CHAPTER 12

1.7K 203 21
                                    

Huminto si Patty sa kakapinta ng perspective para makapagpahinga sandali at makatingin sa bintana na nasa ikaapat na palapag ng kanilang gusali. Binuksan niya ang baong Piatos at wala sa sariling napatingin sa malapad na lawn sa baba kung saan may naglalaro ng soccer. Halos hindi siya makapaniwala sa nangyayari sa buhay niya sa ngayon. May nakakaiba pala siyang talent -makakakita siya ng mga hindi mortal na tao. Dati noong bata siya ay may nakita siyang mga agta. Bumisita siya sa kaibigan niyang may bahay malapit sa sementeryo at may nakita siyang maliliit na batang maiitim na naglalaro sa bakuran. Wala namang ita sa kanilang bayan, at kung meron man ay sigurong pagtutumpukan ng lahat. Nakisali lang siya sa mga ito na maglaro at nang dumilim ay umuwi na siya sa kanila. Hinanap nga niya nang sumunod na araw ngunit hindi na niya makita at wala namang kakilalang agta ang pamilya ng kaibigan niya. Pero hindi naman itong kakayahan niya ang pinoproblema, ang problema niya ay ang nararamdang kilig para kay Marciel. Sino ba naman ang hindi kiligin gayong mabait sa kanya ang tao? Malamig man ang personalidad ngunit inaalagaan siya nito. Inuulit-ulit nga niya sa gunita kung paano siya niyakap ni Marciel doon sa tunnel. Napansin na lang niya ang sarili na ngumingiti ng walang dahilan.



Napabuntunghininga siya. Mahirap din kasing basahin ang utak ng lalake. Baka maalaga lang talaga. At kung ano man, mahirap pa rin ang sitwasyon niya. Papa-graduate na rin siya ng kolehiyo at kung magnobyo man siya siyempre dapat iyong may papapuntahan na. Paano naman sila makaplano ng magiging future nila ni Marciel gayong anghel ito at dyosa naman siya? Bigla siyang napangiti sa naiisip. Ang totoo niyan ay masakit ang likod niya sa kakapinta ng perspective. Wala pa siyang tulog dahil naglista siya kagabi ng mga kamatayan sa Recto. Alas-dose na siya nakauwi at nagpinta pa siya. Malapit na kasi ang pasahan nila ng thesis. Parang kailan nga lang nag-enroll siya; ngayon ay papatapos na ang Septyembre, pati na ang first semester. Maya-maya ay defense na. Magkakaalaman na kung makaka-graduate siya o hindi.



"Hoy, sino ang iniisip mo diyan? Si Recto Boy ano?" tanong ni Mylene.



"Chee!" ang tanging sabi niya bago bumalik sa drafting table at nagtapos ng ginagawa.



Pagdating ng lunch time ay nagsaglit siya sa Recto. Nakita niya ang lalake na abala sa mesa. Lumapit siya dito at nagpaalam na hindi muna siya maglilista dahil nga aatupagin na niya ang thesis niya. Deliberation na kasi sa Oktobre.



"Kailangan mo ba ng pera? Syempre, maraming pagkakagastusan diyan," tanong ni Marciel.



Hindi siya nakasagot. Marami nga talaga siyang pagkakagastusan at hindi siya sigurado kung makakapadala ang tatay niya. Suot ang nahihiyang ngiti ay nagsalita siya, "kung puwede po sanang bumale sa inyo. 'Di bale, sembreak naman pagkatapos nito. Babawiin ko po. Hindi po ako uuwi sa Aklan. Dito na lang ako maglilista para mabayaran ang bale ko."



"Okay," sabi ng lalake. Nag-abot ito ng sampung libong piso.



"Salamat," sabi niya sabay bigay ng malapad na ngiti. Nagpaalam na rin siya agad para makabalik ng UST at matapos sa kakapinta ang perspective. Bukas ay magpapa-print siya ng mga files niya para sa thesis research. Guardian angel niya talaga si Marciel. I-imagine na lang niya kung wala ang lalake ay baka hindi na niya alam kung saan kukuha ng panggastos. Marami siyang ipa-print, ipa-bookbind, ipa-xerox, damit niya pang-defense at syempre pang-araw araw na gastos pa.

ANG NAWAWALANG PINTUAN SA RECTO   (published by Bookware Publishing Corporation)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon