Malakas na tunog ng kanyang alarm clock ang nagpagising kay Mia. Nang lingunin nito ang itim na hugis mickey mouse na despertador na nasa ibabaw na maliit nitong mesa, malapit sa kama niya, agad siyang napabangon. Alas singko na ng umaga.
Maliligo pa siya. Agad siyang bumaba ng kama at kinuha ang mga pambihis na naihanda na niya kagabi pa. Sapilitang dinala siya ng kanyang mga pa sa banyo, at pakiramdam niya, ilang tao ang bumugbog sa kanyang katawan, pagal na pagal.
Kalahating oras ang ginugol niya sa pag-aayos sa sarili kasama na ang paliligo. May sarili siyang banyo sa kwarto niya. At kompleto iyon ng amenities ng ipaayos ng daddy nila ang bahay nila tatlong taon na ang nakakalipas.
Dala ang gamit, bumaba siya at kumunot ang kanyang noo dahil tahimik ang kabahayanan at madilim sa kusina.
Sanay na siyang nauunang magising ang kanyang ama, at nagkakape itong madatnan niya sa komedor.
Huminga siya ng malalim. Pumunta siya sa kusina at binuhay ang ilaw. Nakita niya ang isang baso malapit sa percolator na nakalagay sa gitna ng mesa. Hindi ito nagamit, kaya't naisip niya, natutulog pa ang ama.
May kalahating oras pa siyang natitira. Umaalis sila ng daddy niya o ang kuya niya beinte minuto bago ang pasok niya ng alas-sais.
Naisip niyang magkape muna, habang hintaying bumaba ang ama.
Ngunit pagkaraan ng sampung minuto pagkatapos niyang magkape at binabasa niya ang kanyang journal para sa isa niyang pasyente, tumayo siya saka maingat na inilagay sa lababo ang nagamit niyang mug.
Pinatay niya ang ilaw sa kusina at komedor at saka naisip na silipin ang sasakyan ng daddy niya sa garahe, baka may pinuntahan. Laging nagigising ang ama niya kapag alas singko, kaya't nakapagtataka. Unless umalis ito kagabi at hindi na umuwi.
Anduon ang sasakyan ng daddy niya, pwera ang sasakyan ng kuya niya. Hindi nakauwi ang kuya niya kagabi, duon nagpalipas sa Paoay.
Nang tumuwid siya ng tayo, akmang puntahan ang ama sa kwarto nila ng mommy niya ng mahagip ng tingin niya ang sasakyang nakaparada sa harap ng tarangkahan nila. Medyo malayo ito, ngunit sigurado siyang likod iyon ng sasakyan ni Eli.
Sumikdo ang kanyang dibdib.
Imposible!
Nagpalit siya ng pwesto upang makita ng maigi kung kay Eli nga ito, sapagkat may puno ng atis at guyabano na nakaharap sa harapan nila, at ngayon nakatago ang kalahating katawan ng SUV nito. Idinagdag pa ang may dilim pa at ang ilaw sa poste na nasa tapat mismo ng bahay nila ay hindi gaanong kaliwanag.
Nagdesisyon siyang labasan ito.
Kinuha niya ang mahaba niyang kulay tsokolateng trench coat at saka ipinatong sa uniporme niya.
Nang makalabas siya mula sa kanilang pintuan, pinagsalikop niya ang duluhan ng kanyang trench coat at medyo nanginig siya sa lamig ng umihip ang umagang simoy ng hangin sa kanyang pisngi at nanuot iyon sa kanyang buto.
Bumaba siya sa mula sa portico.
Humalukipkip siya na tinalunton ang kanilang grabang daanan palapit sa sasakyan.
At napahinto siya ng nasa harapan na siya ng likod ng SUV ni Eli.
Sa kanya nga ito, at mabilis siyang tumalikod. Ang sasal ng kanyang puso bumilis kasabay ng pagbilis ng kanyang hakbang.
Narinig niya ang pagbukas ng sasakyan nito at ang pagsara.
"Mia, wait!" narinig niyang tawag nito at ang paghabol sa kanya.
Bago siya nakaakyat sa ilang baitang na hagdanan sa portico, nahagip ni Eli ang kanyang palapulsuhan at mabilis siyang iniharap sa kanya.
"Anong ginagawa mo sa harap ng bahay namin?" inis niyang tanong. Alam mo ba na kapag nakita ka ng kuya ko kung sakaling naisip nitong umuwi ngayong umaga, baka mapatay ka niya," mariing sita niya sa binata.
BINABASA MO ANG
Dugtungan Natin Ang Kahapon
Romance"Mia, give me a chance to make it up sa lahat ng pagkukulang ko. Itama ko ang aking pagkakamali at pawiin ang mga sakit na hindi ko sinasadyang ibigay sayo. Let me heal the wounds that I've caused you." - Elijah Benjamin Montenegro Akala ni Mia na a...