Nasa pahabang aklatan daw si Patricia at nagsusulat sa librong itim nang napansin niyang kumikitid ang silid. Tumingin siya sa likuran at nandoon papalapit nang papalapit ang lalakeng nakaroba. Gusto niyang tumakbo, pero 'yong mga paa niya ay hindi niya magalaw, nagmistulang goma. Pakitid nang pakitid hanggang sa nakikita niya ang kalansay na mukha ng tao na may tira pang naagnas na laman ang nasa hood ng itim na kapa. Punong-puno ng malisya ang mukha habang tinataas ang karet para isaksak sa kanya.
Napabalikwas siya sa higaan. Pinaupo niya ang sarili at pinahupa ang dibdib. Sa upuan sa vanity table ay nakaupo si Krang-krang at nakatingin sa kanya. Kahit madilim ay nakikita niya ito dahil sa mga balahibong umiilaw sa kaputian.
"Masamang panaginip, Krang!" sabi niya sabay dampot sa aso para matabi ito sa pagtulog. Pinilit na nga niyang makabalik sa pagtulog ngunit hindi siya pinapapapikit ng nerbiyos niya. Paulit-ulit na bumabalik sa diwa niya ang nakitang itsura kanina sa panaginip.
Mga alas-singko y medya nang kumatok si Mrs. Sanchez sa kuwarto nila.
"Patty, nakasabit sa pintuan sa baba 'yong bag mo," sabi ng ginang sabay abot ng bag sa kanya.
"Ay, salamat po!" kahit papaano ay nakahinga siya ng malalim dahil namromroblema siya sa ID niya. Wala pa naman siyang pera pangkuha ng bago kung magkataon.
Bumaba siya para matanong ang kahera kung nakita nito kung sino ang naghatid ng bag.
Umiling ang guro. "Nakasabit lang siya sa labas. Huwag mo kasing iwan kung saan. Alam mo namang Maynila 'to at maraming kawatan dito."
Binuksan niya ang pintuan at tumingin sa labas na madilim pa sa hamog. Niyakap niya ang sarili dahil sa lamig habang tinitingnan ang walang katau-taong kalsada. Paano naman nalaman ng lalake ang address niya gayong hindi naman niya nasabi dito? Nakaramdam siya ng nerbiyos. Sinunog naman niya ang mga damit niya kagabi. Dapat hindi na siya masundan nito. Magpabendisyon na lang siya sa pari para hindi na masundan ng masamang espiritu.
Kinahapunan, pagkatapos ng kanilang klase ay dumiretso siya sa UST chapel para magsimba. Pagkatapos ng misa ay lumapit siya sa altar para makausap ang pari na papapunta na sa sakristiya.
"Padre! Padre!" tawag niya.
Huminto naman ang matabang pari at nagbigay sa kanya ng palakaibigang ngiti.
"Padre, may hindi po kasi magandang nangyayari sa akin nitong mga nagdaang araw. Kung ibi-bless niyo po ako ay siguradong makakatulong ng malaki sa akin."
BINABASA MO ANG
ANG NAWAWALANG PINTUAN SA RECTO (published by Bookware Publishing Corporation)
FantasySi Patty ay may nakilalang Anghel ng Kamatayan sa isang sekretong pintuan sa Recto, Manila. Malamig man ang Anghel at weirdo pero paano naman hindi mahuhulog ang loob ni Patty dito gayong mabait naman ito sa kanya? CURRENTLY IN BOOKSTORES! ...