Dinig na dinig ni Teressa ang halo-halong tawanan, sigaw at iyak sa paligid pero wala siyang pakialam. Sa matagal niyang pananatili sa lugar na ito ay nasanay na siya sa bawat tao dito na may kani-kaniyang mundo. Ganoon rin naman siya, bilanggo ng nakaraang imahe, kulungan ang imahinasyon kung saan masayang nabubuhay sila ng asawa at ng anak. Para sa kanya mas masarap ang mabuhay sa ginawa niyang kasinungalingan sa isipan kaysa sa harapin ang pait ng katotohanan. Nakumbinsi niya na ang sarili na mabuhay sa pantasya habang sari-saring nagsasalita ang mga boses na hindi mawari kung saan nanggaling pero kailangan niya silang kausapin.
Mayamaya pa habang natatawa si Teressa dahil sa pangungulit ng kanyang anak sa mundong ginawa niya ay may narinig siyang lalaki sa harapan. Ayaw sana siyang pansinin ni Teressa dahil mawawala na naman ang kanyang anak sa harapan kapag kinausap ang lalaking ito.
"Nanay, papasok na po tayo sa loob. Pahinga na po tayo sa kwarto niyo", wika ng isang lalaking puting puti ang suot na matatakot kang maputikan.
Hindi niya ito pinansin at impit siyang tumawa habang nakatingin si Teressa sa anak na gawa ng isipan. Hinahampas niya pa ang hangin sa sobrang pagkatuwa mo. Masaya at kasama niyang muli ang anak.
"Nay. Tama na ho. Papasok na po tayo," mas malakas na wika nito.
Sa puntong iyon ay hindi na siya makapagtimpi dahil sa bawat salita niya ay unti-unting naglalaho ang bata sa kanyang paningin.
"Sandali nga kasi, kausap ko pa ang anak ko," paliwanag nito sa kanya
"Papasok na po tayo, Nay."
Wala nang nagawa si Teressa nang tawagin nito ang dalawang lalaki na nasa may 'di kalayuan. Sapilitan siya nitong pinatayo at pilit na pinalakad papalayo sa anak na kinakausap niya. Matapos siyang maipasok ng mga ito sa kanyang kwarto kasama ang iba pang tao doon na ilang taon mo nang kasama ay umalis na ang tatlo.
Naka'pwesto siya sa may bintana at tanaw ang lugar na kaninang pinag-uupuan. Wala na doon ang anak na kanina ay kausap niya pa. Sa labas ng gilid ng bintana na pinipwestuhan ng kama ay narinig niya ang tatlong lalaki na nag-uusap. Sila ang mga lalaking pwersahan siyang ipinasok sa loob ng kwartong ito. Hindi niya maiwasang maulinigan ang kanilang pag-uusap.
"Si Nanay, hanggang ngayon nagha-hallucinate pa rin tungkol sa anak niya. Ano ba kasi talagang nangyari d'yan?" wika ng isa sa mga nars. Kumuha siya sa kanyang bulsa ng stick sa pakete ng sigarilyo at inalok ang mga kasama na isa-isa ring kumuha.
"Matagal na dito 'yan. Wala nang sumusuportang mga kamag-anakan. Gobyerno na lang ang sumasagot ng pangangailangan niya. Dumating ako dito sa Mental, matagal na raw 'yan. Isipin mo, 10 years na ako dito. Ibig sabihin may 15 o 20 years na siyang nandito," paliwanag ng isa na halatang mas may edad kaysa sa dalawa.
"Ano ba kasing nangyari d'yan? Di ba ikaw ang naka-assign d'yan?" tanong nitong muli na nakakunot ang noo dahil hindi malinaw ang pagkakasagot nito sa una niyang tanong.
"May oras naman na maayos si Nanay. Kapag ganoon makakausap mo siyang matino. Sabi niya, pinatay niya ang anak niya."
Hindi na napigilan ni Teressa ang maluha matapos muling sumambulat sa kanyang mukha ang katotohanan na naganap matagal na panahon na ang nakaraan. Kahit anong ayaw nitong balikan ang panahon na iyon ay unti-unti muling nanariwa ang mga araw na kasama niya pa ang kanyang supling na anak. Maya-maya nga ay iginiya na siya ng kanyang isipan sa nakaraan.
"Naynay! Kain na po."
Kauuwi pa lamang ni Teressa galing sa pinag-ekstrahan ng labada. Maswerte siya at maasahan na ang anak na magsaing ng kanin kahit lilimang taong gulang pa lamang ito. Masaya naman ang kanilang pamumuhay. Madalas ginigipit ngunit nakakaraos din kahit papaano.
BINABASA MO ANG
Twisted
HororA non-linear narrative. Mga kwentong mag-iiwan ng tanong sa inyong isipan. May kanya-kanyang istorya ngunit konektado sa bawat isa. A child who has been maltreated and killed by his own father is yearning for love and affection. His vengeful soul w...