Hindi ko na napansin kung gaano katagal kami dito sa labas ng delivery room. Kanina pa hindi mapakali si Maico at pabalik-balik ng lakad sa harap ko. Hinahayaan ko na lang siya kahit medyo nahihilo na ako. Naiintindihan ko naman kasing kinakabahan siya sa paglabas ng anak niya.
"Gusto mo ng kape?" tanong ko sa kanya.
Tumango lang siya at nagpatuloy sa paglalakad-lakad. Tumayo ako at naghanap ng mabibilhan ng kape. Nakakita rin naman ako sa canteen ng vending machine. Hindi ko mapigilan ang pagtulo ng luha ko habang namimili ako ng pipindutin. Ang totoo kasi niyan, kaya gusto ko munang lumayo sa kanya eh dahil sa nasasaktan ako sa mga ikinikilos niya.
Nagpalipas na lang muna ako ng ilang minuto habang ayaw maampat ng mga luha ko. Paulit-ulit na nagpi-play sa utak ko yung sinabi niya kanina sa kotse 'mamaya lang makakasama na natin ang anak natin'. May ideya ba siya kung gaano kasakit sa akin yun? Habang iniisip ko lalong kumikirot. Pero kahit na ayoko na yung isipin eh paulit-ulit pa rin yung tumatakbo sa isip ko. Parang sirang plakang paulit-ulit na nagpi-play.
Nahimasmasan na ako ng kaunti kaya napagpasyahan kong bumalik na sa may delivery room dala yung kape ni Maico. Nasa ganoong ayos pa rin siya pagbalik ko. Hindi makali. Parang pusang hindi matae.
Nakaka-ilang minuto pa lang yata akong nakaupo nang lumabas yung doktor.
"Nakapanganak na po ang Misis niyo Sir. Your son's healthy," sabi nung doktor kay Maico pagkalabas na pagkalabas.
Nakahinga ako ng maluwag sa sinabi ng doktor. At least nakapanganak ng maayos si Elaine. Hindi ko na lang pinansin yung sinabi ng doktor dahil alam ko namang itatama yun ni Maico.
"Salamat po Doc. Pwede na bang makita yung bata?"
Parang tumigil ang paghinga ko sa sinabi niya. Ni hindi niya man lang tinama yung sinabi ng doktor. Hinayaan niyang isipin nun na asawa niya si Elaine. Pakiramdam ko nga hindi niya na napapansin ang existence ko dito. Siguro kung aalis ako hindi niya mapapansin.
Bakit ba paulit-ulit mo akong pinapatay Maico? Alam mo bang ang sakit sakit na?
~~~
Nagising na si Elaine at ako lang muna ang bantay niya ngayon. Kumuha kasi ng mga gamit si Maico dahil hindi na nga kami nakapagdala. Biglaan kasi. Next week pa kasi talaga ang due date niya. Pero sabi naman ng doktor eh normal lang daw yun sa nanganganay. Give and take ng one week.
Kanina ko pa tinititigan yung bata noong nasa nursery pa pero wala akong maramdamang kahit anong amor dun. Ewan ko ba, parang hindi ako natutuwa. Oh baka naman pinagseselosan ko lang yung bata? Mas malaki na kasi yung atensyon ni Maico sa kanya kaysa sa akin. Hindi lang siguro ako sanay.
Kamukha ni Elaine yung bata. Siguro isa rin yun sa dahilan kaya hindi magaang ang loob ko sa bata. Hindi naman kasi siya kamukha ni Maico. Oh baka naman sa paningin ko lang yun? Niloloko ko yung sarili ko para gumaang ang pakiramdam ko.
"Salamat sa pagtulong mo sa akin," si Elaine.
"Wala yun, ano ka ba. Para naman sa bata ang ginagawa ko."
Lumamlam bigla yung mga mata niya. Tinignan niya yung batang nasa tabi niya. Kitang-kita ko yung lungkot doon. Halatang ayaw niyang mahiwalay sa anak niya.
"Jacky..." naluluhang tumingin siya sa akin. "Hindi ko yata kaya," aniya.
"Hindi kaya ang alin?" kunot-noong tanong ko sa kanya.
"Itong anak ko. Ngayong hawak ko na siya, parang ayoko nang mawalay siya sa akin." Nagsimula nang tumulo ang mga luha niya. "Hindi ko kaya," aniya saka hinalikan ang anak.
YOU ARE READING
THE NERDY REBOUND GIRL
Random[Story Completed] Jacky has been in love with Maico since forever. Pero ang kaibigan niyang si Lana ang gusto nito. Kahit pa nga may asawa na ang huli. Nang sumuko si Maico kay Lana, sa kanya ito tumakbo. At doon naganap ang isang di inaasahang pang...