(Balik tanaw sa panahong buhay pa si Tim)
Madilim na ang buong paligid maliban sa mesa na pinaggagawan ng 'electrical layout ni Tim.Tahimik na ang kaniyang paligid at manakanakang tunog ng makina ng sasakyan na napapadaan ang naririnig niya. Ilang araw niya na ring pinagpupuyatang matapos ang proyekto na ito. Tinubuan na ng kalyo ang gilid ng kanyang daliri at maitim na rin ang kanyang mga kuko sa tinta at uling na galing sa lapis. Makailang beses na ring tumutunog ang kanyang tiyan na nagrereklamo na at nakikiusap na lamnan ito. Hindi naman kasi siya nagmeryenda at naghapunan. Desidido siyang tapusin ang disenyo ngayon para sa mga susunod na araw ay ang mga maliliit na detalye na lamang ng disenyo ang gagawin niya. Dalawang araw na lamang kasi at deadline na ng kanyang template.
Ilang guhit pa ang ginawa niya at pagdakay hindi na niya natiis ang gutom at tumayo. Lumabas siya ng kuwarto at nagtungo sa kusina upang tingnan kung may makakain ba siya. Halos wala ng laman ang kaniyang ref. Minsan ay nag-iisip siya kung tama bang bumukod siya ng ganitong kaaga sa kanyang pamilya. Kung nasa bahay pa nila siya ay pagkain na ang sumasalubong sa kanya. Hindi na rin niya kailangang tumayo pa ng kanyang mesa dahil kahit inumin ay dadalhin na sa kwarto niya.
Isang malalim na buntong hininga ang kanyang pinakawalan. Sa huli ay nagdesisyon siyang lumabas at pumunta sa malapit na convenient store para doon kumain kahit siopao man lamang. Kinuha niyang panandalian ang kanyang wallet at saka lumabas na ng tinutuluyan niyang apartment sa may Quezon City.
Paglabas niya ng gate ay may napansin siyang isang batang madungis na may suot na isang lumang bag. Nakatayo iyon sa tapat ng poste na parang may hinihintay. Kakausapin sana niya ang bata ngunit pinagpaliban na muna niya. Gutom na gutom na siya at marami pa siyang gagawin. Isinara niya ang gate at nagtuloy na siya sa malapit na convenient store. Habang papalayo siya ay tinanaw niya pa pabalik ang bata na walang kagalaw-galaw.
"Ano naman kayang ginagawa ng bata doon? Dis oras na ng gabi," mahina niyang sabi sa sarili
Ipinagkibit balikat niya ang kanyang nasaksihan. Sa oras na ito ay wala siyang oras para pakialaman ang nasa paligid niya gayung hindi niya nga maasikaso ang gutom niya. Pumasok siya sa loob ng convenient store at kumuha ng dalawang siopao na asado. Hindi naman siya naghahanap ng pagkain na mabigat sa tiyan total gabi na at matutulog na rin siya.
Habang kumakain siya ay nakita niya ang kakilala niyang nakatira sa kabilang apartment na kapapasok lamang. Mukhang panggabi ito sa pinagtatrabahuhan niya. Binati siya nito at tumango naman siya bilang tugon. Naisipan niyang tanungin ito tungkol sa batang nakatayo sa may poste.
"Ton, nakita mo ba 'yung batang nakatayo sa may poste?", tanong ni Tim sa kanya
Sandali itong napaisip pero wala naman siyang matandaang bata na nakatayo sa may poste. "Wala akong napansin eh,"
"Baka umalis na. Sino kayang nag-iwan don sa bata eh dis-oras na ng gabi?"
"Alam mo naman ang ibang tao dito sa atin, pabaya. Gabi na nagsusugal pa rin."
"Oo nga," maikling tugon nito sa kausap ngunit hindi niya pa rin makumbinsi ang sarili na walang kakaiba sa batang iyon.
"Sige trabaho muna ako," paalam ng kausap niya sa kanya habang siya ay naiwang malalim ang iniisip.
Matapos niyang maubos ang dalawang malaking siopao ay agad na rin siyang umuwi. Bakante na ang daan patungo sa apartment na tinutuluyan niya. Wala na rin ang batang kanila lamang ay nakatayo na walang kakibo-kibo sa ilalim ng poste. Papasok na sana siya ng kaniyang apartment nang may humatak sa kanyang damit sa kanyang likuran. Lumingo siya at nakita niya ang madusing na bata.
BINABASA MO ANG
Twisted
HorrorA non-linear narrative. Mga kwentong mag-iiwan ng tanong sa inyong isipan. May kanya-kanyang istorya ngunit konektado sa bawat isa. A child who has been maltreated and killed by his own father is yearning for love and affection. His vengeful soul w...