Ikalima-Bahay Puso

1.2K 49 9
                                    

Tumatayo ang balahibo ni Chen sa t'wing dadampi sa kanyang balat ang malamig na simoy ng hangin. Lalo pa siyang mangingilabot dahil kasabay nito ang paglagaslas ng mga dahon na animoy isang libong mga pakpak na pumapagaspas. Dahan-dahan siyang naglalakad habang tinatanglawan ng lente ang kanyang dinadaanan. Kay tagal na siguro ng panahon nang maabandona ang lugar na ito. Kahit na ang bawat sulok ng lugar na iyon ay puno ng walang kasiguraduhan, determinado ang binata na gawin ang kanyang pakay.

"Kailangan kong malaman", mahina niyang sabi sa sarili.

Mayamaya ay narating niya ang isang lumang istraktura. Puno ng tuyong dahon ang pasilyo at bagsak na ang pintuan. Bulok na ang kahoy na nagsilbing hamba nito at ang ibang parte ay kinain na ng bukbok at anay. Sa isang sulok ay mapapansin mo ang lumang karatulang kupas na ang kulay ng ibang letra. "Bahay Puso". Gaano na ba katagal mula nang huling maapakan ng isang tao ang lugar na ito.

Walang bahid ng paggalinlanagan si Chen. Kahit na nga ba sabihin mo na sa anuman goras ay maaaring bumagsak ang kahoy at matabunan siya ng lumang gusali. Aniya, mas malala ang maaaring mangyari kung wala dito ang kanyang pakay. Ilang araw na siyang nagsasaliksik at dito siya tinuro ng kanyang nalaman. 'Reginald Rosales'. Parehas na parehas ang kanilang pinagdaanan.

Ayon sa kakilala nito, isang araw ay nakatanggap siya ng tawag mula dito na nanghihingi ng saklolo dahil umano sa isang bata. Nabasa niya rin ang log sa police report nito pero ayon sa pagiimbestiga ng mga pulis, walang nakitang bata. Ilang beses na nangyari ang pagrereport nito sa pulisya hanggang sa inilagay na ito sa nuissance report.

"Dito ko makikita ang sagot ko."

Ilang araw na ring ginugulo si Chen ng isang batang natagpuan niya lamang sa may daan. Para bang may kakatwang bagay dito. Sinubukan niyang takasan ito ngunit palagi siya nitong nakikita. Noong una ay wala namang kakaiba rito, nagsimula lamang magbago ang lahat ng tinawag siya nitong 'Papa.' Mula noon, lahat ng malalapit sa kanya ay misteryoso na lamang nawawala.

Maingat na pumasok si Chen sa loob ng lumang bahay. Maliliit ang kanyang hakbang habang iniiwasan ng kanyang mga paa ang nakakalat na kahoy. Bahagya siyang nakayuko upang hindi siya tamaan ng mga nakalaylay na kahoy sa paligid.

Pagpasok niya sa loob ng lumang straktura ay pinaling-paling niya ang kanyang lente. Sa kaliwa ay isang pasilyo na may mga kwarto ngunit walang pintuan. Sa kanan naman ay mapapansin mong mas maliit ang pasilyo at tila isa o dalawang kwarto lamang ang nandoon.

Sinubukan niyang puntahan muna ang mga kwarto mula sa kanan. Papikit pikit na ang lente niya na hinahampas niya paminsan-minsan na parang pinipiga ang kahuli-hulihang enerhiya na nandoon. Ang unang kwartong hinintuan ni Chen ay nakakandado. Inikot-ikot niya ang seradura ng pintuan ngunit ayaw noong bumukas. Tinulak niya pa ng pwersahan iyon ngunit sadya talagang matibay ang pagkakakandado ng pintuan. Tinungo niya ang ikalawang kwarto. Sa pintuan ay may nakasabit na paskil ngunit puno na iyon ng alikabok. Pinunansan ni Chen ang paskil gamit ang kamay niya.

"PsyD. Reginald Rosales," mahina niya basa

Pinihit niya ang seradura at kahit na gumagawa iyon ng kakatwang ingay nang dahil sa kalumaan ay bumukas iyon. Nagngangalit ang mga bisagra na nilalamon na ng kalawang. Muli niyang tinanglawan ang loob ng kwarto. Nakakapagtaka na kahit abandonado na ang lugar ay naroon pa ring ang karamihan sa mga gamit. Nagkalat sa sahig ang ilang papel na kumupas na ang kulay. Puno ng agiw ang buong lugar pati ang mesa sa loob ay makapal na alikabok ang tumatakip. Sa ibabaw ng mesa ay naroon pa ang ilang mga papel at sa di kalayuan ay may folder na nagkalat.

"Ano bang nangyari dito?" tanong niya na kahit na sino ay magtataka na para bang nilisan na lamang bigla ang kwarto na iyon.

Hinatak niya ang drawer ng mesa at nagbakasakali na may laman iyon. Kinilabutan siya sa nakita niyang kumpol ng amag na nasa loob ng drawer. Para bang may naiwan sa loob noon na pinamahayan na ng amag. Agad niya rin iyong sinara dahil sa maasim na amoy na tumatama sa ilong ni Chen.

Sunod niyang nilapitan ang mga bakal na drawer. Hinatak niya ang nasa itaas noon at lumikha iyon ng napakalakas na ingay. Naroon sa loob na iyon ang folder na may iba't ibang pangalan. Katabi ng pangalan ay may edad ng bata. Isa-isa niyang binuksan ang mga folder at kapag wala siyang nakikitang kakaiba sa impormasyon tungkol sa bata ay itinatapon niya na iyon sa sahig. Hanggang sa mapako ang mata niya sa isang folder na kulay blue. Kinuha niya iyon at nakalimbag ang mga salitang "Special Case" sa harapan nito.

Dali-dali niya iyong binuklat at pinasadahan ang mga impormasyong nakasulat. Tinatalunan niya ang mga nakasulat kapag nabasa na niya ang mahahalagang salita.

Sebastian Orrero

6 yrs. old

Petsa na tinanggap sa Bahay Puso: June 8, 2001

Kaso: Trauma, natagpuang abandonado sa sariling bahay habang nawawala ang lahat ng miyembro ng pamilya...

June 9, 2001

Sinubukan kong kausapin ang bata ngunit wala itong reaksyon. Tinanong ko siya kung anong pangalan niya ngunit wala siyang sinasagot. Nakatulala ito at hindi tumitingin. Nagsisimula na kaming mag-alala sa kanya. Wala siyang kinakain magmula pa kahapon.

June 15, 2001

Walang pagbabago. Sinubukan naming aliwin siya at isama sa mga batang naglalaro sa labas ngunti wala pa rin siyang reaksyon. Hindi ko alam kung namamalikmata lamang ako nang makita ko siyang parang ngumiti nang tinawag ako ng isang bata na Tatay.

June 21, 2001

Magdamag kong inisip ang napansin kong pagngiti niya. Kanina habang pinipilit siyang kumain ng mga volunteer ay nilapitan ko siya at sinabihan ko siyang p'wede niya akong tawaging tatay. Napansin kong ngumiti siya at nabuhayan siya. hanggang narito siya sa bahay puso, hahayaan ko muna siyang tawagin akong Tatay, kung iyon ang magpapaligaya sa kanya.

June 30, 2001

Maganda ang pinapakita niyang pagbabago. 'Yun nga lang nagsisimula na siyang ma-attach ng husto sa akin. Kailangang may gawin akong hakbang. Nakakadistorbo na rin siya sa trabaho ko. Napapabayaan ko na ang ibang bata dito sa Bahay Puso.

July 7, 2001

Nagagalit siya sa t'wing lalapit ang ibang bata sa akin. Pati ang mga bata ay nagsisimula nang matakot sa kanya. Kanina lamang tanghalian ay nagwala siya nang may batang tumawag sa akin na Tatay. Wala daw ibang batang pwedeng tumawag sa Tatay niya. Napagalitan ko siya at hindi sinasadyang nasabi ko sa kanya na hindi ako ang kanyang tunay na tatay. Pinaliwanag ko sa kanya na tatay ako ng lahat ng bata sa Bahay Puso.

July 14, 2001

Kakaiba na ang kinikilos niya. Nagiging bayolente na siya. Hindi tulad dati na kaya ko siyang pigilan, ngayon ay kahit ako ay sinasaktan niya. Sinubukan naming ilipat siya sa ibang bahay ampunan ngunit hindi siya nagtagal ng isang araw at agad din siyang binalik kinagabihan.

July 25, 2001

Natatakot na rin pati ang ibang volunteer sa kanya. Nagdesisyon akong isama siya sa isang bakasyon sa may Batangas at baka mas gumanda ang pakiramdam niiya doon. Mas liliwanag ang isipan niya kapag malayo ang isipan niya sa mga nangyari sa kanya.

"July 25, 2001. Wala na ang kasunod. Kung tama ako, July 26 nang nagsimula siyang magreport sa pulisya. Anong nangyari?", pagtatakang tanong ni Chen "Kailangan kong malaman ngayon ito."

Ilang buklat niya pa sa mga papel sa loob ng folder ngunit puro blanko na iyon. Hanggang sa nakarating siya sa dulo ng folder na may nakaipit na papel. Binuksan ni Chen ito at naroon ang tila guhit ng isang bata. Naka drawing ang isang lalaki at babae na may lubid sa leeg na may nakasulat na "Lolo at Lola" pati na rin ang isang babae na walang ulo na may nakasulat na "Mama". Kasama rin sa guhit ang larawan ng isang bata na nakangiti sa isang sulok.

Nanghilakbot siya sa nakita niyang guhit. Tila nasisiyahan pa ang bata na pinanonood na walang ulo ang babae at nakabigti ang dalawang matanda. Napa-igtad si Chen nang biglang tumunog ang kanyang telepono. Agad niya iyong binunot sa kanyang bulsa at sinagot.

"Hello? Kim?", pambungad niya sa kapatid na tumatawag.

"Kuya, tulungan mo kami. Nandito na ang bata."

Nadinig pa ni Chen ang boses ng bata na kinakausap ang kapatid niyang si Kim.

"Si Papa ba 'yan?"

Ang sumunod na narinig ni Chen ay ang tunog ng isang chainsaw kasabay ang hiyaw ng nakababatang kapatid niya.

TwistedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon