Kasama na ni Patty si Mylene na pumunta ng Recto para kunin ang pina-ring bind niya. Bukas na ang Balugdani Printing Press at Services, pero ang kinagulat ni Patty ay hindi na niya makita ang kahoy na pintuan na pinasukan niya kahapon. Diretsong naninilaw na pinta ang nandoon at nakasabit na painting ng mga uwak na lumilipad sa alapaap.
"Mang Kanor, sigurado talaga akong may pintuan diyan kahapon," sabi ni Patty sa matanda na may malaking tiyan at napapanot na ulo. Nakaka-distract nga ang buhok na lumalabas sa matangos nitong ilong.
"Eh, wala nga miss, oh! Walang pinto diyan!" sabi ni Mang Kanor.
"Baka ibang tindahan ang pinuntahan mo kahapon," sabi ni Mylene.
"Hindi! Dito talaga 'yon. Sigurado ako." Tumingin siya sa may-ari ng puwesto. "Mang Kanor, paano na 'to? Bukas ko na 'yon ipapasa. Sabihin niyo kasi sa lalake na ibalik niya 'yong mga illustration boards ko. Mahal kasi magpa-print ng isang picture sa isang coupon bond. Kwarenta rin isang page at wala na akong pera. Kailangang-kailangan ko 'yon para sa thesis ko."
"Miss, wala talagang ibang tao dito kundi ako lang. May resibo ba na binigay ang lalake?"
"Wala nga eh."
"Ngee!" sabi ni Myleen. "Bakit mo iniwan na hindi ka humingi ng resibo?"
"Sino ba naman ang mag-aakala? Nakapuwesto naman dito, tapos 'yong lalake mukhang matino naman."
"Hmmmm," ani ni Myleen. "Excited pa naman akong makita siya dahil sabi mong super guwapo. Loko pala!"
"Leche ngang gwapo 'yan, nasilo ako!"
"Pasensiya na, miss. Kita mo namang walang pintuan diyan." Bumalik na ang may-ari sa computer nito kung saan nakabukas ang template ng isang pekeng diploma.
Nagpaalam na lang sila at inisa-isa ang mga tindahan at baka makita niya pa ang kahoy na pintuan. Ngunit wala. Habang papauwi ng Sampaloc ay maluha-luha siyang nag-text sa ama niya. .''Tay, kelan niyo po ako papadalhan? May problema kasi ako dito. Kailangan ko po ng pera."
Nag-text back naman ang ama niya. 'Sa linggo pa ako, nak, makapadala. Sa linggo pa kasi ako papautangin ni Pareng Didoy.'
Hindi na siya naka-response. Wala na talaga siya ni singko kahit pangbili ng pagkain. Patay-hiya na lang siyang humilam ng kahit isang daan sa kaklase. Mabuti naman at may extra sa allowance si Mylene. Pinahilam siya nito. Bahala na ang problema niya sa inspiration board niya bukas. Kausapin na lang niya ang adviser niya na kung puwede sana ay mapagbigyan siya hanggang lunes.
BINABASA MO ANG
ANG NAWAWALANG PINTUAN SA RECTO (published by Bookware Publishing Corporation)
FantasíaSi Patty ay may nakilalang Anghel ng Kamatayan sa isang sekretong pintuan sa Recto, Manila. Malamig man ang Anghel at weirdo pero paano naman hindi mahuhulog ang loob ni Patty dito gayong mabait naman ito sa kanya? CURRENTLY IN BOOKSTORES! ...