Napuno ng masasayang tinig ang buong paligid mula sa kwerdas ng mga gitara. Ang ritmo ng tugtugan ay sinabayan pa ng palakpak ng mga panauhin. Sa 'di kalayuan ay naririnig naman ang iyak ng kambing na pinapainom ng suka; hinahandang katayin. Ngunit tila wala sa kasiyahang iyon ang ulirat ni Teressa. Malayo ang lakbay ng kayang isipan kahit na ang araw na iyon ay pinagdiriwang dahil sa pag-iisang dibdib nila ng kanyang katipan.Sandaling napako ang kanyang paningin sa lalaking kanina niya pa katabi. Wala iyong kaimik-imik na parang hindi rin nasisisyahan sa nagaganap na selebrasyon. Kapansin-pansin din na tila wala kahit isa sa pamilya nito ang dumating. Bagamat dayo lang naman ang binatang ito sa lugar nila Teresa ay hindi sapat na dahilan iyon upang makaligtaan ng kanyang mga magulang ang dumating sa kasal ng kanilang anak.
Ilang buwan pa lamang ang nakalilipas magmula nang magtrabaho ito sa isang oil refinery na malapit sa lugar nila Teressa. Sa maikling panahon na iyon ay nagkaroon silang dalawa ng unawaan hanggang sa nahantong sa hindi inaasahang pagbubuntis niya. Bagamat kontento si Teresa na hindi lalaking walang ama ang magiging anak niya, alam niya na hindi ganoong kadesidido ang lalaki na pakasalan siya.
Sa tuwing susulyapan niya ng tingin ang asawa ay kita sa mukha nito ang pagkabalisa. Naroon ang mga guhit sa noon nito at ang itim sa paligid ng mga mata. Pakiwari niya, bigyan lamang ng pagkakataon ang asawa na takbuhan ang sitwasyong ito ay gagawin niya nang walang pag-aalinlangan. Pilit ginalugad ni Teresa ang kanyang isipan upang maghanap ng mga salitang maaring pumawi sa pag-aalala ng asawa ngunit wala siyang maisip. Ang mga salitang lumabas sa kanyang bibig ay malayo sa iniisip.
"Salamat Tim," mahinahon niyang bigkas
Maikli lamang mga salita ngunit alam niyang punung-puno iyon ng kahulugan. Umaasa si Teresa na sana ay sapat na iyon upang pakalmahin ang sitwasyon. Isang ngiti ang sinukli ni Tim na nagpalundag sa puso ni Teressa. Alam niyang sinsero ang mga ngiting iyon. Sandali siyang nakahinga nang maluwag. Naisip niya na marahil ay naninibago lamang ito sa kanyang sitwasyon dahil na rin sa malayo siya sa kanyang mga kamag-anakan.
Sandali pa at isa-isa nang nagsalita ang mga panauhin. Kapansin-pansin na walang kahit isang tao na nagsalita sa panig ni Tim. Hindi tuloy maiwasan magsimula ang bulung-bulungan. Kesyong napikot daw, na hindi pabor ang mga biyenan sa manugang, na nadisgrasya lang si Teresa kaya pinakasalan. Walang maisagot si Teresa sa mga bulungan. Kahit siya naman kasi ay walang gaanong alam tungkol sa binata.
"Wala ka bang sasabihin sa akin?" wika niya sa asawa na hanggang ngayon ay wala pa ring kakibo-kibo.
"Ano bang gusto mong marinig?" tanong niya kay Teresa habang nakangiti.
"Masaya ka ba?" Humugot si Tim ng isang malalim na salita bago niya sinagot ang tanong ng asawa.
"Masaya naman, gusto ko rin namang magkapamilya pero hindi ko alam kung tama ang ginawa natin. Parang napilitan lang tayong pareho nang dahil sa bata. Sana tama ang naging desisyon natin." Matapos noon ay bumalik ang atensyon niya sa mga nagsasalitang panauhin. Si Teressa naman ay bumalik sa kanyang malalim na pag-iisip.
Maingay ang mga tao sa lugar na tanggapan ng mga bisita ngunit napakatahimik ng mundo nila Teressa at Tim. Habang malalim ang kanilang iniisap ay isa sa mga panauhin ang nagsalita na inaanyayahan ang dalawa na sumayaw. Alinlangang sumunod si Teresa habang hawak ni Tim ang kanyang kamay. Kahit alam ni Teressa na parehong kaliwa ang kanyang mga paa ay isang tradisyon ang pagsayaw ng bagong kasal. Pagkakataon din ito para sa mga panauhin na isabit ang kanilang mga perang regalo sa damit ng dalawa.
Maingat na inalalayan ni Tim si Teresa sa bawat hakbang. Hawak ng kanyang kaliwang kamay ang beywang ng asawa habang ang kanang kamay ay mahigpit na nakahawak sa kaliwang kamay. Tipid ang pagngiti ni Tim. Hindi tuloy malaman ni Teressa kung paano sasagutin ang mga ngiting iyon. Iniisip niya kung ngingiti ba siya ng sarkastiko o iiwas na lamang ang kanyang mga paningin sa asawa.
![](https://img.wattpad.com/cover/56939670-288-k580503.jpg)
BINABASA MO ANG
Twisted
HorrorA non-linear narrative. Mga kwentong mag-iiwan ng tanong sa inyong isipan. May kanya-kanyang istorya ngunit konektado sa bawat isa. A child who has been maltreated and killed by his own father is yearning for love and affection. His vengeful soul w...