Isa akong scholar sa simbahan ng Sacred Heart of Jesus sa Mandaluyong. Isa ang simbahang ito sa mga beneficiary ng Youth Servant Leadership and Education Program ng Caritas Manila. Para makapások dito, kailangang maintindihan mo na bahagi ng responsibilidad mo ang maglingkod sa simbahan. Well, hindi naman na ito bago sa akin dahil, dati pa naman, naglilingkod na ako sa simbahan kahit hindi ako masyadong aktibo. Lalo akong napalapit sa simbahan at sa turo ng simbahan dahil sa scholarship na ito.
Noong una, hindi ko gustong pumasok sa ganitong scholarship. Hindi rin kasi kami napalaki na sobrang lapit sa simbahan. Kahit na miyembero dati ng Couples for Christ ang mga magulang ko, hindi naging matibay ang commitment namin sa simbahan sa maraming dahilan. Una, si mama lang ang may gusto sa simbahan. Si papa, sa bisyo niya. Kaming magkakapatid, nagsisimba naman kami minsan pero hindi namin ramdam pag-uwi sa bahay ang pagmamahal ng Diyos. Mga bata pa kami nang panahong ito. Ang tanging muwang namin sa mundo ay pagmasdan ang ama naming saktan ang nanay namin o hindi naman kaya ay panoorin silang magsigawan sa bahay.
Bahagi iyon ng krus ko. Sa mura kong kaisipan, nasaksihan ko ang lupit ng aking ama. Minsan, sinisisi ko siya dahil hindi ko nakita sa kaniya ang pagiging isang ama. Nasasabi ko pa nga dati sa sarili ko na hinding-hindi ako tutulad sa kaniya paglaki ko. Kung may sukatan ang pagkamuhi, sukdulan ang pagkamuhi ko sa kaniya. Madalas kong hilingin sa Diyos noon na kunin na Niya si papa o, hindi kaya, ako ang kunin Niya. Dahil sa kawalan ng pakiramdam sa pagmamahal ng isang ama, takot ang nanalaytay sa puso ko kasabay ng pagkamuhi at pandidiri sa kaniya.
Sabi ni Father Alvin, marami táyong pasán na krus - krus sa pag-aaral, krus sa pamilya, krus sa kaibigan at iba pa. Bawat isa sa atin, may bitbit na krus sa kani-kaniyang mga balikat. May iba't ibang bigat din ito. Isa pa sa mga natatandaan kong sermon niya ay ituring daw nating oportunidad ang krus na ito.
(Ha? Paano naging oportunidad ang ganito kabigat na pasánin?)
Naitanong mo rin ba sa sarili mo kung bakit napakahirap ng búhay o kung bakit puro problema na lang ang dumarating sa búhay mo?
Naitanong mo na rin ba kung bakit parang walang nagbabago sa buhay mo kahit nagsisimba ka o naglilingkod sa Panginoon?
Naalala ko ang isang maikling video na napanood ko sa Facebook tungkol sa isang paring nagbibigay ng kaniyang testimonya sa hukuman. Nabanggit niya roon ang katagang ito:
"I prayed for strength, but God gave me struggles to overcome. I prayed for wisdom, but God gave me problems to solve. I prayed for love, but God gave me troubled people to help. My prayers were answered."
Naisip ko na oportunidad nga ang krus na ibinibigay ng Diyos sa búhay natin. Isang oportunidad na hindi lámang paglago ang ibinibigay sa atin kundi kaligtasan.
Sabi ni Jesus, "Ako ang daan, ang katotohanan at ang búhay. Walang makararating sa Ama kundi sa pamamagitan Ko." (John 14:6)
Pumarito si Jesus upang iligtas ang mga makasalanan at ang mananampalataya sa Kaniya. Namuhay Siyang kasama ng mga tao at bilang tunay na tao. Nakibahagi Siya sa paghihirap natin at nakita Niya ang pangangailangan natin. Namatay Siyang may pangako sa atin at nabuhay Siyang dala ang pag-asa natin.
Ang krus na dala natin ay bahagi lámang ng krus na dinala ni Jesus. Habang nagbubuhat táyo ng sarili nating krus, kasáma natin Siya kung ang daang tinatahak natin ay ang daang itinuro Niya.
Mabigat ba ang krus na dala mo? Masakit ba ang krus na nasa balikat mo? Ilapit mo sa Panginoon.
Sinasabi ng Panginoon sa Matthew 11:28-30:
"Lumapit kayo sa akin, kayong mga nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako'y maamo at may mababang loob. Makakatagpo kayo sa akin ng kapahingahan sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo."
Ang Diyos ay tunay na mabuti dahil nagawa pa Niyang alalahanin ang ating mga pasanin sa kabila ng pagpasan Niya sa kasalanan ng mundo. Siya rin ay tunay na mapagmahala dahil hindi lamang Niya nais ang makabubuti sa atin kundi gusto rin Niyang matamo natin ang kapahingahan sa kabila ng ating pagkapagal. Hindi madaling pasanin ang krus kung magri-rely lang tayo sa lakas natin bilang tao. Hindi tayo perfect at lalong hindi tayo holy. Sino tayo para mapantayan ang lakas ni Jesus noong pasanin Niya ang krus ng sanlibutan? Hindi natin kaya mag-isa at hinding-hindi natin makakaya kung wala ang tulong mula sa Panginoon.
PANALANGIN PARA SA DALA NATING KRUS:
Panginoong Jesus, humihiling po kami ng lakas para sa mga krus na aming dala. Inaamin po naming hindi namin kaya ang mga bagay na ito nang mag-isa. Kailangan ka po namin. Turuan po Ninyo kaming maging maamo at mababa ang loob katulad Ninyo at magsilbi rin po sana kaming kaagapay ng aming mga kapatid na nabibigatan sa kaniyang krus.
Amen.

BINABASA MO ANG
KRUS
Spiritüel"Ganun din, kung hindi mo papasanin ang krus mo at di ka susunod sa akin, hindi ka deserving na maging disciple ko." (Mateo 10:38, New Testament Pinoy Version) July 2, 2023, nitong nakaraang Linggo lang, may kung anong tumulak sa akin para magsimba...