Chapter 2: Freedom

64 26 3
                                    

Adrian's POV

HINDI madali ang pumasok sa isang relasyon. Kailangan mong maging handa. Hindi ito isang laro na kapag nakita mong ginagawa ng karamihan ay kailangan mo na rin makisali at maglaro na rin. Ang pakikipagrelasyon ay isang responsibilidad. Binibigyan mo siya ng karapatan sa buhay mo at ganoon ka rin sa buhay niya.

Alam ko sa sarili kong handa ako bago pa man ako nagtapat kay Missy. Kung may isang bagay man akong natutunan sa ngayon, 'yun ay ang 'wag matakot sumugal. Na kahit naiisip mong alanganin siya, kailangan mo pa rin subukan. Tumatak sa akin ang sinabi ni Toni noon na walang mangyayari kung hindi ko susubukan. Matagal ko na rin namang naririnig ang salitang 'yan pero sa hindi ko malaman na dahilan, natauhan ako bigla nang mga oras na iyon.

Dalawang taon na ang lumipas magmula noong sinagot ako ni Missy. Sa loob ng dalawang taon na 'yun, hindi naging madali ang buhay naming dalawa dahil sa palihim ang pagkikita namin. Desisyun 'yun ni Missy dahil hindi pa raw siya handa na malaman ng magulang niya ang totoo.

Sa part ko, alam naman ng erparts ko na hindi ako 'yung klase ng babae na gusto niya paglaki. 'Yung tipong makakahanap ng lalaking magmamahal at mamahalin. 'yung tipong magiging butihing asawa at magkaroon ng anak. Sa totoo lang, iisipin ko pa lang ang bagay na 'yun, para na akong sinisikmura. Dati pa lang, alam kong hindi ako straight na babae. Puro na lalake ang nagiging kaibigan ko noon pa man. Humahanga ako sa mga babae. Bagay na hanggang ngayon ay hindi matanggap ni erpats. Pinipilit niya pa rin akong magbago.

Hanggang sa paunti-unti, nalalaman na ng mga tao sa paligid namin ang tunay na estado naming dalawa. May iilang masaya para sa amin pero karamihan sa kanila ay tutol. Nagmistulang us against the world ang relasyon namin dahil sa mga taong makikitid ang pag-iisip at hindi kayang tanggapin ang kung anong meron sa amin ni Missy. Sa dami ng mga mapanghusgang mga mata, mas pinili naming dedmahin na lamang sila. Hangga't masaya kami sa isa't isa, sapat na sa akin 'yun.

Noong nalaman ng Papa ni Missy na nakipagrelasyon siya sa kapwa babae rin, sa akin, ay bugbog-sarado ang inabot nito. Bagay na di ko nadepensahan dahil nasa school ako ng mga oras na iyon. Bigla na lang siyang pumunta sa bahay namin isang gabi na may mga pasa na, umiiyak at nanghihina. Saka niya kinuwento sa akin ang nangyari. Gusto ko sana sugurin ang papa niya dahil sa hindi makatarungan nitong ginawa pero pinigilan niya ako. Ayaw raw niya kasing lumaki pa at madamay ako sa away nilang mag-ama. Nang itanong ko kung nasaan si Tita—ang mama niya, ng mga oras na 'yun, nagkibit-balikat lang siya.

Naikwento na rin niya sa akin na nambubugbog nga raw ang Papa nito at maging si Tita ay sinasaktan niya. Hindi ko naman inakala na pati kay Missy ay magagawa niya ang bagay na 'yun. Napaka-walang'ya! Ang nakakainis pa roon, nagbubulag-bulagan lang si Tita sa nangyari.

Dahil hindi kinaya ng konsensya ko na ganoon ang magiging sitwasyon ni Missy sa bahay nila ay inaya ko na siyang sa amin na lang tumuloy. Noong mga panahong iyon naman ay nasa probinsya ang erpats ko kaya wala siyang alam na ibinahay ko si Missy. Hahanap lang sana ako ng tamang pagkakataon at sapat na ipon para umalis na rin sa bahay at manirahan kasama si Missy.

Pero isang araw nagulat na lang kami nang biglang umuwi si erpats. Nasa kwarto kami ni Missy ng araw na yun. Nakahiga sa kama habang nanonood kami ng palabas sa Youtube, naka-unan siya sa bisig ko at bahagyang nakayakap. Nasa ganoong posisyun kami nang madatnan ni erpats.

"Totoo nga ang nabalitaan ko!"

Dahil sa gulat ay sabay kaming napabalikwas ng tayo ni Missy. Kinabahan ako nang makita ko ang galit na galit na mukha ng erpats ko. Mayamaya lang ay sumugod siya sa amin at hinila ako palabas ng kwarto.

"Ano ba naman itong katarantaduhang ito, Adrielle!" galit na galit na sambit niya. Halos mabingi ako dahil sa lakas ng boses niya. Napapatumba naman ako dahil sa lakas ng pagkakahila niya sa akin.

The Unbreakable Thread (GL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon