CHAPTER 6

2K 223 22
                                    

Binuksan ni Patty ang wallet niya dahil may babayarang xerox para sa subject nilang Psychology. Napailing siya dahil walong piso na lang ang laman gayong sampu ang Xerox. "Buhay na masaklap!" aniya sabay tawa habang nanghalughog ng bag at doon ay may pitong beinte singko. Kulang siya ng isang beinte-singko. Mabuti naman at tinanggap pa rin ng class secretary kaya may nakuha siyang Xerox na mapag-aralan para sa exam nila sa sunod na lingo. Namomroblema ay nag-ayos siya ng gamit at nagpasyang bumalik ng Recto. Kailangang-kailangan na niya talagang makausap si Marciel. Kahit anong trabaho na siguro para magkaroon naman siya ng panggastos at pangkain.



Dumiretso siya ng Morayta at doon nakisalisihan sa mga estudyanteng papauwi na rin. Nakita nga na naman niya ang suking nagtitinda ng mangga. Nilagok na lang niya ang laway dahil wala naman siyang pangbili. Dumiretso siya sa National Bookstore at doon lumiko sa kanan. Pagdating sa Balugdani Printing press at Services ay nandoon si Mang Kanor abala sa kaka-draft sa computer nito. Nakatalikod ito sa daan kaya hindi siya makikita. Mabilis siyang naglakad papasok ng kusina at tinulak ang pintuan ng libaging kubeta. Mapanghi nga ngayon, parang hindi nabuhusan. Naduduwal ay kinuha niya ang tabo at dahan-dahan na binuhusan ang inuduro. Sinigurado niyang malayo siya sa inuduro para hindi matilamsikan ng tubig galing doon. Grabe, parang ilang dekadang hindi nilinis ni Mang Kanor ang palikurang ito. Kinuha niya ang cologne sa bag pagkatapos para itilamsik sa kamay at doon singhutin ang mabangong amoy para matalo ang amoy ng kubeta. Nang nawala ang panduduwal ay tumingin siya sa butas kung saan may ilaw na tumatagos. Umapak siya pagkatapos sa inuduro para maitaas ang sarili. Doon ay nakita niyang nag-iisa si Marciel at abala sa kakasulat sa itim na libro. Sinitsitan niya.



Napataas naman ng tingin ang lalake at hinanap kung saan nanggaling ang tunog.



"Kuya, tingin ka dito banda sa CR ni Mang Kanor," aniya sa kontroladong boses na hindi marinig sa labas.



Napatingin naman sa direksiyon niya ang lalake. Hindi nga makapaniwala na nakalambitin siya. "Mahulog ka diyan, Patricia."



"Kuya, may itatanong sana ako sa inyo."



Nagbigay ng nagtatanong na tingin ang lalake. Grabe! Kung papasukin kaya siya nito sa opisina nito para hindi siya mahirapan sa kakalambitin. Hindi naman siya magnanakaw. Magsasalita sana siya nang biglang bumukas ang pintuan ng kubeta.



"YAWA!!" sigaw ni Mang Kanor sa gulat na makakita ng babae sa loob.



Nagulat siya sa sigaw at malakas na pagsarado ng pintuan kaya napa-slide ang isang paa niya paloob ng inuduro.



"NANAYYY!!!" sigaw niya. Naliligo ang paa niya sa inuduro! Paano na 'to? Baka magkakorekong siya! Tinutulungan niya ang sarili na mapalabas ang paa ngunit napa-slide ang kamay niya kaya umalingawngaw nang napabalentong siya sa sahig.



Parang mapanawan siya ng ulirat dahil sakit ang pagbundol ng ulo niya. Nang nahimasmasan ay tinulungan niya ang sarili na makatayo. Kinuha niya ang tabo at hinugasan ang paa. Naduduwal na naman siya habang naalalang na-shoot ito sa inuduro. Dahil hindi na niya kaya ang nararamdaman ay binuksan niya ang pintuan para makasagap ng hangin.

ANG NAWAWALANG PINTUAN SA RECTO   (published by Bookware Publishing Corporation)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon