Ikatlong Mangangatok

42 4 2
                                    


Makailang minuto na ring gising si Yman. Maingat niyang ginalaw ang kanyang mga kamay at mabilis na inihinto ang paggalaw niya nang malaman niyang nakatali iyon sa kinasasadlakang upuan. Nakapiring ang kanyang mga mata na lalo niyang pinagtaka. Ayaw niyang gumawa ng anumang hakbang lalo na at hindi niya alam kung ano ang nangyayari. Pinilit niyang pigilan ang bawat kilos niya at umarteng walang malay.

Sinubukan niyang alalahanin ang mga nangyari bago siya nauwi sa ganitong kalagayan. Ang huling natatandaan niya ay papauwi siya galing sa isang kasiyahan. Nakainom siya ngunit hindi siya lasing. Habang nasa biyahe siya ay tila isang malakas na p'wersa ang humampas sa buo niyang katawan. Matapos noon ay nagising nga siya na nakagapos sa upuan.

"Hanggang kailan ka magtutulug-tulugan?" Ikinagulat ni Yman nang marinig niya ang boses na animoy kinakastigo siya ngunit hindi niya iyon ipinahalata. Nanatili siyang walang imik. Kung mapapansin lamang sana ng kasama niya sa silid, malalaman nitong nakatikom ang mga daliri niya sa paa sa sobrang takot at kaba. "Kumpara sa dalawa, sadyang ikaw ang pinakamaingat"

Wala pa ring ginawang pagtugon si Yman. Ayon sa pag-aanalisa niya sa sitwasyon, may dalawa pa siyang kasama dito gaya na rin ng tinuran ng lalaking kasama niya. May naririnig din siyang tila patak ng tubig sa 'di kalayuan. Pinakiramdaman niya ang buong lugar at naghanap ng kahit karampot na senyales kung nasaan ba siya.

"Nakaalis na ang dalawang kasama mo. Kung plano mo pa ring magtulug-tulugan, tawagin mo na lang ako kapag gusto mo nang makinig,"

"Nakaalis na sila? Anong ibig mong sabihin?" Hindi na napigil ni Yman ang hindi magsalita lalo na nang marinig niyang nakaalis na ang dalawa. Sinabi pa niyang kasama niya ang mga ito na lalong nagpalakas ng loob niya. "Kasama ko sila kaya paalisin mo na rin ako"

"Hep! hindi ganoong kadali iyon. Gaya ng mga kasama mo ay kailangan mo ring makinig sa k'wento ko. Sa katapusan ng k'wento ko ay may isa akong tanong. Depende sa sagot mo, p'wede kang makaalis dito. Pangungunahan na kita. Hindi kita p'wedeng pakawalan at tanggalan ng piring hangga't hindi ka nakakasagot sa tanong. Hindi rin kita papatayin."Tila alam na ng k'wentista ang mga tanong sa isip ni Yman kung kaya't pinangunahan niya na ito.

Muling kinalkula ni Yman ang sitwasyon base sa mga sinabi ng lalakeng kasama niya. Sandali siyang nag-isip nang mga posibleng mangyari sa kanya sa sandaling magkamali siya ng sagot. Dahil nga nagawang makaalis ng dalawa ay inisip niyang mataas ang tsansa niya na lisanin ang lugar na ito.

"Sisimulan ko na ang k'wento, makinig mabuti sa bawat detalye at sumagot nang naayon sa iyong puso at isipan," Humugot ng isang malalim na hinga ang k'wentista bago nito sinimulan ang kanyang k'wento.

"Ang aking k'wento ay tungkol sa isang top insurance agent. Masigasig sa kanyang trabaho ang ahente na ito. Malakas ang convincing power niya kaya't marami siyang naeenganyong mga tao na mag-enroll sa insurance. Kapalit ng bawat nasasarado niyang kontrata ay ang komisyon na natatanggap niya. 'Yun nga lang dumating ang panahon na hindi sumasapat ang kakarampot na komisyon.

"Isang araw ay nabasa niya ang tungkol sa isang anak na in-enroll ang kanyang ama sa life insurance. Para makuha ang claims sa insurance ay pinaslang niya ang kanyang ama. Mula dito ay nagkaroon siya ng ideya kung paano kikita ng mas malaking halaga." Isang katahimikan ang sumunod na nangyari. Kalmado rin si Yman sa kanyang narinig kahit na alam niyang may kakaiba sa nagaganap.

"Kailangan mo pa bang ik'wento ang buhay ko?" may dismaya sa tinig ni Yman pero alam niyang wala siyang magagawa sa sitwasyon na ito.

Isang malakas na tawa ang sinukli ng k'wentista. Para bang tumama ito sa jackpot sa tinuring ni Yman. "Trabaho ko ang buhayin ang inyong mga pinakamadilim na kasalanan"

"Galing ka ba sa insurance company? Matagal na akong wala sa inyo at kung sisingilin mo ako, matagal na akong bayad."

"Hindi, hindi. Kung sasabihin ko sa iyo kung sino ang mga boss ko ay hindi mo ako papaniwalaan. Naatasan lang akong magk'wento," pansin ni Yman sa boses na ito ang tinig ng paggiliw na tila yata'y nasisiyahan.

TwistedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon