Chapter 102

35 2 0
                                    

Chapter 102





"Ipasa mo sa akin dali!" Masayang sigaw ng isang batang babae habang nakikipaglaro ng bola sa kanyang mga kaibigan.

Heto ako. Nakaupo sa isang tabi at masayang nanonood sa kanila. Naging bata rin ako katulad nila pero hindi ko kailanman naranasan ang nararanasan nila ngayon. Tipong masayang naglalaro at walang ibang iniintindi sa buhay. Ako, pagtungtong ko sa edad na lima, kumakayod na ako agad para matulungan ang aking mga magulang sa halip na mag-aral at maglaro na siyang dapat ginagawa ng isang normal na bata.

Hindi ko naman sinisisi ang mga magulang ko dahil naiintindihan kong mahirap lang kami. Ako mismo ang nagsabi sa kanila na tutulong muna ako at kapag kaya na, saka na lang ako mag-aaral. Ngayon, labing dalawang taong gulang na ako. Kumakayod pa rin para kumita ng pera at matulungan ang pamilya. Maaga akong namulat sa reyalidad pero kahit sa ganitong edad, gusto ko pa rin maranasan ang maglaro at maging masaya kasama ang iba.

"Kuya!" Tawag ng isang pambabaeng boses. Isa sa mga naglalarong bata.

Tumingin lang ako sa kanya. Sa akin siya nakatingin habang hawak ang isang bola. Maya-maya pa, tumakbo ito palapit sa akin at nakangiting tumigil sa aking harapan.

"Tara! Sali ka sa amin!" Walang pag-aalinlangan niyang imbita sa isang nagugulat na tulad ko.

"T-Talaga?" Nautal ako sa gulat at tuwa dahil ngayon lang may lumapit sa akin at yayain akong makipaglaro. Walang gumagawa ng bagay na iyon sa akin dahil isa akong madungis. Parang palaboy.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, nanliit ako bigla. Isa siyang napakagandang batang babae. Sobrang ganda ng kanyang suot na damit at napakalinis din. Mukha siyang mayaman kaya naglaho nang mabilis ang tuwang naramdaman ko. Hindi ako nababagay sa mga katulad nila.

"Ayoko. Marumi ako." Nag-iwas ako ng tingin.

Ayokong tumanggi dahil pagkakataon ko na ito para maranasan ang paglalaro kasama ang iba pero, dapat matuto akong lumugar. Mayayaman sila samantalang ako, araw-araw nag-iisip kung paano makakakain ng tatlong beses sa isang araw.

"Po? Ayos lang po hindi naman po hadlang ang pagiging marumi sa paglalaro natin." Inusente niyang sabi dahilan para mapatingin muli ako sa kanya. "Sige na po pumayag na kayo. Kulang kami ng isa eh." Humaba ang kanyang nguso.

Tumingin ako sa kanyang mga kasamahan. Lahat sila ay naghihintay sa kanyang pagbalik kasama ako. Ang iba sa kanila ay mga bata na medyo mukhang matanda sa batang kaharap ko ngayon at ang ilan naman ay parang kaunti lang ang agwat ng edad na ibinaba sa akin.

Dahil hindi ko naramdaman ang pandidiri mula sa kanila, ngumiti ako at tumango. "Sige. Sasali ako."

"Yehey!" Tinaas niya ang dalawang braso bago tumakbo palapit sa kanyang mga kasama. "Sasali daw si kuya sa atin! Kumpleto na tayo!" Batang-bata nitong sigaw.

Halos magdidilim na nang matapos akong makipaglaro sa kanila. Sobrang saya ko. Pakiramdam ko, nabuo ang buong pagkatao ko sa isang laro lang. Ang saya. Sobra. Ganito pala ang pakiramdam ng pagiging bata. Sana noon ko pa ito naranasan.

Gabi na ako nakauwi. Nadatnan ko si papa na kakauwi lang din galing sa pagkakarpentero at si mama na siyang naghahayin ng pagkain sa lamesa.

"Oh, Jack. Nandito ka na pala. Halika kumain na tayo." Nakangiting sabi ni mama.

"Saan ka galing?" Pagod na tanong ni papa.

Lumapit ako at nagmano sa kanila. "Wala po ako masyadong nakalakal na basura kanina kaya naisipan ko po muna na tumambay tapos alam nyo po ba, may isang napakaganda at mayaman na bata ang nag-imbita sa akin na makipaglaro sa kanila kanina. Sobrang saya ko po dahil ngayon ko lang naranasan ang makipaglaro kasama ang iba. Ang saya po pala." Naiwan pa ang saya sa puso ko kaya hindi nawawala ang ngiti ko habang nagkukwento sa kanila.

Tale of Coast (Season 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon