CHAPTER 5

2K 210 38
                                    

Gusto ni Patty na makulay ang hospital niya kaya nilagyan niya ng sky blue at pale yellow na pinta ang kanyang desinyo sa mga private rooms ng kanyang thesis. Ayaw niya ng madilim at mabigat dahil masayahin naman siyang tao kahit malaki ang problema niya ngayon sa pera. Kung magdyo-joke ang nag-iisang lalake sa klase nilang apatnapong babae ay labas tonsil din siyang tatawa. Napagod nga rin siya sa buong maghapong pagpinta ng perspective, pero parang sa batang bibo siya na nag-ayos ng gamit dahil pupunta siyang Recto ngayon para hanapin si Recto Boy at tanungin tungkol sa trabaho. Patay siyang dyosa kasi siya! Wala siyang kakainin bukas dahil beinte na lang ang tira sa pera niya.


Pagdating niya sa Balugdani Printing Press at Services ay nandoon si Mang Kanor abala sa kakausap sa costumer kaya mabilis siyang dumiretso sa paglalakad. Tumambay siya sa tindahan ng mga second hand na libro at doon siya nagbasa-basa. Mabuti naman at maya-maya ay nakita niyang naglalakad sa harap ng kinatatayuan niya ang may-ari ng Balugdani kaya walang tao ang puwesto nito ngayon. Mabilis siyang tumakbo doon at tumayo sa paintings ng mga uwak. Malay niya at baka may magic words o baka may pipindutin siya para magpakita ang pintuan. Tinaas niya ang paintings at sinilip uli sa likod. Plywood uli pero meron siyang nakita na hindi niya napansin dati dahil hindi niya tinaas ng husto. Sa taas banda ay may nakasulat na hindi maintindihang lengwahe, baka Latin. "Intra Hec Angelus Mortis." Kinuha niya ang cellphone at kinopya. Mamaya isearch niya 'to sa internet. Binaba niya ang painting at tumingin sa isang pintuan sa gitna. Baka may iba pang pintuan diyan. Pumasok siya doon at isang kusina na may tambak na hugasan ang kanyang nabungaran. Sa kaliwa ay may isang pintuan pa. Dahil sa gitna ito tulad ng pintuang napasukan niya minsan, ibig sabihin papasok din ito sa opisina. Binuksan niya at puno ng libag na kubeta ang kanyang natunghayan.



"Ay, ang mga hugasan ko pala!"



Patay! Dumating na si Mang Kanor. Sa tunog ng yapak nito ay parang papunta sa kusina. Ala, dapat hindi siya makita dito. Mabilis siyang pumasok sa kubeta. Sana hindi dito pumasok ang may-ari. Ano naman ang irarason niya kung magkataon?



Narinig niya ang paglagapak ng tubig at ng mga pinggan sa labas. Napatitig naman siya sa butas kung saan nagtatagpo ang kisame at ang nangingitim na dingding ng kubeta. Doon ay may umaapaw na liwanag na kasingkulay ng liwanag na naaalala niyang binubuga ng kandelabra sa opisina ni Marciel. Umapak siya sa inuduro at dinapa ang mga palad sa dingding para mabalanse ang sarili. Tinaas niya ang sakong at pinilit na abutin ng mata niya ang butas. Ang kandelabra ang una niyang nakita. Lalo niya pang tinaas ang pagtiyad at doon niya nakita si Marciel na nakaupo sa mesa nito at may kausap na dalawang lalakeng may kulay ang mga buhok. Ang puti buhok ay nakaupo sa couch habang ang pula buhok ay nakatayo sa gilid ng mesa at nakaabrisyete habang nakikipag-usap kay Marciel. Hindi niya maintindihan ang pinag-uusapan ng mga ito dahil parang nakakaibang lengwahe, parang German o Rhaeto-Romance. Basta mababa na parang karamihan ay natatapos sa salitang "bursch" at "mwyer".



At natapos ang paghuhugas ni Mang Kanor. Lumabas ito sa kusina. Dahan-dahan naman siyang bumaba ng inuduro. Babalik na lang siya dito ng ibang araw dahil baka matuklasan siya ni Mang Kanor at ipapulis siya. At isa pa, may mga kausap si Marciel kaya nakakahiya namang mangdisturbo.



Pagsilip niya sa pintuan ay nakatutok na si Mang Kanor sa computer nito. Mabilis siyang tumakbo palabas para hindi makita ng may-ari. Nang nakalabas ay pumasok siya sa katabing tindahan na isa ring printing house. Paano nangyari 'yon? Saan naman nakasuot ang opisina ni Marciel gayong isang pader lang pagitan ng mga tindahan? Ala, minamaligno ang lugar na ito! Pero hayaan na niya dahil totoong pera naman ang inabot ng lalake noong nagmeryenda sila sa Ma Mon Luk. Ni alien man 'yan o engkanto kung may maibibigay namang trabaho ay kagatin na niya. Kailangan niya talagang tulungan ang sarili.

ANG NAWAWALANG PINTUAN SA RECTO   (published by Bookware Publishing Corporation)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon