TULALA at tila hindi makausap si Adrian ng mga araw na iyon. Namumugto ang kanyang mga mata, halatang magdamag itong umiiyak. Magulo ang kanyang buhok na tila ba ilang araw nang hindi naliligo. Nakakalat ang mga gamit nito sa kanyang kwarto na akala mo ay dinaanan ng isang bagyo.
"Ate, pagbuksan mo kami ng pinto. Nag-aalala na kami sa 'yo." May halong pag-aalala sa boses ng nakababatang kapatid nito na si Aries. Salitan silang dalawa ng nakatatandang kapatid na si Erin sa pagkatok sa kwarto pero wala silang naririnig na kahit na anong sagot mula kay Adrian. Ilang araw na rin kasi itong nagkukulong sa kwarto at hindi pa lumalabas. Nag-aalala na sila na baka kung ano na ang nangyayari sa loob. Sinubukan na nilang sirain ang pinto pero nabigo sila. Hindi rin nila mahanap ang susi ng kwarto at sa tingin nila ay kinuha ito ni Adrian para talagang walang makapasok sa loob.
Limang araw na simula noong iniwan siya ng girlfriend nitong si Missy. Bigla na lamang itong umalis ng hindi nagpapaalam, at walang nakakaalam kung nasaan man siya ngayon. Maging ang magulang nito ay wala raw alam. Ilang beses na noon pabalik-balik si Adrian sa bahay ng nobya, nagbabakasaling makita siya doon pero palagi siyang bigo.
"Iwan niyo na ako!"
Nagkatinginan sa isa't isa ang magkapatid na Erin at Aries. Kahit papaano ay nakampante silang marinig ang boses ng kapatid. Ilang araw na kasing hindi nila ito naririnig magsalita.
"Adrielle, buksan mo itong pinto. Hanggang kailan ka ba magmumukmok d'yan sa loob ng kwarto mo?" malumanay pero bakas sa boses ni Erin ang pag-aalala nito.
"Ayaw ko kayong makausap! Gusto ko si Missy! Nasaan si Missy? Hanapin niyo siya!"
Ilang sandali lang ay nakarinig ng kalabog ang magkapatid. Sa loob ng kwarto naman ay tila ba parang nababaliw na si Adrian sa inasta nito. Nakailang sabunot na siya sa sariling buhok.
Hindi niya lubos maisip kung bakit nagawa ito ng nobya sa kanya. Sa pagkakaalam niya, naging mabuting partner naman ito sa dalaga.
"Nasaan ka, Missy? Ano ba ang problema? May mali ba sa akin?"
----------*****----------
ILANG buwan din ang lumipas magmula noong iwan ni Missy si Adrielle, na mas kilala ng marami bilang Adrian. Halos araw-araw niyang hindi pinapansin ang dalawang kapatid. Ayaw niya kasi munang makipag-usap kanino man. Mas minabuti rin niyang sa loob na lang ng kwarto ito mamalagi. Nakadungaw lang ito sa may bintana kung saan makikita ang gate ng bahay nila. Nagbabak-sakali na makita doon ang babaeng matagal na niyang hinihintay.
Pasado alas onse na ng gabi nang may naaninag siyang tao papalapit sa gate nila. Biglang kumabog ng mabilis ang tibok ng puso niya nang makita nang tuluyan ang mukha ng taong papalapit sa bahay nila. Hindi siya makapaniwala!
Walang anu-ano'y kumaripas si Adrian ng takbo palabas ng kwarto niya. Nadaanan pa niya ang dalawang kapatid nito sa may sala, nanonood ng palabas sa TV. Pero dahil sa bilis ng pangyayari, hindi kaagad nakapag-react ang magkapatid. Nang mapagtanto ay kaagad nila itong sinundan.
Bakas sa mukha ni Adrian ang tuwa habang papalapit siya nang papalapit sa gate nila kung saan ay positibo ito na naroon ang kanyang nobya na ilang buwan na rin nitong hinihintay. Pagkabukas, doon ay nakita niya ang taong matagal na niyang hinihintay. Ang babaeng ilang araw na niyang gustong mayakap. Araw-araw itong nangungulila sa dalaga.
"Hal!"
Maririnig sa boses ni Adrian ang tuwa nang tawagin niya ang nobya. Niyakap niya kaagad ito nang mahigpit. Ilang sandali lang ay isa-isa nang tumulo ang luha sa mga mata nito.
"Bakit ngayon ka lang dumating? Ang tagal kitang hinintay," saad nito. Mayamaya lang humiwalay ito sa yakap at tiningnan ang dalaga na ngayon ay umiiyak at hindi makatingin ng diretso sa kanya.
"Hal."
Unti-unti ay napangiti si Adrian nang tawagin siya ng nobya. "I'm sorry... I'm sorry kung umalis ako. I'm sorry kung iniwan kita. I'm sorry," sunod-sunod na sambit nito kasabay ng paghikbi.
"Tahan na, hal. Ang mahalaga bumalik ka," sambit nito. Hindi na inalintana ni Adrian ang tagal ng paghihintay niya noong makita na niya sa wakas ng harapan ang taong matagal na niyang inaasam na makita.
Hinawakan ni Adrian ang magkabilang pisngi nito. Ngumiti ito sa dalaga. Pero nagtaka siya nang hindi ito nagsasalita at patuloy lang sa pagtulo ng luha sa pisngi nito. Nararamdaman niyang parang may gusto itong sabihin ngunit hindi magawa.
"Hal, ano kasi..."
"Ano yun, hal?"
"I'm sorry." Mas lalo pang lumakas ang hikbi ng dalaga pagkatapos banggitin ang mga katagang iyon. "I'm sorry kung binigo kita."
"Wala na akong pakialam sa naging dahilan mo, hal. Ang mahalaga sa akin ngayon ay nandito ka, bumalik ka sa akin."
"Hindi ako nag-iisa."
Nagtaka si Adrian nang marinig ang sinabi ng nobya. Tiningnan niya ang dalaga sa mukha pero umiwas lang ito ng tingin. Ano ang ibig sabihin nito?
"Anong ibig mong sabihin, hal?"
"B-Buntis ako."
----------*****----------
BINABASA MO ANG
The Unbreakable Thread (GL)
Short Story"Mahal mo nga ba talaga ako? O mahal mo lang ako dahil alam mong mas convenient 'yon para sa 'yo?" [PUBLISHED UNDER MNV PUBLISHING]