Adrian's POV
"NAPAGTAASAN ko lang siya ng boses pero hindi ko siya sinaktan ng pisikal."
Hindi ko mapigilang magtaas ng boses nang depensahan ang sarili dahil sa tanong ni Erin. Kasalukuyan kaming nasa sala ng bahay, magkatapat ng upuan, habang ang bunso naming si Aries ay nasa mesa at kumakain. Tinawagan ko kasi sila kagabi para humingi ng tulong na hanapin si Missy. Kaagad rin naman silang dalawang pumunta rito sa bahay para damayan ako."Eh, ano pala ang nangyari bakit bigla na lang siyang umalis? Alangan namang trip lang 'nun lumayas?" sarkastiko nitong sabi. Napairap na lang ako.
"Hindi ko na alam, wala akong idea. Ang alam ko lang, nangyari ito after ng Team Building nila."
Nanlumo ako sa mga naiisip. Hindi ko yata kakayanin kapag tuluyan siyang nawala sa akin. Pinuntahan ko na siya sa mga lugar na posible niyang puntahan pero palagi akong bigo na makita siya.
"Baka may iba na."
Nanlisik ang mga mata ko nang mapatingin kay Aries na ngayon ay busy sa lamesa at kumakain ng hapunan. Napailing ako ng ilang ulit.
"Alam kong mahal ako ni Missy. Hindi niya ako ipagpapalit kahit na kanino. Nagkaroon lang kami ng misunderstanding at babalik din yun," pangngumbinsi ko sa sarili.
Ilang araw ko siyang hinintay na bumalik. Nakailang beses ko na rin siyang tawagan pero hindi niya ito sinasagot. Naka-block ako sa social media accounts na meron siya kaya wala akong ibang paraan para makontak siya. Habang tumatagal, nawawalan na rin ako ng pag-asa na babalik pa siya.
Ang hirap ng pakiramdam na bigla ka na lang iniwan ng taong pinakamamahal mo nang wala man lang pasabi at hindi nagpapaalam. Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari, baka hinayaan ko na lang na palipasin muna ang mga araw at saka lang hingiin ang paliwanag niya kapag okay na ang lahat.
"Ate, pagbuksan mo kami ng pinto. Nag-aalala na kami sa 'yo."
Hindi ko pinansin ang pagtawag sa akin ni Aries. Nakatingin lang ako sa labas ng bintana, tulala at nagbabakasaling mahagilap ng mga mata ko ang mukha ng taong sabik na akong makita. Nakarinig ako ng ilang beses na pagyugyog at pagkatok sa pintuan ng kwarto ko gawa nina Aries at Erin, pero tila hindi nila mabuksan ang pintuan. Maliban kasi sa naka-lock ito ay ginamitan ko rin ng maliit na cabinet pangharang dito at ng dalawang upuan na magkapatong. Nasa kama ko ang susi ng pintuan dahil alam kong magpupumilit ang dalawa na buksan ang pinto. Ayaw kong kumausap ng kung sino man ngayon. Kung may kakausapin man ako, si Missy iyon.
"Iwan niyo na ako!" iritable kong sigaw sa dalawa na wala pa rin ang tigil sa pagkatok sa akin. Saglit na natahimik ang dalawa pero mayamaya lang ay narinig kong nagsalita si Erin.
"Adrielle, buksan mo itong pinto. Hanggang kailan ka ba magmumukmok d'yan sa loob ng kwarto mo?"
"Ayaw ko kayong makausap! Gusto ko si Missy! Nasaan si Missy? Hanapin niyo siya!"
Para na akong mababaliw. Ramdam ko na ang hapdi sa tiyan ko dahil ilang araw na rin akong di makakain nang maayos. Naamoy ko na rin ang sarili dahil tatlong araw na akong hindi nakakaligo. Baka kasi kapag umalis ako sa bintana ay siya namang pagdaan ni Missy sa may gate. Kaya hindi, hindi ako aalis sa pwestong ito hangga't hindi ko nakikita si Missy.
Napatingin ulit ako sa phone ko at nagbabakasakaling may message na doon si Missy pero bigo pa rin ako. Napasabunot ako sa sariling buhok at napasigaw.
"Nasaan ka, Missy? Ano ba ang problema? May mali ba sa akin?"
Bakit mo ako iniwan, Missy?
Lumipas ang ilang araw na paghihintay, at ang araw na 'yun ay naging buwan. Unti-unti ko nang natatanggap sa sarili na imposibleng bumalik pa si Missy. Tuluyan na nga niya talaga akong iniwan. Ang sakit. Nakakapanlumo. Nakakapanghina.
Nakatulala pa rin akong nakatingin sa labas ng bintana. Mag-alas nuebe na at medyo umaambon ng mga oras na iyon. Nanliit ang mga mata ko nang may naaaninag akong anino ng isang tao, papalapit sa gate na matagal ko nang tinitingnan. Unti-unti kong naramdaman ang kaba sa dibdib na mas lalong bumilis ang kabog nito nang makita at maaninag ng mga mata ko ang mukha ng taong matagal ko nang hinihintay. Naka-jacket ito ng kulay itim, naka-denim pants at pansin ko rin kaagad ang headband nitong kulay lila. Ilang beses pa akong napakurap at kinusot ang mga mata para kumpirmahin ang nakikita ko.
Nakita ko siya, nakatayo sa labas ng gate at tila tulala.
Si Missy!
Nagmadali akong tumakbo palabas ng kwarto at dumiretso sa may gate kung saan naghihintay si Missy. Hindi na ako nag atubili pa at binuksan ko ang gate at saka tumambad sa akin ang mukha niya na mangiyak-ngiyak.
Sa sobrang kabog ng dibdib ko, para na akong hihimatayin dahil nararamdaman ko rin ang paninikip nito. Ramdam ko ang paninindig ng balahibo ko na para bang nakakita ako ng isang multo.
"Hal!"
Hindi ko maitago ang saya nang yakapin ko siya. Mahigpit na mahigpit. Hindi ko namalayang umiiyak na pala ako habang hinihimas ko ang buhok niya at hinahalikan ang kanyang pisngi.
God! Sobra kong na-miss ang babaeng ito!
"Bakit ngayon ka lang dumating? Ang tagal kitang hinintay."
Humiwalay ako sa pagkayakap nang maramdaman kong parang humihikbi siya.
"Hal. I'm sorry... I'm sorry kung umalis ako. I'm sorry kung iniwan kita. I'm sorry." Sunod-sunod ang luhang pumatak sa mga pisngi niya. Nakayuko lang siya sa akin at hindi makatingin ng diretso.
'Yung sakit ng ginawa niyang biglaang pag-iwan sa akin nang hindi man lang nagpapaalam, ilang buwan kong pangulila sa kaniya, yung pagod kakahanap sa kaniya sa mga lugar na posible niyang punatahan, yung mga araw na wala akong masyadong tulog at maayos na kain dahil hindi mapakali, lahat ng iyon ay naging balewala na lang bigla nang makita ko na sa harapan ang taong matagal ko nang makita, makausap at mayakap.
Ngumiti ako sa kaniya.
"Tahan na, hal. Ang mahalaga bumalik ka."
Ang dami kong gustong sabihin sa kaniya. Ang dami kong gustong isumbat. Ang dami kong gustong ireklamo sa kaniya. Pero mas pinili ko na lang ang manahimik. Mas gugustuhin ko pang kimkimin na lang ang lahat ng sakit, wag lang siyang mawala ulit sa tabi ko.
Hinawakan ko siya sa magkabilang pisngi at pilit na inangat ang mukha niya para magtagpo ang mga mata namin, pero mas lalo lang siyang humagolgol ng iyak. Para bang may gusto siyang sabihin pero hindi niya masabi.
"Hal, ano kasi-" ngumiti ako nang sa wakas ay nagsalita na siya.
"Ano yun, hal?"
"I'm sorry."
Walang tigil ang pagpatak ng mga luha niya. "I'm sorry kung binigo kita." Pagpapatuloy pa nito. Lumakas pa lalo ang pag-iyak niya. Hinimas ko ang kanyang buhok at saka hinaplos muli ang magkabilang pisngi at hinarap iyon sa akin. Mas lalo akong napangiti nang sa wakas ay magtagpo ang paningin naming dalawa. Halos mamaga na ang mga mata niya kakaiyak, bagay na mas lalong nagpakirot ng dibdib ko.
"Wala na akong pakialam sa naging dahilan mo, hal. Ang mahalaga sa akin ngayon ay nandito ka, bumalik ka sa akin."
Tanga na kung tanga, pero kakalimutan ko ang nangyari manatili lang siya sa tabi ko. Sa pagkakataong ito, hindi ko na hahayaang umalis siyang muli. Hindi na mangyayari 'yun.
"Hindi ako nag-iisa." Banggit niya sabay iwas ng tingin.
'Unti-unting nawala ang ngiti ko dahil sa narinig. Nagtataka akong napatingin sa kaniya.
"Anong ibig mong sabihin, hal?" naguguluhan ko pa ring tanong sa kaniya.
Akala ko ang pag-alis niya ang pinakamasakit na nangyari sa buhay ko. Unti-unti ko nang tinanggap sa sarili ko ang pagkatalo, na baka nga tuluyan na niya akong iniwan. Hindi ko matanggap sa sarili kong iniwan na nga niya talaga ako. Araw-araw kong hinihiling sa Diyos na sana bumalik na ang pinakamamahal ko.
Hindi ko inasahan na sa pagbabalik niya, mas dudoble pala ang sakit na mararamdaman ko. Hindi ko kayang tanggapin ang isiping iiwanan niya ako pero mas hindi ko yata kayang tanggapin ang dalawang salitang binanggit niya na nagpatigil ng mundo ko.
"B-Buntis ako."
BINABASA MO ANG
The Unbreakable Thread (GL)
Short Story"Mahal mo nga ba talaga ako? O mahal mo lang ako dahil alam mong mas convenient 'yon para sa 'yo?" [PUBLISHED UNDER MNV PUBLISHING]