Pilit inalala ni Chelsea ang dahilan kung bakit siya lamang ang nabuhay. Ano ang kinaibahan niya sa ibang mga biktimang nakilala niya pagkatapos niyang mag-imbestiga? Ano nga ba ang ginawa niyang naiiba sa pakikipagtaguan niya? Ano nga ba ang magagawa niya para matahimik ang bata at si Timothy? Bakit ba sila pumapatay? Dahil ba pareho silang nangungulila sa pagmamahal? Pero hindi ba't iyon ang dahilan kung bakit niya pinipili ang kanyang mga biktima. Gulong-gulo ang kanyang isipan habang pinapatakbo niya ang kanyang sasakyan patungo sa lugar na inaakala niyang makakatulong sa kanya.
"Sinabi niyang matatahimik siya kapag nakita niya ang dahilan ng kanyang kinahinatnan pero saan ko iyon makikita. Ang alam ko lang ay ang anak niya na pumapatay din.."sandaling natigilan si Chelsea. Inisip niya kung posible bang hindi anak ni Tim ang pumapatay kundi ito rin ang batang may kasalanan sa kanyang pagkamatay. Parehas sila ng paraan ng pagpatay at pagpili ng biktima.
Agad niyang niliko ang kanyang kotse patungo sa mental hospital. Alam niyang sinusundan pa rin siya ni Tim ngunit pinaglalaruan lamang siya nito. Kung may posibilidad na ang batang iyon ang pumatay kay Tim ay maililigtas niya si Chen pati na rin ang sarili niya. Magagawa pa niyang mapagkita si Tim at si Aling Teresa.
"Three birds in one stone," sabi niya sa sarili na parang nagpalakas ng loob niya. Huminga siya ng malalim na parang iniipon ang kanyang lakas. Alam niyang isang mali lamang ay maari niyang ikamatay.
Pagdating niya sa bukana ng mental hospital ay binangga niya ang kotse niya sa gate ng mental hospital. Tulog-mantika naman ang guwardiya at tila kahit paggunaw ng mundo ay hindi kayang gisingin ang malalim na pananaginip nito. Agad bumaba si Chelsea at nagtatakbo patungo sa loob ng mental hospital. Sinubukan pa siyang pigilan ng isa sa mga nurse na nandoon ngunit nanlaban siya. Wala na siyang oras para magpaliwanag pa sa mga ito. Bawat sandaling lumilipas ay pwedeng maging kahulugan ng kaniyang kamatayan.
Tagumpay si Chelsea na narating ang gusali ng mga pasyente na may grabeng kondisyon. Dali-dali siyang pumasok at nilagpasan ang mga bantay. Nagkakatinginan lamang ang mga bantay na animoy takang-taka sa isang hindi kilalang babae na bigla-bigla na lamang pumasok sa gusali. Sandaling lumingon si Chelsea at napaisip kung bakit hindi siya hinahabol ng mga ito para pigilan. Napansin niya si Timothy na may hawak na karit at isa-isang hinahataw ang mga taong naroon at humahalakhak.
Walang nagawa si Chelsea kungdi ang magtatakbo palayo kay Tim. Agad-agad niyang inakyat ang pinakamataas na palapag kung saan makikita si Chen, iniisip niyang matutulungnan siya nito sa kanyang suliranin. Pagsapit niya sa ikaapat na palapag ay binalot ng dilim ang buong paligid. Hinugot niya ang kanyang cellphone sa bulsa at inilawan ang paligid ngunit kahit na ilaw ng kanyang cellphone ay tinatalo ng dilim. Ang buong paligid ay napupuno ng sangsang ng amoy. Pakiramdam niya ay mawawalan siya ng ulirat sa di kanais-nais na amoy. Lalo pang nagpatindig ng kanyang balahibo ang magkahalong iyak at tawa ng mga taong nakakulong sa palapag na iyon.
Wala na siyang panahon para intindihin pa ang kabaliwang namumutawi sa gusaling iyon. Ang importante ay maisalba niya ang kanyang buhay. Dahan-dahan siyang naglakad patungo sa kulungan ni Chen habang unti-unting lumilingon sa kanyang likuran. Pakiramdam niya ay may isang mabangis na hayop na minamanmanan ang bawat kilos niya.
Nang sa wakas ay makasapit siya sa kulungan ni Chen ay agad siyang lumapit at sumilip sa loob. Wala siyang makita kaya't inilawan niya ang loob ng selda.
"Chen, kailangan ko ang tulong mo. Makakaligtas tayong dalawa kung magtutulungan tayo," wika ni Chelsea
Nang walang sumasagot sa kanyang mga daing ay buong pwersa niyang tinulak ang pintuan ng selda at nagulat siya na bukas iyon. Mahina niya pang tinawag ang pangalan ni Chen ngunit wala pa ring sumasagot. Inilawan niya ang lugar at napagtanto niyang walang laman ang loob ng selda. May ilang patak ng dugo na makikita sa loob noon. Kinabahan si Chelsea at inisip kung anong nangyari sa kwartong ito bago siya dumating.
BINABASA MO ANG
Twisted
HororA non-linear narrative. Mga kwentong mag-iiwan ng tanong sa inyong isipan. May kanya-kanyang istorya ngunit konektado sa bawat isa. A child who has been maltreated and killed by his own father is yearning for love and affection. His vengeful soul w...