Chapter 10

1.8K 197 19
                                    

Isang bultura ang buong tayog na lumipad sa alapaap. Tinitingnan nito ang Kaymanilaan sa baba na punong-puno ng mga hindi mabilang na ilaw para sukatin. Hindi pa siya sigurado kung paano gawin ang plano niya pero siguradong babaha ng dugo dito.



Binaba ni Salazatter ang lipad dahil medyo blurred ang itsura ng siyudad sa kinaliliparan. Ang kapal ng polusyon. Pagkatapos ng halos apat na libong taon ay malaki na nga talaga ang nangyari sa mundo. Dati makakalipad siya sa alapaap ng buong gaan, ngayon parang ang lagkit-lagkit. Pero sabagay, hindi naman siya tutol sa modernisasyon. Naalala niya ang pentapolis niya. Kung hindi lang iyon pinabura ng langit ay siguradong isa sa mga pinakamalakas na bansa na ito ngayon. Malayo kumpara sa walang kuwentang lugar sa baba. Nang nagsawa sa kakalipad ay hinanap niya ang Recto at doon siya tumambay sa paborito niyang gusali. Doon siya dumadapo para magmanman. Nakita niyang pumasok sa pintuan si Marciel. Alam niyang hinahanap siya nito dahil nakita niyang ilang beses ito sa tuktok ng mga gusali na niraramdam kung saan ang enerhiya niya. Bakit kasi sakto na nandoon si Marciel sa post office nang dumating siya? Kung hindi siya naramdaman ng lalake ay baka mas madaling gumalaw. Mas magaan kapag enerhiya lang siya. Pero sabagay hindi na siya nahirapan na hanapin ito dahil nakasalubong na niya agad.



Mga kalahating oras pagkatapos na pumasok si Marciel ay iyon naman lumabas si Patty. Pagkatapos lumabas ng babae ay lumabas naman si Marciel, naghulma uwak at lumipad sa alapaap para para matingnan ang pag-uwi ni Patty. Alam niyang gabi-gabi nitong hinahatid si Patty ng uwi dahil kapag parating si Patty sa boarding house ay nararamdaman niya ang malamig na enerhiya ni Marciel sa paligid.



Lumipad naman siya ng mas mataas para masundan ang dalawa sa baba. Nakita nga niyang huminto si Patty sa Tinapayan Bakeshop. Pagkatapos ng tatlong minuto ay lumabas ito sa bakeshop at dumiretso na ng uwi. Nang nakita naman ng uwak na nakapasok na si Patty sa bahay ay lumipad na ito palayo.



Iyon naman siya dumapo sa lupa at naging puting aso. Umupo lang siya sa upuan sa labas at tiningnan ang mga dumadaan. Dati, ang mga tao roba at mahahabang palda at tunic ang suot, ngayon paiksian na. May nakita siyang tabatsoy, nagpapata na ang mga binti pero labas singit ang short. Tinahulan niya ito nang tinahulan.



Bumukas ang pintuan at lumabas si Patty. "Mahal, tingnan mo oh, may sobrang hotdog si Jenny. Kain ka." Nilagay ni Patty ang isang Tupperware na kanin at hotdog sa tabi niya.



Hindi niya pinansin. Pakainin ba naman siya ng tira.



"Bakit hindi ka kumakain? Magkakasakit ka niyan? Nami-miss mo na ba ang may-ari sa 'yo?" Pinilit pa nitong ipasubo sa kanya ang hotdog. Binuka niya ang bunganga at pinakita ang mga pangil para iparating dito na subuan pa siya ay kakagatin na niya talaga ito.



"Suplada naman ang baby girl ko!" sabi ng babae.



Mabilis kasi siyang matuto ng iba't-ibang lengwahe at sa ilang linggo niyang pakikisama sa mga tao sa dampa na ito ay naiintindihan na niya ang pinag-uusapan ng lahat at wala na yatang mas nakakabuwisit pa kundi ang matawag na baby girl. Ewan nga niya at nang nagtransform siyang aso ay babaeng tuta ang labas niya. Sigurado talaga siyang lalake ang essence niya. At hindi nga niya akalain na isa siyang napakagandang Bischon Frise. Akala pa naman niya lalakeng doberman o Labrador siya. Nangririndi siya sa kanyang asong itsura. Pero sabagay, hindi siya sigurado kung pupulutin siya ng babae kung ibang aso siya. Baka nga tabuyin siya.

ANG NAWAWALANG PINTUAN SA RECTO   (published by Bookware Publishing Corporation)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon