Kasalukuyan na akong nakatayo ngayon sa tapat ng tahanan ng mag inang magdayao pero hindi ko pa rin mapigilang mapangiti, nakaalis na rin ang kalesa ni Franco pero hindi ko pa rin magawang pumasok dahil kulang na lang ay sampalin ko ang sarili ko para lang mawala ang ngiti sa labi ko. Tinignan kong muli ang palad ko at mula roon ay nakalapag ang maliit na bulaklak na bigla ko na lang ibinulsa ng bumukas ang pintuan.
"Andiyan ka na pala, Mirza. Saan ka ba nanggaling at inabot ka na ng gabi." nag-aalalang bungad sa akin ni Isaac. Napalunok na lang ako ng laway dahil para ako ngayong isang karakter sa pelikula na naglilihim sa asawa. Pero bakit ba ako kinakabahan gayong hindi naman kami ni Isaac, ang problema lang ay may hindi pa ako nasasabi sa kaniya. Pagpasok ko ay wala nang tao, anong oras na ba.
"Nasan sila?" tanong ko.
"Mga tulog na, pasado alas otso na rin kasi kaya nga nag-aalala ako kung bakit hindi ka pa umuuwi, maupo ka na muna at pinainit ko na rin ang hapunan." paliwanag niya sabay lakad patungo sa likod bahay. Nakokonsensya tuloy ako sa hindi ko malamang dahilan. Pagpasok niya ay dala dala niya na ang pinggan ng ulam at kanin sabay lapag non sa mesa sa harap ko.
"Kumain ka na muna, isasalin ko lang sa palikuran ang pinakuluan kong tubig para magamit mo." sabay balik niya sa likod bahay. Hindi ko magawang hawakan ang kutsara para sumubo ng pagkain dahil sa konsensya. Alam kong may gusto sa akin ang lalaking ito, ngunit paano ko ba aaminin sa kaniyang hindi ko pala kayang ibigay ang buong puso ko sa kaniya.
Ayokong maging unfair sa kaniya at kay Franco.
Noong una aaminin ko, akala ko ay si Isaac talaga ang sinisigaw nito, ngunit bakit ganoon, bakit nagagawa kong mahumaling sa lalaking kabaliktaran ng mga katangian niya.
Bakit ako nahuhumaling sa lalaking masakit manalita, bastos, at walang pakundangan?
Matapos ko magbihis ay naisipan kong sa labas na lang magpatuyo ng buhok, pagkalabas ko pa lang ng pinto ay tinignan ko na kung nasa paligid pa ba si Isaac. Nang mapansin kong wala nang presensya ng tao sa paligid ay tumuloy na ako sa labas at naupo sa mababang hagdan na tapakan pagkapapasok sa loob ng bahay.
"Hindi ka makatulog?" nagitla ako ng marinig ang boses niya. Paglingon ko ay nakangiting lumapit siya sa akin at naupo sa tabi ko. "Gusto mo bang mag-kape?" malumanay na tanong niya, umiling na lang ako dahil ayoko naman na siyang pahirapan pang magpainit ng tubig para lang sa kape ko.
"Nako hindi na, Isaac. Maupo ka na lang diyan, ikaw ba bakit gising ka pa?" balik tanong ko sa kaniya.
"Hindi rin ako makatulog, palagi ko kasing naiisip ang kalagayan namin, hindi ako makapaniwalang nawala na ang lahat sa amin." mapaklang batid niya. Sinagi ko siya dahilan para mapatingin siya sakin.
"Nandyan pa naman kayong pamilya para sa isa't isa, 'yun ang pinakamahalaga." pagpapagaan ko ng loob niya, ngumiti naman siya na nagsasabing may punto ako. Sandaling katahimikan ang bumalot sa amin hanggang sa maisipan kong basagin iyon, "May gusto sana akong sabihin, Isaac" panimula ko. Sandali siyang tumingin sa akin pero agad din ibinaling ang tingin sa harapan.
"Hindi ka pa ba pagod? palalim na rin ang gabi, m-mabuti pa ay ipagpabukas mo na lang ang iyong sasabihin at magpahinga na muna sa ngayon." sabay tayo nito at inilahad ang palad niya sa harap ko, nag-aalangan akong abutin iyon dahil talagang nakokonsensya na ako sa pagtrato nya sa akin gayong mayroon pa akong hindi nasasabi sa kaniyang mahalagang bagay. Hindi ko na siya puwedeng paasahin pa.
"M-Mabilis lang 'to, Isaac. G-Gusto ko lang talaga ipaalam sa iyo na—" pinutol nya ang sasabihin ko ng imuwestra nya sa harap ko ang kamay nya na nagsasabing 'stop' katulad ng pagpapahinto ko sa kaniya noon sa pagpupulong. Naalala nya pa pala iyon.
BINABASA MO ANG
Panimdim
Historical FictionSi Mirza ay guardia ng isang politiko sa taong 2022 na mapupunta sa taong 1870. Nagkataong maililigtas niya ang buhay ng Gobernadorcillo sa panahong iyon at bilang gantimpala, hihilingin niyang maging guardia nito. Mamamangha ang lahat sa angkin niy...