CHAPTER 8

1.6K 203 10
                                    

Nakatayo si Marciel sa riles ng MRT bandang Guadalupe para doon banda mangsinghap ng enerhiya. Pinikit niya ang mga mata at binuksan ang kanyang diwa. Buhay na buhay ang mundo sa ibat't-ibang enerhiyang nagliliparan mula sa iba't-ibang nilalang -may malamig, may mainit, may masidhi, may mapusyaw, may naghihingalo, may hulmang bilog, may pasayaw-sayaw.... May nasasagip siyang malakas na enerhiyang kulay abo nang napansing huminto ang tren sakto sa kanyang likuran. Siguro may machine failure. Tumalikod siya para matingnan kung ano ang problema. Doon ang lahat ng pasahero napapahaba ang leeg, nagtataka kung bakit huminto ang kinasasakyan. Punong-puno nga ng tao, at sa kanyang harapan banda ay may isang batang babae na may kulot na buhok ang kumakablit sa nanay niya habang nakaturo ang isang daliri sa kanya.



Sinundan naman ng nanay ang tinuturo ng anak ngunit wala itong nakita kaya binalik nito ang mata sa harap.



Titig naman ng titig sa kanya ang bata. Hindi naman nakakapagtataka dahil marami naman talagang bata ang makakakita sa kanila, pero habang lumalaki ang mga ito ay nabubura rin ang mga kakayahan na makakakita ng mga ekstraordinaryo. Masyado na kasing stressed out sa pamumuhay bilang tao.



Tinaas ng bata ang kanang kamay nito at nahihiyang kumaway sa kanya.



Sinuklian niya ito ng isang maliit na ngiti. Napatanong lang siya kung bakit kaya hindi nabura 'yong talent ni Patricia na makakita ng mga nakakaibang nilalang gayong stressed naman palagi sa pera.



At umandar uli ang tren. Ang batang kulot ay humaba talaga ang leeg para hindi lang siya maiwan ng tingin nito.



Bumalik uli siya sa pagsagap ng enerhiya at umabot nga siya ng dalawang oras doon, ngunit wala namang nakakaiba. 'Yong kulay abo kanina ay sa anghel niya na napapaliwaliw sa malapitan ng riles. Lilipat sana siya sa Taft nang may natanggap na text mula kay Patricia.



"Kuya, saan ka? May nagawa po akong kasalanan."



Napa-text back siya. "Bakit? Ano 'yon?" Napapatanong nga siya sa sarili kung tama bang i-empleyo niya si Patricia. Pribado kasi siya at ayaw niyang may nangungulit, pero hayaan na niya dahil nakakatulong naman ito sa estudyante.



"Sabihin ko na lang po sa inyo kapag nandito na kayo. Sigurong magagalit kayo."



Hindi na lang niya pinansin at baka kung ano lang 'yon. Lumipad siya papuntang Taft at doon siya sa Rotonda pumuwesto para mangsinghap ng enerhiya. Pagabi na kaya uwian na ang mga tao. Masyadong maraming tao dito kaya lunod na lunod ang lugar sa nagliliparang enerhiya. Nagbabad siya doon hanggang alas nuwebe bago nagpasyang bumalik ng opisina dahil kailangan niyang balikan si Patricia at mahatid ito pauwi. Delikado rin kasing umuwi ito ng gabi. Hindi naman niya nakikita sa makina ang pangalan nito sa listahan ng mga mamamatay, pero paano kapag ma-snatch, masaksak o magahasa ito habang pauwi. Kargo konsensiya niya pa.

ANG NAWAWALANG PINTUAN SA RECTO   (published by Bookware Publishing Corporation)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon