa k'wento ko. Kapag natapos ang k'wento ay magtatanong ako. Depende sa sagot mo ay maaari kang makaalis dito."

"Makikinig lang at sasagot?"

"Ayan, mas matino ka sa nauna. Alam mo na makikinig lang at sasagot. Wala kang ibang gagawin."

"Hindi mo ako papatayin?"

"Ano bang akala niyo sa akin?"

"Bakit ba kasi ako nakatali at nakapiring?"

"Dahil makikinig ka lamang at sasagot. Kapag nakagalaw ka o nakakita ka ay baka may detalye kang makalimutan sa k'wento ko. Ayokong, mabaling ang isipan mo sa mga bagay na hindi naman importante, "

"Anong mangyayari kapag mali ang sagot ko?"

"Ang mali at tama ay huhusgahan base sa iyong konsensya. Magsimula na tayo at baka magising na ang isa niyo pang kasama.

"Isa pang kasama? Sandali, ang kasama ko lang kanina bago ako napunta dito ay ang pasahero sa likuran ko.

"Nauna na siyang umalis"

"Talaga? Makakaalis din ako kapag nasagot ko ang tanong"

Hindi na sinagot pa ng boses ang tanong ni Ramil. Bukod sa paulit-ulit kasi ang tanong niya ay wala namang kinalaman sa mangyayari ang tinatanong niya. Ilang hinga pa ang lumipas at nagsimula nang magk'wento ang lalaki.

"Ang k'wentong ito ay tungkol sa dalawang ama. Ang unang ama ay mayroong anak na may malubhang sakit. Isang araw ay nagdesisyon silang mag-asawa na mag-enroll sa isang life insurance. Matatawa ka kapag nalaman mo na silang dalawa ay umupa ng bayarang mamamatay tao para patayin ang bawat isa upang makuha nila ang pera ng agency. 'Yun nga lang, naunahan si babae ni lalake, kaya si lalake ang makakakubra ng pera ng insurance," muli ay tumahimik ang kwentista na para bang may taimtim na pinagmamasdan.

TwistedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon