Adrian's POV
Marami ang nagbago magmula noong ipakilala ako ni Missy sa mga ka-trabaho niya. At simula noong nakapasa siya sa sinasabi niyang Nesting, tila ba lagi na rin siyang naging busy.
Kung noon ay nakakausap ko pa siya tuwing break or lunch, ngayon kakaonting oras na lang ang binibigay niya sa akin.
Naging malimit na rin ang oras namin sa isa't isa. Kapag uuwi ako galing sa trabaho, tulog na siya. Pag nagigising naman siya, ako naman ang tulog. Hindi rin tugma ang off naming dalawa dahil ang sabi niya, hindi naman daw fixed ang day off sa BPO, hindi kagaya ng sa akin.
Kakauwi ko lang galing sa trabaho. Tumambad sa akin ang natutulog na si Missy. Pansin kong nakababa ang kumot nito kaya kaagad akong lumapit at inayos ang kumot sa katawan niya. Hinalikan ko siya sa noo. Matapos kong magbihis ay dumiretso na ako sa kusina para sana kumain pero laking dismaya ko nang wala man lang akong pagkain na naabutan.
"Hindi man lang siya nag-handa ng pagkain," pabulong kong sabi. Bumuntong-hininga na lang ako dahil sa dismaya. Lagi na lang ganito. Noon, pagkauwi ko nakakapag-handa pa naman siya ng pagkain para sa akin. Kung alam ko lang, edi sana ay kumain na lang muna ako sa karinderya malapit sa Morning Cafe.
Dahil gutom na ako, kumuha na lang ako ng dalawang itlog sa may ref at saka ito niluto. Nagsaing na rin ako para bagong kanin ang babaunin ni Missy sa trabaho. Matapos akong mag-asikaso sa lahat ay kumain na rin ako. Buti na lang at may stock pa ng pagkain sa ref kahit papaano.
Dumiretso na ako sa kwarto matapos kong kumain. Umupo ako sa pwestong malapit sa ulo ni Missy. Hinalikan ko ang kanyang noo at saka hinimas ang kanyang buhok.
"Wala na tayong time sa isa't isa, hal. Pasensya ka na, ah? Busy rin kasi ako sa work ko, eh."
Bahagya siyang gumalaw kaya napatigil ako sa paghaplos ng buhok niya. Tumagilid lang ito sa akin.
"Alam ko namang kaya mo yung trabaho mo. Pero kung sakaling nahihirapan ka, pwede mo po akong kausapin. Kwentuhan mo ako."
Natahimik ako saglit. "Ang dami kong gustong i-kwento sa 'yo pero hindi ko magawa dahil magkaiba ang schedule nating dalawa."
---------*****----------
PASADO alas dos na ng hapon. Oras na rin para sa huling break ko kaya tinawag ko na si Samson para pumalit sa pwesto ko at nagpunta ng locker para kunin ang cellphone ko. Malawak ang ngiti ko habang hinahanap ang cellphone sa bag ko pero laging dismaya nang mapansin na wala man lang ni isang message sa akin si Missy.
Nakakapagtaka. Palagi naman siyang nagbibigay ng update sa akin tuwing pauwi na siya or kung nakarating na ba siya ng bahay. Pero ngayon, wala ni isa.
Baka sobrang pagod. O di kaya, siksikan masyado sa daan, natakot maglabas ng phone at baka mahablot.
Kahit nadidisappoint ako, pinilit ko pa rin siyang bigyan ng benefit of the doubt. Baka kasi mali naman pala talaga ang naiisip ko.
[Hal, nasa bahay ka na?]
Pansin kong nag-delivered kaagad ang message na sinend ko sa kanya. Ilang minuto akong naghintay pero hindi niya pa rin nasi-seen ang message ko.
Tulog na kaya siya? Pero imposible kasi alam kong pinapatay naman niya ang data bago siya matulog. Susubukan ko sana siyang tawagan pero napansin kong limang minuto na lang ang oras ng break ko kaya hindi ko na lang tinuloy.
[Baka nakatulog ka na. Sleep well, hal. Dalawang oras na lang din at makakauwi na ako. See you po.]
Matapos kong i-send iyon ay binalik ko na sa loob ng locker ang phone ko at saka pumasok na sa loob ng Cafe.
BINABASA MO ANG
The Unbreakable Thread (GL)
Short Story"Mahal mo nga ba talaga ako? O mahal mo lang ako dahil alam mong mas convenient 'yon para sa 'yo?" [PUBLISHED UNDER MNV PUBLISHING]