July 2, 2004 ay pinadalhan si Patty ng dalawang libong peso ng pinsan niyang nagtratrabaho sa Taiwan para bilhan niya raw ito ng mga Tagalog Pocketbooks. Nagtratrabaho kasing katulong ang pinsan niya sa isang mansiyon sa tuktok ng isang burol sa Taipei at nabuburo raw palagi dahil walang mapupuntahan kaya nagpapabili ng pocketbooks para may libang-libangan. Pumunta siya sa National Bookstore sa Recto at doon inubos ang isang libo sa pocketbooks. Ang limang daan daw ay sa shipping at limang daan ay kanya na.
Sumakay siya ng jeep papuntang Post Office sa Liwasang Bonifacio. Lalakarin nga sana niya kaso masyadong mainit ang hapon. Papapila siya sa hilera ng International mail nang nakita ang isang pamilyar na kapang itim sa lalakeng nag-iisang nakapila roon. Parang kay Recto Boy ang masaharing tindig ah! Lalapit sana siya nang napalingon ang lalake na para bang may tumawag dito at hinanap nito.
Akala nga niya sa kanya ito mapapatingin ngunit napalampas ang mga mata. Tumingin ito sa mataas na kisame at naghanap doon. Maya-maya ay nakita niya itong tumakbo habang nasa kisame pa rin ang mga mata.
'Ano 'yon?' napapabungisngis niyang tanong sa sarili. May problema ba ito sa pag-iisip? Huwag naman sana.
Napahinto ang lalake sa gitna ng lobby at ang sahig naman ang pinakiramdaman.
Dumiretso na lang siya sa mailing window para mapadala ang mga pocketbooks na binili niya. Pagkatapos mabayaran ang kanyang padala ay hinanap niya ang lalake para tingnan kung ano ang sunod nitong gagawin. Pababa ito ng hagdan. Sinundan naman niya. Gusto niya kasing tsikahin. Naalala niyang patong-patong ang mga ginagawa nito sa mesa. Baka makahanap siya ng sideline sa opisina nito. Marunong kaya siyang gumamit ng Corel Draw, Photoshop, Flash, Auto CAD at kaya-kaya niyang gayahin ang mga pekeng diploma at ID na 'yan.
Pagbaba niya ay mga palikuran pala. Baka nag-wewe. Matagal din siyang naghintay sa labas ngunit walang lumabas na nakakapa ng itim. Diniretso na lang niya ang lobby at nakalabas siya sa isang hardin. Wala namang tao dito. Bumalik na lang siya sa hagdan at muling umakyat sa ground floor. Doon nakita niyang papasok ng entrance ang lalake. Nakalabas na pala. Tumayo ito sa gitna at nilibot ang mga mata. Tumigil lang nang nakita siya nitong papalapit.
"Kuya, nagkita na naman tayo," sabi niya sabay bigay ng malapad na ngiti. "Mukhang may hinahanap kayo?"
"May nararamdaman ka bang nakakaiba, Patricia?" tanong nito sa nababahalang boses.
Napakunot ang noo niya. "Nakakaiba? Parang wala naman?"
"Sigurado ka? Iyong parang nakakaibang enerhiya na nagpapatayo ng balahibo mo?"
Napailing siya.
BINABASA MO ANG
ANG NAWAWALANG PINTUAN SA RECTO (published by Bookware Publishing Corporation)
FantasySi Patty ay may nakilalang Anghel ng Kamatayan sa isang sekretong pintuan sa Recto, Manila. Malamig man ang Anghel at weirdo pero paano naman hindi mahuhulog ang loob ni Patty dito gayong mabait naman ito sa kanya? CURRENTLY IN BOOKSTORES! ...