Nakakabugbog man ng katawan ay nakaka-proud naman sa sarili dahil nabayaran ni Patricia ang mga utang niya kay Mylene at Maritess mula sa natatanggap sa sideline niya sa kakalista sa libro ng mga patay. Ngayon ay makakakain na siya ng tatlong beses. Noong mga nagdaang araw kasi ay hindi na siya nagla-lunch. Diet daw pero ang totoo ay wala palang pera pangkain. Naka-isang buwan na siya nang pabalik-balik sa opisina sa Recto at wala namang naging problema. Mukhang pasado naman ang mga sinulat niya sa libro dahil wala namang reklamo si Marciel. Binigyan nga siya nito ng suweldo kagabi at plano niyang bilhan ito ng bulaklak sa Dangwa para malagyan naman ng kahit kaunting kulay ang opisina nito.
Pagkabili niya ng isang pumpong ng rosas ay dumiretso siya sa Recto at doon na sa opisina niya ito ni-flower arrangement. Nagnakaw lang siya ng tubig sa kusina ni Mang Kanor dahil walang tubig o CR sa opisina ni Marciel kaya kung nangagailangan siya ng kubeta, lumalabas siya para maka-CR sa Jollibee.
Dahil walang mapaglagyan ay napagdiskitahan niyang linisin ang mesa ni Marciel. Bakit naman kasi hindi nililigpit ng lalake ang mga libro sa mesa nito para guminhawa naman? Halos hindi na nga ito makita dahil sa mga libro. Pinatong-patong niya sa gilid ang mga libro para ang kalahati ay libre at doon niya ilalagay ang baso na nilagyan niya ng mga bulaklak. Sana ma-appreciate ng amo ang effort niya.
Nang naayos ang mesa ay dumiretso siya sa aklatan para doon magsulat. Hindi na niya namalayan ang oras dahil tutok na tutok siya sa ginagawa. Nakasulat siya ng walong pahina nang may natanggap na text mula kay Marciel. Pinapapunta siya nito sa opisina. Iniwan naman niya ang sinusulat at lumabas ng aklatan. Doon sa mesa nito nakaupo si Marciel at sobrang madilim ang mukha, sa dilim nito ay nagmukha na itong gargoyle na pinipindot niya para bumukas ang pasilyo. Nakaramdam tuloy siya ng kaba dahil sa galit ng lalake ay may nagliliparang hamog at lamig mula sa katawan nito. Pinagdaiti niya ang mga palad sa isa't-isa para makakuha ng kaunting init sa katawan niya.
Nakatingin si Marciel sa nakabukas na libro sa harap nito. Nang lumapit siya ay hindi ito nagtaas ng tingin, bagkus ay nagsalita lang sa boses na parang gumigilit sa balat niya dahil sa sobrang lamig. "Ang pinakaayaw ko sa lahat ay pinapakialaman ang mesa ko!"
Natameme siya. Dapat pala ay nagtanong muna siya bago nanggalaw ng mesa ng iba.
"At ayaw ko ang amoy ng bulaklak. Nakakainit ng ulo!"
Nasaktan naman siya sa narinig. Pinaguran niya kasi ang flower arrangement. Napayakap siya sa sarili dahil biglang nanusok ang lamig. Napasinghap tuloy siya.
Napataas ng tingin si Marciel nang narinig ang singhap niya. Natigilan ito nang nakita siyang giniginaw. Ang galit sa mukha nito kanina ay napalitan ng pag-aalala. Tinangka siya nitong yakapin ngunit napahiyaw siya sa sobrang lamig nang napadaiti na ang braso nito sa katawan niya.
"Pumasok ka muna sa library, Patricia! Bilis!" Mabilis nitong pinindot ang gargoyle para bumukas ang pasilyo.
BINABASA MO ANG
ANG NAWAWALANG PINTUAN SA RECTO (published by Bookware Publishing Corporation)
FantasíaSi Patty ay may nakilalang Anghel ng Kamatayan sa isang sekretong pintuan sa Recto, Manila. Malamig man ang Anghel at weirdo pero paano naman hindi mahuhulog ang loob ni Patty dito gayong mabait naman ito sa kanya? CURRENTLY IN BOOKSTORES! ...